Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 105

Ang kahangahangang gawa ng Panginoon ng dahil sa Israel.

105 Oh magpasalamat kayo (A)sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan;
(B)Ipabatid ninyo ang kaniyang mga gawain sa mga bayan.
Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo sa kaniya ng mga pagpuri;
(C)Salitain ninyo ang lahat niyang kagilagilalas na mga gawa.
Lumuwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan:
Mangagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang kalakasan;
(D)Hanapin ninyo ang kaniyang mukha magpakailan man.
Alalahanin ninyo ang kaniyang kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa:
Ang kaniyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;
Oh ninyong binhi ni Abraham na kaniyang lingkod,
Ninyong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga hirang.
Siya ang Panginoon nating Dios: Ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa buong lupa.
Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man,
Ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali't saling lahi;
(E)Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham,
At ang kaniyang sumpa kay Isaac;
10 At pinagtibay yaon kay Jacob na pinakapalatuntunan,
Sa Israel na pinakawalang hanggang tipan:
11 Na sinasabi, Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
Ang kapalaran na iyong mana;
12 Nang sila'y kaunti lamang tao sa bilang;
Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;
13 At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa,
Mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi niya tiniis ang sinomang tao na gawan sila ng kamalian;
Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
15 Na sinasabi, (F)Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis.
At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko.
16 (G)At siya'y nagdala ng kagutom sa lupain;
Kaniyang binali ang buong (H)tukod ng tinapay.
17 (I)Siya'y nagsugo ng isang lalake sa unahan nila;
(J)Si Jose ay naipagbiling pinakaalipin:
18 Ang kaniyang mga paa (K)ay sinaktan nila ng mga pangpangaw;
Siya'y nalagay sa mga tanikalang bakal:
19 Hanggang sa panahon na nangyari ang (L)kaniyang salita;
Tinikman siya ng salita ng Panginoon.
20 (M)Ang hari ay nagsugo, at pinawalan siya;
Sa makatuwid baga'y ang pinuno ng mga bayan, at pinalaya niya siya.
21 (N)Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay,
At pinuno sa lahat niyang pagaari:
22 (O)Upang talian ang kaniyang mga pangulo sa kaniyang kaligayahan,
At turuan ang kaniyang mga kasangguni ng karunungan.
23 (P)Si Israel naman ay nasok sa Egipto;
At si Jacob ay nakipamayan sa (Q)lupain ng Cham.
24 (R)At kaniyang pinalagong mainam ang kaniyang bayan,
At pinalakas sila kay sa kanilang mga kaaway.
25 (S)Kaniyang pinapanumbalik ang kanilang puso upang mangagtanim sa kaniyang bayan,
Upang magsigawang may katusuhan sa kaniyang mga lingkod.
26 (T)Kaniyang sinugo si Moises na kaniyang lingkod,
At si Aaron na kaniyang hirang.
27 (U)Kanilang inilagay sa gitna nila ang kaniyang mga tanda,
At mga kababalaghan sa lupain ng Cham.
28 Siya'y nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim;
At sila'y hindi nagsipanghimagsik laban sa kaniyang mga salita.
29 Kaniyang pinapaging dugo ang kanilang tubig,
At pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang kanilang lupain ay binukalan ng mga palaka,
Sa mga silid ng kanilang mga hari.
31 Siya'y nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw,
At kuto sa lahat ng kanilang mga hangganan.
32 (V)Ibinigay niya sa kanila na pinakaulan ay graniso,
At liyab ng apoy sa kanilang lupain.
33 Sinaktan naman niya ang kanilang mga puno ng ubas, at ang kanilang mga puno ng higos;
At binali ang mga punong kahoy ng kanilang mga hangganan.
34 (W)Siya'y nagsalita at ang mga balang ay nagsidating,
At ang mga higad, ay yao'y walang bilang,
35 At kinain ang lahat na gugulayin sa kanilang lupain,
At kinain ang bunga ng kanilang lupa.
36 (X)Sinaktan din niya ang lahat na panganay sa kanilang lupain,
Ang puno ng lahat nilang kalakasan.
37 (Y)At kaniyang inilabas sila na may pilak at ginto:
At hindi nagkaroon ng mahinang tao sa kaniyang mga lipi.
38 Natuwa ang Egipto nang sila'y magsialis;
(Z)Sapagka't ang takot sa kanila ay nahulog sa kanila.
39 (AA)Kaniyang inilatag ang ulap na pinakakubong;
At apoy upang magbigay liwanag sa gabi,
40 (AB)Sila'y nagsihingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
At binusog niya sila ng (AC)pagkain na mula sa langit.
41 (AD)Kaniyang ibinuka ang bato at binukalan ng tubig;
Nagsiagos sa tuyong mga dako na parang ilog.
42 Sapagka't kaniyang naalaala ang kaniyang banal na salita,
(AE)At si Abraham na kaniyang lingkod.
43 At kaniyang inilabas ang kaniyang bayan na may kagalakan,
At ang kaniyang hirang na may awitan.
44 (AF)At ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa;
At kinuha nila ang gawa ng mga bayan na pinakaari:
45 (AG)Upang kanilang maingatan ang kaniyang mga palatuntunan,
At sundin ang kaniyang mga kautusan.
Purihin ninyo ang Panginoon.

Daniel 6:1-15

Ang pangulo at ang mga satrapa ay humanap ng lalang upang maparusahan si Daniel.

Minagaling ni Dario na maglagay sa (A)kaharian ng isang daan at dalawang pung satrapa, na doroon sa buong kaharian;

At sa kanila'y (B)tatlong pangulo, na si Daniel ay isa; upang ang mga satrapang ito ay mangagbigay-alam sa kanila, at upang ang hari ay huwag magkaroon ng kapanganiban.

Nang magkagayo'y ang Daniel na ito ay natangi sa mga pangulo at sa mga satrapa, (C)sapagka't isang marilag na espiritu ay nasa kaniya; at inisip ng hari (D)na ilagay siya sa buong kaharian.

Nang magkagayo'y ang mga pangulo at ang mga satrapa ay nagsihanap ng maisusumbong laban kay Daniel, tungkol sa kaharian; nguni't hindi sila nangakasumpong ng anomang kadahilanan, ni kakulangan man, palibhasa'y tapat siya, walang anomang kamalian ni kakulangang nasumpungan sa kaniya.

Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, Hindi tayo mangakakasumpong ng anomang maisusumbong laban sa Daniel na ito, liban sa tayo'y mangakasumpong laban sa kaniya ng tungkol sa kautusan ng kaniyang Dios.

Nang magkagayo'y ang mga pangulo at mga satrapang ito ay nagpisan sa hari, at nagsabi ng ganito sa kaniya, (E)Haring Dario, mabuhay ka magpakailan man.

Ang lahat ng pangulo ng kaharian, ang mga kinatawan at mga satrapa, ang mga kasangguni at ang mga (F)gobernador, ay nangagsanggunian upang magtatag ng isang palatuntunang hari sa kaharian, at upang maglagda ng isang pasiyang mahigpit, na sinomang humingi ng isang kahilingan sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon.

Ngayon, Oh hari, papagtibayin mo ang pasiya, at lagdaan mo ng iyong pangalan ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa (G)kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.

Kaya't ang kasulatan at ang pasiya ay nilagdaan ng pangalan ng haring Dario.

10 At nang maalaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan ng pangalan siya'y pumasok sa kaniyang bahay (ang kaniya ngang mga dungawan ay bukas sa dakong (H)Jerusalem); at (I)siya'y lumuhod ng kaniyang mga tuhod na makaitlo isang araw, at dumalangin, at nagpasalamat sa harap ng kaniyang Dios, gaya ng kaniyang dating ginagawa.

11 Nang magkagayo'y nagpisan ang mga lalaking ito, at nasumpungan si Daniel na sumasamo at dumadaing sa harap ng kaniyang Dios.

12 Nang magkagayo'y lumapit sila, at nagsalita sa harap ng hari ng tungkol sa pasiya ng hari, Hindi ka baga naglagda ng pasiya, na bawa't tao na humingi sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon? Ang hari ay sumagot, at nagsabi, Ang bagay ay tunay, (J)ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.

13 Nang magkagayo'y nagsisagot sila, at nangagsabi sa harap ng hari, Ang Daniel na yaon (K)na sa mga anak ng nangabihag sa Juda, hindi ka pinakukundanganan, Oh hari, o ang pasiya man na iyong nilagdaan ng pangalan, kundi dumadalangin na makaitlo isang araw.

14 Nang marinig nga ng hari ang mga salitang ito namanglaw na mainam, at inilagak ang kaniyang puso kay Daniel, upang iligtas siya; at kaniyang pinagsikapan hanggang sa paglubog ng araw na iligtas siya.

15 Nang magkagayo'y nagpisan ang mga lalaking ito sa hari at nagsabi sa hari, Talastasin mo, Oh hari, na isang kautusan ng mga taga Media, at ng mga taga Persia, na walang pasiya o palatuntunan man na pinagtitibay ng hari na mababago.

2 Juan

(A)Ang matanda sa hirang na (B)ginang at sa kaniyang mga anak, (C)na aking iniibig sa katotohanan; at hindi lamang ako, kundi pati ng lahat ng mga nakakakilala (D)ng katotohanan;

Alangalang sa katotohanan na nananahan sa atin, at sasa atin magpakailan man:

(E)Sumaatin nawa ang biyaya, awa, at kapayapaang mula sa Dios Ama at kay Jesucristo, Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pagibig.

Ako'y lubhang nagagalak na aking nasumpungan ang ilan sa iyong mga anak (F)na nagsisilakad sa katotohanan, ayon sa ating tinanggap na utos sa Ama.

At ngayo'y ipinamamanhik ko sa iyo, ginang, (G)na hindi waring sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi niyaong ating tinanggap nang pasimula, na tayo'y mangagibigan sa isa't isa.

(H)At ito ang pagibig, na tayo'y mangagsilakad ayon sa kaniyang mga utos. Ito ang utos, na tayo'y mangagsilakad sa kaniya, gaya ng inyong narinig nang pasimula.

Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay (I)ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at (J)ang anticristo.

Mangagingat kayo sa inyong sarili, upang (K)huwag ninyong iwala ang mga bagay na aming pinagpagalan, kundi upang tanggapin ninyo ang isang lubos na kagantihan.

Ang sinomang nagpapatuloy at hindi nananahan sa aral ni Cristo, ay (L)hindi kinaroroonan ng Dios: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak.

10 Kung sa inyo'y dumating ang sinoman, at hindi dala ang aral na ito, ay (M)huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin:

11 Sapagka't ang bumabati sa kaniya ay (N)nararamay sa kaniyang masasamang gawa.

12 (O)Yamang may maraming mga bagay na isusulat sa inyo, ay hindi ko ibig isulat sa papel at tinta; datapuwa't inaasahan kong pumariyan sa inyo, at makipagusap ng mukhaan, (P)upang malubos ang inyong galak.

13 Ang mga anak ng iyong (Q)hirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo.

Lucas 5:12-26

12 At nangyari, samantalang siya'y (A)nasa isa sa mga bayan, narito, may isang lalake na lipos ng ketong: at nang makita niya si Jesus, ay nagpatirapa siya, at namanhik sa kaniya, na sinasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring linisin mo ako.

13 At iniunat niya ang kaniyang kamay at siya'y hinipo, na sinasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka'y nilisan siya ng ketong.

14 At ipinagbilin niya sa kaniya na huwag sabihin kanino man: (B)kundi yumaon ka ng iyong lakad, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo, alinsunod sa iniutos ni Moises, na pinakapatotoo sa kanila.

15 (C)Datapuwa't lalo nang kumakalat ang balita tungkol sa kaniya: at nangagkatipon ang lubhang maraming tao upang makinig, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit.

16 Datapuwa't siya'y lumigpit (D)sa mga ilang, at nananalangin.

17 At nangyari nang isa sa mga araw na yaon, na siya'y nagtuturo; at may nangakaupo doong mga Fariseo at (E)mga guro sa kautusan, na nagsipanggaling sa bawa't nayon ng Galilea at Judea at Jerusalem: at ang kapangyarihan ng Panginoon ay sumasa kaniya upang magpagaling.

18 At narito, (F)dinala ng mga tao na nasa isang higaan ang isang lalaking lumpo: at pinagpipilitan niyang maipasok siya, at ilagay siya sa harap nila.

19 At sa hindi pagkasumpong ng mapagpapasukan, dahil sa karamihan, ay nagsiakyat sila (G)sa bubungan ng bahay, at siya'y inihugos mula sa butas ng bubungan pati ng kaniyang higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus.

20 At pagkakita sa kanilang pananampalataya, ay kaniyang sinabi, Lalake, ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan.

21 At ang mga eskriba at mga Fariseo ay nangagpasimulang mangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Sino ito na nagsasalita ng mga kapusungan? (H)Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan, kundi ang Dios lamang?

22 Datapuwa't si Jesus, na nakatatanto ng kanilang mga iniisip, ay sumagot at sinabi sa kanila, Bakit pinagbubulaybulay ninyo sa inyong mga puso?

23 Alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka at lumakad ka?

24 Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi niya sa lumpo), Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.

25 At pagdaka'y nagtindig siya sa harap nila, at binuhat (I)ang kaniyang hinigan, at napasa kaniyang bahay, (J)na niluluwalhati ang Dios.

26 At nagsipanggilalas ang lahat at niluwalhati nila ang Dios; at (K)nangapuspos sila ng takot, na nangagsasabi, Nakakita kami ngayon ng mga bagay na katakataka.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978