Book of Common Prayer
Pananalig sa Kautusan ni Yahweh
(Zayin)
49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.
Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh
(Kheth)
57 Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61 Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.
Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh
(Tet)
65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Kahangalan ang Magtiwala sa Kayamanan
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
49 Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man,
kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!
2 Kahit ikaw ay dakila o hamak ang iyong lagay,
makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.
3 Itong aking sasabihi'y salitang may karunungan,
ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay;
4 Ang pansin ko ay itutuon sa bugtong na kasabihan,
sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman.
5 Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,
kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid—
6 mga taong naghahambog, sa yaman ay nananalig,
dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip.
7 Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,
hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos.
8 Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;
gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat
9 upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas
at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.
10 Alam(A) naman niyang lahat ay mamamatay,
kasama ang marunong, maging mangmang o hangal;
sa lahing magmamana, yaman nila'y maiiwan.
11 Doon sila mananahan sa libingan kailanpaman,
kahit sila'y may lupaing pag-aari nilang tunay;
12 maging sikat man ang tao, hinding-hindi maiwasan
katulad din noong hayop, tiyak siyang mamamatay.
13 Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili,
at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti: (Selah)[a]
14 Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong,
itong si Kamatayan ang kanyang magiging pastol.
Ang matuwid, magwawagi kapag sumapit ang umaga,
laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na
sa daigdig ng mga patay, na malayo sa kanila.
15 Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan,
aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan. (Selah)[b]
16 Di ka dapat mabagabag, ang tao man ay yumaman,
lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
17 hindi ito madadala kapag siya ay namatay,
ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.
18 At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,
dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay;
19 katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay,
masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.
20 Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan,
katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]
53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.
2 Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
3 Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.
4 Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”
5 Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.
6 Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!
Sinugo ng Diyos si Propeta Elias
17 Si(A) Elias ay isang propetang taga-Tisbe sa Gilead.[a] Sinabi niya kay Ahab, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel na aking pinaglilingkuran, hindi uulan, ni hindi magkakahamog sa mga darating na taon hangga't hindi ko sinasabi.”
2 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Elias, 3 “Umalis ka rito at magtago ka sa batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. 4 Maiinom mo ang tubig sa batis at may inutusan akong mga uwak na maghahatid sa iyo ng pagkain.”
5 Sinunod nga ni Elias ang sinabi ni Yahweh. Lumakad siya at nanirahan sa may batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. 6 Umaga't hapon, may mga uwak na nagdadala sa kanya ng pagkain, at sa batis naman siya umiinom. 7 Ngunit dumating ang panahon na natuyo na rin ang batis.
Pinapunta si Elias sa Sarepta
8 Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh, 9 “Umalis(B) ka rito. Pumunta ka sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. May inutusan akong isang biyuda na magpapakain sa iyo roon.” 10 Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang biyuda na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae, “Maaari po bang makiinom?” 11 Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin, “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kapirasong tinapay.”
12 Sumagot ang babae, “Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos[b] na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at ilang patak na langis. Namumulot nga ako ng panggatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.”
13 Sinabi sa kanya ni Elias, “Huwag kang mag-alala. Pumunta ka na at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. 14 Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh, Diyos ng Israel:
Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan,
at hindi rin matutuyo ang langis sa tapayan
hanggang hindi sumasapit ang takdang araw
na papatakin na ni Yahweh ang ulan.”
15 Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. 16 Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias.
Binuhay ni Elias ang Anak ng Biyuda
17 Hindi nagtagal at nagkasakit ang anak ng biyuda. Lumubha ang sakit ng bata hanggang sa ito'y mamatay. 18 Kaya't sinabi ng babae kay Elias, “Anong ikinagagalit ninyo sa akin, lingkod ng Diyos? Naparito ba kayo upang ako'y sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?”
19 “Akin na ang bata,” sabi ni Elias. At kinuha niya ang bata, ipinanhik sa itaas, sa silid na kanyang tinutuluyan. Inilagay niya ang bata sa kanyang higaan 20 at nanalangin, “Yahweh, aking Diyos, ito ba ang inyong igaganti sa babaing nagmagandang-loob sa akin?” 21 Tatlong(C) beses siyang dumapa sa bata at nanalangin ng ganito: “Yahweh, aking Diyos, hinihiling ko pong muli ninyong buhayin ang batang ito.” 22 Dininig ni Yahweh ang dalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata.
23 Inakay ni Elias ang bata, at ibinalik sa kanyang ina saka sinabing, “Narito ang anak mo, buháy na siya.”
24 At sumagot ang babae, “Tiyak ko na ngayon na kayo nga ay isang lingkod ng Diyos, at nagsasalita si Yahweh sa pamamagitan ninyo.”
Ang Halimbawa ni Cristo
2 Kaya nga, yamang mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, 2 lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. 3 Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. 4 Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. 5 Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.
6 Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos,
hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
7 Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos,
at namuhay na isang alipin.
Ipinanganak siya bilang tao.
At nang siya'y maging tao,
8 nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
maging ito man ay kamatayan sa krus.
9 Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa(A) gayon, sa pangalan ni Jesus
ay luluhod at magpupuri ang lahat
ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.[a]
11 At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.
Ang Pagdalaw kay Jesus
2 Panahon ng paghahari ni Herodes[a] sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. May mga pantas[b] mula pa sa silangan na dumating sa Jerusalem. 2 Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin.”
3 Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. 4 Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, “Saan ba isisilang ang Cristo?” 5 Tumugon sila, “Sa Bethlehem po, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
6 ‘At(A) Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno
na mamamahala sa aking bayang Israel.’”
7 Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. 8 Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.” 9 Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy sa paghahanap. Ang bituin na nanguna sa kanila mula pa sa silangan ay tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 10 Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita ang bituin. 11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.
12 Nang papauwi na ang mga pantas, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.