Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
31 Sa iyo, O Panginoon, ako'y humahanap ng kanlungan;
huwag mong hayaang ako'y mapahiya kailanman;
iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katuwiran!
2 Ikiling mo ang iyong pandinig sa akin;
iligtas mo ako agad!
Maging batong kanlungan ka nawa sa akin,
isang matibay na muog upang ako'y iligtas.
3 Oo, ikaw ang aking malaking bato at aking tanggulan;
alang-alang sa iyong pangalan ako'y iyong akayin at patnubayan.
4 Alisin mo ako sa bitag na kanilang lihim na inilagay para sa akin;
sapagkat ikaw ang aking kalakasan.
5 Sa(A) iyong kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,
O Panginoon, tapat na Diyos, tinubos mo ako.
6 Kinapopootan ko ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan,
ngunit nagtitiwala ako sa Panginoon.
7 Ako'y matutuwa at magagalak dahil sa iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat nakita mo ang aking kapighatian,
iyong binigyang-pansin ang aking mga kahirapan,
8 at hindi mo ako ibinigay sa kamay ng kaaway;
inilagay mo ang aking mga paa sa dakong malawak.
9 Maawa ka sa akin, O Panginoon, sapagkat ako'y nasa kahirapan;
ang aking mata ay namumugto dahil sa kapanglawan,
gayundin ang aking kaluluwa at katawan.
10 Sapagkat ang aking buhay ay pagod na sa lungkot,
at ang aking mga taon sa paghihimutok;
dahil sa aking kasalanan, lakas ko'y nauubos,
at ang aking mga buto ay nanghihina.
11 Sa lahat kong mga kaaway, ako ang tampulan ng pagkutya,
lalung-lalo na sa aking mga kapwa,
sa aking mga kakilala ay bagay na kinasisindakan,
yaong mga nakakakita sa akin sa lansangan sa aki'y naglalayuan.
12 Ako'y lumipas na sa isip gaya ng isang patay;
ako'y naging gaya ng isang basag na sisidlan.
13 Oo, aking naririnig ang bulungan ng marami—
kakilabutan sa bawat panig!—
habang sila'y magkakasamang nagpapanukala laban sa akin,
habang sila'y nagsasabwatan upang buhay ko'y kunin.
14 Ngunit nagtitiwala ako sa iyo, O Panginoon,
sinasabi ko, “Ikaw ang aking Diyos.”
15 Ang aking mga panahon ay nasa iyong kamay;
iligtas mo ako sa mga umuusig sa akin at sa kamay ng aking mga kaaway!
16 Sa iyong lingkod, mukha mo nawa'y magliwanag,
iligtas mo ako ng iyong pag-ibig na tapat!
17 Huwag mong hayaang malagay ako sa kahihiyan, O Panginoon,
sapagkat sa iyo ako'y nananawagan,
hayaang malagay ang masasama sa kahihiyan,
na magsitahimik nawa sila sa Sheol.
18 Mapipi nawa ang mga sinungaling na labi,
na walang pakundangang nagsasalita
laban sa matuwid nang may kapalaluan at paglait.
19 O napakasagana ng kabutihan mo,
na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo,
at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo,
sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli!
20 Sa iyong harapan ay palihim mo silang ikinubli
sa mga banta ng mga tao;
ligtas mo silang iniingatan sa lilim ng iyong tirahan
mula sa palaaway na mga dila.
21 Purihin ang Panginoon,
sapagkat kahanga-hanga niyang ipinakita sa akin ang kanyang kagandahang-loob
sa isang lunsod na nakubkob.
22 Tungkol sa akin, sa pagkatakot ay aking sinabi,
“Ako ay inilayo mula sa iyong paningin.”
Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing,
nang ako'y dumaing sa iyo.
23 Ibigin ninyo ang Panginoon, kayong lahat niyang mga banal!
Iniingatan ng Panginoon ang tapat,
ngunit lubos niyang ginagantihan ang gumagawa na may kapalaluan.
24 Kayo'y magpakalakas, at magpakatapang ang inyong puso,
kayong lahat na umaasa sa Panginoon!
Panalangin para sa Saklolo
35 Makipagtunggali ka, O Panginoon, sa kanila na nakikipagtunggali sa akin;
lumaban ka sa kanila na lumalaban sa akin.
2 Humawak ka ng kalasag at ng panangga,
at sa pagtulong sa akin ay tumindig ka!
3 Ihagis mo ang sibat at diyabelin
laban sa mga nagsisihabol sa akin!
Sabihin mo sa aking kaluluwa,
“Ako'y iyong kaligtasan!”
4 Mapahiya nawa at mawalan ng dangal
sila na umuusig sa aking buhay!
Nawa'y mapaurong at malito sila
na laban sa akin at nagbabalak ng masama!
5 Maging gaya nawa sila ng ipa sa harapan ng hangin,
na ang anghel ng Panginoon ang nagtataboy sa kanila!
6 Nawa'y maging madilim at madulas ang daan nila,
na ang anghel ng Panginoon ang humahabol sa kanila!
7 Sapagkat walang kadahilanang ikinubli nila ang kanilang bitag na sa akin ay laan,
walang kadahilanang naghukay sila para sa aking buhay.
8 Dumating nawa sa kanila nang di namamalayan ang kapahamakan!
At ang patibong na ikinubli nila ang sa kanila'y bumitag;
mahulog nawa sila doon upang mapahamak!
9 Kung gayo'y sa Panginoon magagalak ang aking kaluluwa,
na sa kanyang pagliligtas ay nagpapasaya.
10 Lahat ng aking mga buto ay magsasabi,
“ Panginoon, sino ang iyong kagaya?
Ikaw na nagliligtas ng mahina
mula sa kanya na totoong malakas kaysa kanya,
ang mahina at nangangailangan mula sa nanamsam sa kanya?
11 Mga saksing may masamang hangarin ay nagtatayuan;
tinatanong nila ako ng mga bagay na di ko nalalaman.
12 Sa aking kabutihan, iginanti ay kasamaan,
ang aking kaluluwa ay namamanglaw.
13 Ngunit ako, nang sila'y may sakit,
ay nagsuot ako ng damit-sako;
dinalamhati ko ang aking sarili ng pag-aayuno,
Sa dibdib ko'y nanalanging nakayuko ang ulo,
14 ako'y lumakad na tila baga iyon ay aking kaibigan o kapatid,
ako'y humayong gaya ng tumatangis sa kanyang ina
na nakayukong nagluluksa.
15 Ngunit sa aking pagkatisod, sila'y nagtipon na natutuwa,
sila'y nagtipun-tipon laban sa akin,
mga mambubugbog na hindi ko kilala
ang walang hintong nanlait sa akin.
16 Gaya ng mga walang diyos na nanunuya sa pista,
kanilang pinagngangalit sa akin ang mga ngipin nila.
17 Hanggang kailan ka titingin, O Panginoon?
Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagpinsala,
ang aking buhay mula sa mga leon!
18 At ako'y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapulungan;
sa gitna ng napakaraming tao kita'y papupurihan.
19 Huwag(A) nawang magalak sa akin yaong sinungaling kong mga kaaway;
at huwag nawang ikindat ang mata ng mga napopoot sa akin nang walang kadahilanan.
20 Sapagkat sila'y hindi nagsasalita ng kapayapaan,
kundi laban doon sa mga tahimik sa lupain
ay kumakatha sila ng mga salita ng kabulaanan.
21 Kanilang ibinubuka nang maluwang ang bibig nila laban sa akin;
kanilang sinasabi: “Aha, aha,
nakita iyon ng mga mata namin!”
22 Iyong nakita ito, O Panginoon; huwag kang tumahimik,
O Panginoon, huwag kang lumayo sa akin!
23 Kumilos ka, at gumising ka para sa aking karapatan,
Diyos ko at Panginoon ko, para sa aking ipinaglalaban!
24 Ipagtanggol mo ako, O Panginoon, aking Diyos,
ayon sa iyong katuwiran;
at dahil sa akin huwag mo silang hayaang magkatuwaan!
25 Huwag mo silang hayaang magsabi sa sarili nila,
“Aha, iyan ang aming kagustuhan!”
Huwag silang hayaang magsabi, “Aming nalulon na siya.”
26 Mapahiya nawa sila at malitong magkakasama
silang nagagalak sa aking kapahamakan!
Madamitan nawa sila ng kahihiyan at kawalang-dangal
silang laban sa akin ay nagyayabang!
27 Silang nagnanais na ako'y mapawalang-sala
ay sumigaw sa kagalakan at magsaya,
at sa tuwina'y sabihin,
“Dakila ang Panginoon,
na nalulugod sa kapakanan ng kanyang lingkod!”
28 Kung gayo'y isasaysay ng aking dila ang iyong katuwiran
at ang iyong kapurihan sa buong araw.
19 Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakatalino,
at iyong patnubayan sa daan ang puso mo.
20 Huwag kang makisama sa mga maglalasing,
at silang sa karne ay matatakaw kumain.
21 Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay darating sa kahirapan,
at ang pagkaantukin ay magbibihis sa tao ng basahan.
29 Sinong may pagkaaba? Sinong may kalungkutan?
Sinong may gulo? Sinong may karaingan?
Sino ang may sugat na walang kadahilanan?
Sino ang may matang may kapulahan?
30 Silang naghihintay sa alak;
silang sumusubok ng pinaghalong alak.
31 Huwag kang tumingin sa alak kapag ito'y mapula,
kapag nagbibigay ng kanyang kulay sa kopa,
at maayos na bumababa.
32 Sa huli ay parang ahas itong kumakagat,
at ulupong na tumutuklaw ang katulad.
33 Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga kakatuwang bagay,
at ang iyong puso ay magsasabi ng mga mandarayang bagay.
34 Ikaw ay magiging parang taong nahihiga sa gitna ng karagatan,
o parang nahihiga sa dulo ng isang tagdan ng sasakyan.
35 “Kanilang pinalo ako, ngunit hindi ako nasaktan;
hinampas nila ako, ngunit hindi ko naramdaman.
Kailan ako gigising?
Hahanap ako ng isa pang tagay.”
24 Huwag kang maiinggit sa taong masasama,
ni maghangad man na sila'y makasama.
2 Sapagkat ang kanilang puso ay nagbabalak ng karahasan,
at ang kanilang mga labi ay nagsasalita ng kalikuan.
17 Ang matatanda na namamahalang mabuti ay ituring na may karapatan sa ibayong karangalan, lalung-lalo na ang mga nagpapagal sa pangangaral at sa pagtuturo.
18 Sapagkat(A) sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik,” at, “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod.”
19 Huwag(B) kang tatanggap ng sumbong laban sa matanda, maliban sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20 Sila namang nagpapatuloy sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat, upang ang iba nama'y matakot.
21 Inaatasan kita sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong sundin ang mga bagay na ito na walang kinikilingan, at huwag mong gagawin ang anumang bagay nang may pagtatangi.
22 Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makiisa sa mga kasalanan ng iba; panatilihin mong malinis ang iyong sarili.
23 Huwag ka nang iinom ng tubig lamang, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong tiyan at sa iyong madalas na pagkakasakit.
24 Ang mga kasalanan ng ibang tao ay hayag, at nauuna sa kanila sa paghuhukom, ngunit ang kasalanan ng iba ay susunod sa kanila roon.
25 Gayundin naman, ang mabubuting gawa ay hayag at kung hindi gayon, ang mga iyon ay hindi mananatiling lihim.
Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(A)
31 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid.
32 Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga.
Ang Talinghaga ng Pampaalsa(B)
33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae, at inihalo[a] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa.”
Ang Paggamit ni Jesus sa mga Talinghaga(C)
34 Ang lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga.
35 Ito(D) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta,[b]
“Bubuksan ko ang aking bibig sa pagsasalita ng mga talinghaga;
isasalaysay ko ang mga natatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”[c]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001