Book of Common Prayer
Diyos ang Siyang Huhusga
Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.
75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
2 Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
walang pagtatanging ako ay hahatol.
3 Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
maubos ang tao dito sa daigdig,
ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
4 “Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
5 Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”
6 Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
7 Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
8 Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
ng taong masama, hanggang sa ubusin.
9 Subalit ako ay laging magagalak;
ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
sa mga matuwid nama'y itataas!
Diyos ang Magtatagumpay
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
76 Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,
sa buong Israel, dakilang talaga;
2 nasa Jerusalem ang tahanan niya,
sa Bundok ng Zion, doon tumitira.
3 Lahat ng sandata ng mga kaaway,
mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah)[b]
4 O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal
higit pa sa matatag na kabundukan.[c]
5 Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam;
nahihimbing sila at nakahandusay,
mga lakas nila, lahat ay pumanaw.
6 Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob,
sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.
7 Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!
Sino ang tatayo sa iyong harapan
kapag nagalit ka sa mga kinapal?
8 Sa iyong paghatol na mula sa langit,
ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
9 Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis,
naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah)[d]
10 Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo.
Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang.
11 Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob;
dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot.
12 Hambog na prinsipe ay ibinababâ,
tinatakot niya hari mang dakila.
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Panalangin ng Pagpupuri
Katha ni David.
27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
sino pa ba ang aking kasisindakan?
2 Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
3 Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.
4 Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
5 Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
6 Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
aawitan ko si Yahweh at papupurihan.
7 Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
sagutin mo ako at iyong kahabagan.
8 Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
9 Huwag ka sanang magagalit sa akin;
ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.
11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.
13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!
28 Nagmamadaling umuwi ang dalaga at isinalaysay ang buong pangyayari sa tahanan ng kanyang ina. 29 Si Rebeca ay may kapatid na lalaki na ang pangalan ay Laban. Patakbo siyang pumunta sa balong kinaroroonan ng lalaki 30 nang marinig niya ang salaysay ng kanyang kapatid, at makita ang singsing[a] at ang mga pulseras na suot nito. Nakita nga niya ang tao sa tabi ng balon, pati ang kanyang mga kamelyo. 31 Sinabi ni Laban, “Bakit nandiyan po kayo sa labas? Tayo na po sa amin, lalaking pinagpala ni Yahweh! Nakahanda na po ang pagpapahingahan ninyo at ang sisilungan ng inyong mga kamelyo.”
32 Sumama nga ang alipin. Pagdating sa bahay, ibinabâ ni Laban ang karga ng mga kamelyo at pinakain ang mga hayop. Ang alipin nama'y binigyan niya ng tubig upang maghugas ng paa pati ang mga kasama nito. 33 Binigyan siya ng pagkain, ngunit sinabi ng alipin, “Sasabihin ko muna ang aking pakay bago ako kumain.”
“Sige, sabihin ninyo,” sabi ni Laban.
34 Ganito ang salaysay niya: “Ako po'y alipin ni Abraham. 35 Pinagpala ni Yahweh ang aking panginoon. Pinarami ang kanyang mga kawan ng tupa, kambing at baka. Pinagkalooban rin siya ng maraming pilak at ginto, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at asno. 36 Ang asawa niyang si Sara ay nagkaanak pa kahit siya'y matanda na. Ang anak na ito ang tanging tagapagmana ng kanilang kayamanan. 37 Ako po'y pinanumpa ng panginoon kong si Abraham na hindi ako kukuha sa Canaan ng mapapangasawa ng anak niyang ito. 38 Dito po niya ako pinapunta sa mga kamag-anak ng kanyang mga magulang upang ihanap ng mapapangasawa ang kanyang anak.
49 Kaya hinihiling kong sabihin ninyo sa akin kung sang-ayon kayo sa hangad ng aking panginoon. Kung hindi naman, sabihin din ninyo at nang malaman ko naman kung ano ang aking gagawin.”
50 Sumagot ang mag-amang Bethuel at Laban, “Dahil ang bagay na ito'y mula kay Yahweh, wala na kaming masasabing anuman. 51 Isama mo si Rebeca pag-uwi mo upang mapangasawa ng anak ng iyong panginoon, ayon sa sinabi ni Yahweh.”
Mga Babala at mga Tagubilin
12 Dahil(A) dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. 13 Lumakad(B) kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling ang nalinsad na buto.
14 Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. 15 Pag-ingatan(C) ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba. 16 Pag-ingatan(D) ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. 17 Alam(E) ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha.
18 Hindi(F) kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab, nababalutan ng dilim at may malakas na hangin. 19 Nakarinig sila roon ng tunog ng trumpeta at ng isang tinig. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang huwag na itong magsalita sa kanila, 20 sapagkat(G) hindi nila kayang tanggapin ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” 21 Talagang(H) nakakakilabot ang kanilang natanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!”
22 Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lungsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. 23 Ang dinaluhan ninyo ay masayang pagtitipon[a] ng mga panganay na anak, na ang mga pangalan ay nakatala sa langit. Ang nilapitan ninyo ay ang Diyos na hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. 24 Nilapitan ninyo si Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, at ang dugong iwinisik na may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel.
25 Kaya't(I) huwag kayong tumangging makinig sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit! 26 Dahil(J) sa kanyang tinig, nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, “Minsan ko pang yayanigin, hindi lamang ang lupa, pati na rin ang langit.” 27 Ang mga salitang “Minsan pa” ay maliwanag na nagsasabing aalisin ang mga nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig.
28 Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi nayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, may paggalang at pagkatakot, 29 sapagkat(K) tunay nga na ang ating Diyos ay apoy na tumutupok.
14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumasok si Jesus sa Templo at nagturo. 15 Nagtaka ang mga Judio at naitanong nila, “Saan kaya nakakuha ng karunungan ang taong ito gayong hindi naman siya nakapag-aral?”
16 Kaya't sinabi ni Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Kung talagang nais ninumang sumunod sa kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko'y mula nga sa Diyos, o kung ang sinasabi ko ay galing lamang sa akin. 18 Ang nagtuturo ng galing sa sarili niya ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang taong naghahangad na maparangalan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi nagsisinungaling. 19 Hindi ba't ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Bakit wala ni isa man sa inyo ang tumutupad nito? Bakit nais ninyo akong patayin?”
20 Sumagot ang mga tao, “Sinasapian ka ng demonyo! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?”
21 Sumagot si Jesus, “Isang bagay pa lamang ang ginawa ko'y nagtataka na kayong lahat. 22 Ibinigay(A) sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli bagaman hindi ito nagmula sa kanya kundi sa inyong mga ninuno, at ginagawa ninyo ito kahit Araw ng Pamamahinga. 23 Kung(B) tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo batay sa matuwid na pamantayan.”
Siya na nga Kaya ang Cristo?
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? 26 Hayan! Lantaran siyang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman alam na ng mga pinuno na siya nga ang Cristo! 27 Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!”
28 Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, “Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, 29 ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.”
30 Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumating ang kanyang panahon. 31 Marami sa mga tao ang naniwala sa kanya. Ang sabi nila, “Pagparito ng Cristo, gagawa kaya siya ng mas marami pang himala higit kaysa sa mga ginawa ng taong ito?”
Nag-utos ang mga Pariseo na Dakpin si Jesus
32 Nakarating sa mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus, kaya't inutusan nila at ng mga punong pari ang ilang bantay sa Templo na dakpin si Jesus.
33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon at babalik na ako sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita sapagkat hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.”
35 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa ating mga kababayang napadpad sa lupain ng mga Griego upang magturo sa kanila? 36 Ano kaya ang ibig niyang sabihin nang kanyang sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita,’ at ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.