Book of Common Prayer
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
3 Ibalik mo kami, O Diyos,
at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
4 Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
5 Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
6 Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.
7 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
8 Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
9 Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.
77 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
2 Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
3 Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing,
ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin. (Selah)[a]
4 Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa,
hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa.
5 Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw,
nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan;
6 ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi,
ang diwa ko ay gising at tinatanong ang sarili:
7 “Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil?
Di mo na ba ibabalik sa akin ang iyong pagtingin?
8 Ang iyo bang pagmamahal sa amin ay nagwakas na?
Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa?
9 Yaong kagandahang-loob mo ba ay nakalimutan mo na?
Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?” (Selah)[b]
10 Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob,
para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.”
11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.
13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)[c]
16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17 Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.
18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!
Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan!
Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
2 ang mga katawan
ng mga lingkod mo ay ginawang pagkain ng mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
3 Dugo ng bayan mo'y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
katulad ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing.
4 Ang karatig-bansang
doo'y nakasaksi, kami'y kinutya at nagtatawa sila,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
5 Iyang iyong galit
sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok?
6 Doon mo ibaling
ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin,
mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin.
7 Masdan ang ginawa
nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila,
pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira.
8 Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw.
9 Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap;
at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas.
10 Bakit magtatanong
itong mga bansa ng katagang ito: “Ang Diyos mo'y nasaan?”
Ipaghiganti mo ang mga lingkod mong kanilang pinatay,
ang pagpaparusa'y iyong ipakita sa iyong mga hirang.
11 Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
12 Iyong parusahan
yaong mga bansang sa iyo, O Yahweh, lumalapastangan,
parusahan sila ng pitong ibayo sa gawang pag-uyam.
13 Kaya nga, O Yahweh,
kaming iyong lingkod, parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi't magpapasalamat sa iyong pangalan!
Nagmakaawa si Juda
18 Lumapit si Juda kay Jose at ang sabi, “Nakikiusap po ako, ginoo, kung inyong mamarapatin. Huwag sana ninyong ikagagalit. Ang turing ko sa inyo'y para na kayong Faraon. 19 Ginoo, tinanong ninyo kung mayroon pa kaming ama at kapatid. 20 Ang sabi po nami'y may ama kaming matanda na at bunsong kapatid na anak niya sa katandaan. Patay na ang kapatid nito at siya na lamang ang buháy na anak ng kanyang ina, kaya mahal na mahal siya ng aming ama. 21 Iniutos ninyong dalhin namin siya rito upang inyong makita. 22 Ipinaliwanag po naming mahirap ilayo sa aming ama ang bata sapagkat maaaring ikamatay niya ito. 23 Ngunit ang sabi naman ninyo'y hindi na ninyo kami tatanggapin dito kung hindi namin siya maihaharap sa inyo.
24 “Ang lahat ng ito'y sinabi namin sa aming ama nang umuwi kami. 25 Muli kaming inutusan ng aming ama na pumarito upang bumili ng kaunting pagkain. 26 Ipinaalala namin sa kanya na hindi ninyo kami tatanggapin kung hindi kasama ang bunso naming kapatid. 27 Sinabi po niya sa amin, ‘Alam naman ninyong dalawa lamang ang anak ng kanilang ina. 28 Wala na ang isa; maaaring siya'y niluray ng mabangis na hayop. 29 At kung ang natitira ay isasama pa ninyo, maaaring mamatay ako sa dalamhati.’
30 “Ang buhay po ng aming ama ay karugtong na ng buhay ng bata, kaya kung babalik kami na hindi ito kasama, 31 tiyak na siya'y mamamatay. Kapag nakita niyang hindi namin kasama ang bata, malalagutan siya ng hininga dahil sa kalungkutan. 32 Ang isa pa'y itinaya ko ang aking buhay para sa bata. Sinabi ko po na kung siya'y hindi ko maibabalik, ako ang buntunan niya ng sisi. 33 Kaya kung papayag kayo, ako na ang alipinin ninyo sa halip na itong aking bunsong kapatid. Pahintulutan na ninyong isama siya ng iba kong mga kapatid. 34 Hindi po ako makakauwi kung hindi kasama si Benjamin. Hindi ko po makakayanan ang matinding dagok na darating sa aming ama, kung iyon ang mangyayari.”
Tungkol sa mga Walang Asawa at mga Biyuda
25 Tungkol naman sa mga walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit magbibigay ako ng aking opinyon bilang isang taong dahil sa habag ng Diyos ay mapagkakatiwalaan.
26 Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. 27 Ikaw ba'y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa. 28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Kung ang isang dalaga[a] ay mag-asawa, hindi rin siya nagkakasala. Ngunit ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo.
29 Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya't mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa; 30 ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang mga bumibili, na parang walang ari-arian, 31 at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan, na para bang hindi nangangailangang gamitin ang mga ito. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito'y hindi na magtatagal.
Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Dinudugo(A)
21 Si Jesus ay sumakay sa bangka[a] at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. 22 Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!”
24 Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.
25 Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Hirap(B) na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, 28 sapagkat iniisip niyang: “mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako.” 29 Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.
30 Naramdaman agad ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa aking damit?”
31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?”
32 Subalit lumingun-lingon si Jesus upang tingnan kung sino ang humipo sa damit niya. 33 Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na.”
35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila.
36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus,[b] sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”
37 At hindi pinayagan ni Jesus na sumama sa kanya ang mga tao maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang.”
40 Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!”
42 Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng makakain ang bata.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.