Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
9 Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.
11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.
6 O(B) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
2 Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
3 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?
4 Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
5 Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?
6 Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
7 Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.
8 Lumayo(C) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.
Panalangin para sa Katarungan
10 Bakit ka nakatayo sa malayo, O Panginoon?
Bakit ka nagtatago kapag magulo ang panahon?
2 Sa kapalaluan ay mainit na hinahabol ng masama ang dukha;
mahuli nawa sila sa binalangkas nilang mga pakana.
3 Sapagkat ipinagmamalaki ng masama ang nais ng kanyang puso,
sinusumpa at tinatalikuran ang Panginoon ng taong sakim sa patubo.
4 Sa kapalaluan ng kanyang mukha, ang masama ay hindi naghahanap sa kanya;
lahat niyang iniisip ay, “Walang Diyos.”
5 Ang kanyang mga lakad sa lahat ng panahon ay umuunlad,
malayo sa kanyang paningin ang iyong mga hatol na nasa itaas;
tungkol sa lahat niyang mga kaaway, kanyang tinutuya silang lahat.
6 Iniisip niya sa kanyang puso, “Hindi ako magagalaw;
sa buong panahon ng salinlahi ay hindi ako malalagay sa kaguluhan.”
7 Ang(A) kanyang bibig ay punô ng pagsumpa, pang-aapi at panlilinlang,
sa ilalim ng kanyang dila ay kalikuan at kasamaan.
8 Siya'y nakaupo sa mga tagong dako ng mga nayon;
sa mga kubling dako ang walang sala ay ipinapapatay,
ang kanyang mga mata ay palihim na nagmamatyag sa walang kakayahan.
9 Siya'y lihim na nagbabantay na parang leon sa kanyang lungga;
siya'y nag-aabang upang hulihin ang dukha,
sinusunggaban niya ang dukha kapag kanyang nahuli siya sa lambat niya.
10 Siya ay gumagapang, siya'y yumuyuko,
at ang sawing-palad ay bumabagsak sa kanyang mga kuko.
11 Sinasabi niya sa kanyang puso, “Ang Diyos ay nakalimot,
ikinubli niya ang kanyang mukha, hindi niya ito makikita kailanman.”
12 O Panginoon, O Diyos, itaas mo ang iyong kamay, bumangon ka;
huwag mong kalilimutan ang nagdurusa.
13 Bakit tinatalikuran ng masama ang Diyos,
at sinasabi sa kanyang puso, “Hindi mo ako hihingan ng sulit?”
14 Iyong nakita; oo, iyong namamasdan ang kaguluhan at pagkayamot,
upang iyong mailagay ito sa mga kamay mo;
itinalaga ng sawing-palad ang sarili sa iyo;
sa mga ulila ikaw ay naging saklolo.
15 Baliin mo ang bisig ng masama at gumagawa ng kasamaan;
hanapin mo ang kanyang kasamaan hanggang sa wala kang matagpuan.
16 Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman,
mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam.
17 O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo;
iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig
18 upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila,
upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa.
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako; paanong sa akin ay nasasabi mo,
“Tumakas ka na gaya ng ibon sa mga bundok;
2 sapagkat binalantok ng masama ang pana,
iniakma na nila ang kanilang palaso sa bagting,
upang ipana sa kadiliman
sa may matuwid na puso,
3 kung ang mga saligan ay masira,
matuwid ba'y may magagawa?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo,
ang trono ng Panginoon ay nasa langit;
ang kanyang mga mata ay nagmamasid,
ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok
sa mga anak ng mga tao.
5 Sinusubok ng Panginoon ang matuwid at ang masama,
at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan.
6 Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre
at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro.
7 Sapagkat ang Panginoon ay matuwid;
minamahal niya ang mga gawang matuwid;
ang kanyang mukha ay mamamasdan ng matuwid.
Ang Panaginip ni Haring Nebukadnezar
2 Sa ikalawang taon ng paghahari ni Nebukadnezar, si Nebukadnezar ay nagkaroon ng mga panaginip. Ang kanyang espiritu ay nabagabag, at hindi na siya makatulog.
2 Nang magkagayo'y ipinag-utos ng hari na tawagin ang mga salamangkero, mga engkantador, mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang sabihin sa hari ang kanyang mga panaginip. Kaya sila'y dumating at humarap sa hari.
3 At sinabi ng hari sa kanila, “Ako'y nanaginip at ang aking espiritu ay nabagabag sa pagnanais na maunawaan ang panaginip.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng mga Caldeo sa hari sa wikang Aramaico,[a] “O hari, mabuhay ka magpakailanman. Sabihin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.”
5 Sinagot ng hari ang mga Caldeo, “Tiyak ang salita mula sa akin: kapag hindi ninyo naipaalam sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y pagpuputul-putulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing bunton ng dumi.
6 Ngunit kung inyong ipapaalam ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y tatanggap sa akin ng mga kaloob, mga gantimpala at dakilang karangalan. Kaya't ipaalam ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito.”
7 Sila'y sumagot sa ikalawang pagkakataon, at nagsabi, “Sabihin ng hari sa kanyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.”
8 Ang hari ay sumagot, “Nakakatiyak ako na sinisikap ninyong magkaroon pa ng dagdag na panahon, sapagkat inyong nalalaman na ang aking salita ay tiyak,
9 na kung hindi ninyo ipaalam sa akin ang panaginip, may iisang kautusan lamang para sa inyo. Sapagkat kayo'y nagkasundong magsalita ng kasinungalingan at masasamang salita sa harapan ko hanggang sa ang panahon ay magbago. Kaya't sabihin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko kung inyong maipapaliwanag sa akin ang kahulugan nito.”
10 Ang mga Caldeo ay sumagot sa hari, at nagsabi, “Walang tao sa lupa na makapagbibigay ng hinihingi ng hari; sapagkat walang gayong kadakilang hari at makapangyarihang hari ang nagtanong ng ganyang bagay sa kaninumang salamangkero, engkantador, o Caldeo.
11 At ang bagay na hinihingi ng hari ay napakahirap at walang makakapagpakita nito sa hari, maliban sa mga diyos, na ang tahanan ay hindi kasama ng mga tao.”
12 Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at naging mabagsik at iniutos na patayin ang lahat ng pantas ng Babilonia.
13 Kaya't ang utos ay kumalat na ang mga pantas ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kanyang mga kasama upang patayin sila.
Ipinakita ng Diyos kay Daniel ang Kahulugan ng Panaginip
14 Nang magkagayo'y maingat at mahinahong sumagot si Daniel kay Arioc na punong-kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas ng Babilonia.
15 Sinabi niya kay Arioc na punong-kawal ng hari, “Bakit madalian ang utos ng hari?” Ipinaliwanag ni Arioc ang pangyayari kay Daniel.
16 Kaya't si Daniel ay pumasok at humiling sa hari na bigyan siya ng panahon, upang kanyang maipaalam sa hari ang kahulugan.
Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol
2 Mga munti kong anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo, upang kayo'y huwag magkasala. Ngunit kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na siyang matuwid.
2 Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para din sa kasalanan ng buong sanlibutan.
3 At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y kilala natin, kung tinutupad natin ang kanyang mga utos.
4 Ang nagsasabing, “Kilala ko siya,” ngunit hindi tinutupad ang kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya.
5 Ngunit ang sinumang tumutupad ng kanyang salita, tunay na naging ganap sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan nito'y nalalaman nating tayo'y nasa kanya.
6 Ang nagsasabing siya'y nananatili sa kanya ay nararapat ding lumakad gaya ng kanyang paglakad.
Ang Bagong Utos
7 Mga(A) minamahal, hindi bago ang utos na isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig.
8 Gayunma'y isinusulat ko sa inyo ang isang bagong utos na tunay sa kanya at sa inyo, sapagkat ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay tumatanglaw na.
9 Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon.
10 Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadahilanang ikatitisod.
11 Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Siya ay lumalakad sa kadiliman at hindi niya nalalaman kung saan siya pupunta, sapagkat ang kanyang mga mata ay binulag ng kadiliman.
12 Habang(A) ako'y kasama nila, iningatan ko sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila ay walang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang matupad ang kasulatan.
13 Ngunit ngayon ay pupunta ako sa iyo. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa sanlibutan, upang sila'y magkaroon ng aking kagalakang ganap sa kanilang sarili.
14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang sanlibutan, sapagkat hindi sila taga-sanlibutan, gaya ko naman na hindi taga-sanlibutan.
15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.
16 Hindi sila taga-sanlibutan, na gaya ko na hindi taga-sanlibutan.
17 Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan.
18 Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo ko rin sa sanlibutan.
19 At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001