Book of Common Prayer
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
3 Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
at tinatalian ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
5 Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
hindi masukat ang kanyang unawa.
6 Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.
7 Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
8 Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
9 Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.
12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon mula sa kalangitan,
purihin siya sa mga kaitaasan.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat niyang mga anghel,
purihin ninyo siya, kayong lahat niyang hukbo!
3 Purihin ninyo siya, araw at buwan;
purihin ninyo siya, kayong lahat na mga bituing maningning,
4 Purihin ninyo siya, kayong mga langit ng mga langit,
at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit.
5 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
sapagkat siya'y nag-utos, at sila'y nalikha.
6 At kanyang itinatag sila magpakailanpaman,
siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.
7 Mula sa lupa ang Panginoon ay purihin,
ninyong mga dambuhala sa dagat, at lahat ng mga malalim,
8 apoy at yelo, niyebe at hamog,
maunos na hangin na gumaganap ng kanyang salita!
9 Mga bundok at lahat ng mga burol,
mga punong nagbubunga at lahat ng mga sedro!
10 Mga hayop at lahat ng kawan.
mga bagay na gumagapang at mga ibong nagliliparan!
11 Mga hari sa lupa at lahat ng sambayanan,
mga pinuno at lahat ng mga hukom sa sanlibutan!
12 Mga binata at gayundin ang mga dalaga;
ang matatanda at mga bata!
13 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
sapagkat tanging ang kanyang pangalan ang dakila;
nasa itaas ng lupa at mga langit ang kaluwalhatian niya.
14 Nagtaas siya ng sungay para sa kanyang bayan,
ng papuri para sa lahat ng kanyang mga banal,
para sa mga anak ni Israel na malapit sa kanya.
Purihin ang Panginoon!
149 Purihin ang Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon ng isang bagong awit,
ng papuri sa kanya sa kapulungan ng mga tapat!
2 Magalak nawa ang Israel sa kanyang Lumikha,
ang mga anak ng Zion sa kanilang Hari nawa'y matuwa!
3 Purihin nila ng may pagsasayaw ang pangalan niya,
na umaawit sa kanya na may pandereta at lira!
4 Sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang bayan;
kanyang pagagandahin ng kaligtasan ang mga nahihirapan.
5 Magsaya nawa ang mga tapat sa kaluwalhatian;
umawit nawa sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan.
6 Malagay nawa ang mataas na papuri sa Diyos sa kanilang lalamunan,
at ang tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;
7 upang maggawad ng paghihiganti sa mga bansa,
at ng kaparusahan sa mga bayan,
8 upang gapusin sa mga tanikala ang kanilang mga hari,
at ang kanilang mga maharlika ng mga bakal na panali,
9 upang sa kanila'y ilapat ang hatol na nasusulat!
Ito ay kaluwalhatian para sa lahat niyang mga tapat!
Purihin ang Panginoon!
Ang Pangitain tungkol sa mga Tuyong Buto
37 Ang kamay ng Panginoon ay sumasaakin, at kanyang dinala ako sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon at inilagay ako sa gitna ng libis; iyon ay punô ng mga buto.
2 Inakay niya ako sa palibot ng mga iyon; napakarami niyon sa libis at ang mga iyon ay tuyung-tuyo.
3 Kanyang sinabi sa akin, “Anak ng tao, maaari bang mabuhay ang mga butong ito?” At ako'y sumagot, “O Panginoong Diyos; ikaw ang nakakaalam.”
4 Muling sinabi niya sa akin, “Magsalita ka ng propesiya sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, O kayong mga tuyong buto, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon.
5 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga butong ito: Aking papapasukin ang hininga[a] sa inyo, at kayo'y mabubuhay.
6 Lalagyan ko kayo ng mga litid, babalutin ko kayo ng laman, tatakpan ko kayo ng balat, lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo'y mabubuhay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”
7 Sa gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos sa akin. Habang ako'y nagsasalita ng propesiya, biglang nagkaroon ng ingay, at narito, isang lagutukan. Ang mga buto ay nagkalapit, buto sa buto nito.
8 Habang ako'y nakatingin, narito, may mga litid sa mga iyon, at ang laman ay lumitaw sa mga iyon at ang balat ay tumakip sa mga iyon sa ibabaw; ngunit walang hininga sa mga iyon.
9 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa hininga at sabihin mo sa hininga, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Manggaling ka sa apat na hangin, O hininga, at hingahan mo ang mga patay na ito, upang sila'y mabuhay.”
10 Sa(A) gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos niya sa akin, at ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila'y nabuhay at tumayo sa kanilang mga paa, na isang napakalaking hukbo.
11 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sambahayan ni Israel. Narito, kanilang sinasabi, ‘Ang ating mga buto ay natuyo, at ang ating pag-asa ay nawala; tayo'y lubos na nahiwalay.’
12 Kaya't magsalita ka ng propesiya, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko; at aking pauuwiin kayo sa lupain ng Israel.
13 Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking binuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko.
14 At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo'y mabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ng Panginoon.”
Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon
11 Samantalang siya'y nakahawak kina Pedro at Juan, sama-samang nagtakbuhan sa kanila ang mga tao, na lubhang namangha, sa tinatawag na portiko ni Solomon.
12 Nang makita ito ni Pedro, nagsalita siya sa mga tao, “Kayong mga Israelita, bakit ninyo ito ikinamamangha? Bakit ninyo kami tinititigan na para bang sa pamamagitan ng aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay napalakad namin siya?
13 Niluwalhati ng(A) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[a] na si Jesus na inyong ibinigay at inyong itinakuwil sa harap ni Pilato, bagaman siya'y nagpasiyang pawalan siya.
14 Ngunit(B) inyong itinakuwil ang Banal at ang Matuwid at inyong hininging ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao,
15 at inyong pinatay ang May-akda ng buhay, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay; mga saksi kami sa bagay na ito.
16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, ang kanyang pangalan ang nagpalakas sa taong ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya sa pamamagitan ni Jesus ang nagkaloob sa taong ito ng ganitong sakdal na kalusugan sa harapan ninyong lahat.
17 “At ngayon, mga kapatid, nalalaman kong ginawa ninyo iyon sa inyong kamangmangan tulad ng inyong mga pinuno.
18 Ngunit sa ganitong paraan ay tinupad ng Diyos ang kanyang ipinahayag na mangyayari sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay magdurusa.
19 Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan,
20 upang ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus.
21 Siya'y dapat manatili sa langit hanggang sa mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta.
22 Tunay(C) na sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa inyong mga kapatid.[b] Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo.
23 Ang(D) bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan.’[c]
24 At ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga sumunod sa kanya, sa dami ng mga nagsalita, ay nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito.
25 Kayo(E) ang mga anak ng mga propeta, at ng tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, na sinasabi kay Abraham, ‘At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.’
26 Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod siya ay kanyang unang isinugo sa inyo, upang kayo'y pagpalain sa pamamagitan ng pagtalikod ng bawat isa sa inyo sa inyong mga kasamaan.”
12 Ito(A) ang aking utos, na kayo'y magmahalan sa isa't isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo.
13 Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.
14 Kayo'y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo.
15 Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin, sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.
16 Ako'y hindi ninyo pinili, ngunit kayo'y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga, at ang mga bunga ninyo'y mananatili, upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan ay ibigay niya sa inyo.
17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y magmahalan sa isa't isa.
Poot ng Sanlibutan
18 “Kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan, ay alamin ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo.
19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y pinili ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.
20 Alalahanin(B) ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo, ‘Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako'y kanilang inusig, kayo man ay kanilang uusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din nila.
21 Subalit ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.
22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila ay hindi sana sila nagkasala. Subalit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan.
23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama.
24 Kung ako'y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinuman, hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan. Subalit ngayon ay kanilang nakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama.
25 Ito(C) ay upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, ‘Ako'y kinapootan nila nang walang kadahilanan.’
26 Subalit kapag dumating na ang Mang-aaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan, na mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin.
27 At kayo rin ay magpapatotoo, sapagkat kayo'y nakasama ko buhat pa nang simula.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001