Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 26

Panalangin ng Isang Mabuting Tao

Katha ni David.

26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
    pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
    hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
    ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
    hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
    at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.

Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
    ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
    gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.

Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
    sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
Sa parusa ng masasama, huwag mo akong idamay,
    ilayo rin sa parusa ng mahihilig sa pagpatay—
10     mga taong walang magawâ kundi kasamaan,
    at palaging naghihintay na sila ay suhulan.

11 Ngunit para sa akin, gagawin ko ang tama,
    kaya iligtas mo ako at sa akin ay maawa.
12 Ako ay ligtas sa lahat ng kapahamakan;
    pupurihin ko si Yahweh sa gitna ng kapulungan!

Mga Awit 28

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David.

28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
    sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
    para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
    kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
    na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
    kung magsalita'y parang mga kaibigan,
    ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
    pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
    ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
    mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
    at hindi na muling pababangunin.

Si Yahweh ay dapat purihin!
    Dininig niya ang aking mga daing.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
    tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
    sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.

Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
    siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
    ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
    tulad ng pastol sa kanyang kawan.

Mga Awit 36

Ang Kasamaan ng Tao

Katha ni David, na lingkod ni Yahweh, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

36 Kasalana'y(A) nangungusap sa puso ng masasama, sa kaibuturan ng puso doon ito nagwiwika;
    tumatanggi sa Diyos at ni takot ito'y wala.
Ang palagay sa sarili, siya'y isang dakila na;
    ang akala'y hindi batid ni Yahweh ang kanyang sala, kaya't kanyang iniisip, hindi siya magdurusa.
Kung mangusap ay masama at ubod nang sinungaling;
    dahop na ang karunungan sa paggawa ng magaling.
Masama ang binabalak samantalang nahihimlay,
    masama rin ang ugali,
    at isa pang kasamaa'y ang laging inaakap ay gawaing mahahalay.

Ang Kabutihan ng Diyos

Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,
    at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan;
    ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan;
ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.

O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag,
    ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan;
    doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay,
    ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.

10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig,
    patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.
11 Ang palalo'y huwag tulutan na ako ay salakayin,
    o ang mga masasamang gusto akong palayasin.

12 Lahat silang masasama'y masdan ninyo at nagupo!
    Sa kanilang binagsakan, hindi sila makatayo.

Mga Awit 39

Pagtatapat ng Taong Nahihirapan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.

39 Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,
    at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas;
upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita
    habang nakapalibot, silang mga masasama.
Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,
    hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;
ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili.
    Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,
habang aking iniisip, lalo akong nalilito;
    nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
“Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
    kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.”

Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,
    sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;
ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah)[a]
    Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,
at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan;
    hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!

Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa?
    Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan;
    ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan.
Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
    pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin.
10 Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;
    sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;
    parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;
tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah)[b]

12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;
    sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik.
Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal,
    at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
13 Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan,
    bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat.

1 Mga Hari 8:65-9:9

65 Kaya nga't nang taóng iyon, natipon sa Jerusalem ang buong Israel mula sa Pasong Hamat hanggang sa Batis ng Egipto. Sa pamumuno ni Solomon, ipinagdiwang nila ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw.[a] 66 Sa ikawalong araw, pinauwi na ni Solomon ang mga mamamayan. Masaya silang umuwi at binasbasan ang hari dahil sa mga pagpapalang ipinagkaloob ni Yahweh kay David na kanyang lingkod, at sa kanyang bayang Israel.

Muling Nagpakita kay Solomon si Yahweh(A)

Nang maipagawa na ni Solomon ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng binalak niyang ipatayo, nagpakita(B) muli sa kanya si Yahweh, tulad ng nangyari sa Gibeon. Sinabi sa kanya, “Ibinigay ko ang lahat ng hiniling mo sa iyong panalangin. Itinatakda kong sa Templong ito na inyong ipinatayo, dito mo ako sasambahin magpakailanman. Babantayan ko at iingatan ang Templong ito habang panahon. Kung ikaw naman ay mananatiling tapat sa akin, gaya ng iyong amang si David, kung gagawin mong lahat ang mga ipinagagawa ko sa iyo, at susundin mo ang aking mga utos at tuntunin, pananatilihin(C) ko sa trono ng Israel ang iyong angkan. Iyan ang aking ipinangako sa iyong amang si David. Ngunit kung ikaw, o ang iyong mga anak, ay tatalikod sa akin at hindi susunod sa aking mga kautusan at batas; kapag kayo'y sumamba at naglingkod sa ibang diyos, palalayasin ko ang bayang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila. Itatakwil ko ang Templong ito na aking itinuring na banal at itinakdang lugar na kung saan ako ay sasambahin. Ang Israel ay pagtatawanan at hahamakin ng lahat ng bansa. Magigiba(D) ang Templong ito, at sinumang mapadaan dito'y mangingilabot at magtataka. Sasabihin nila, ‘Bakit ginawa ito ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ At ganito ang isasagot ng mga tao: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang kanilang Diyos na nagligtas sa kanilang mga ninuno mula sa pagkaalipin sa Egipto. Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga diyos kaya pinabayaan sila ni Yahweh na mapahamak.’”

Santiago 2:14-26

Pananampalataya at mga Gawa

14 Mga kapatid, ano ang pakinabang kung sabihin ng isang tao na siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15 Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. 16 Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, ano ang silbi niyon? 17 Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.

18 Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin kung paano maaaring magkaroon ng pananampalataya nang walang mga gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, di ba? Mabuti naman! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. 20 Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? 21 Hindi (A) ba't ang ating amang si Abraham ay itinuring ng Diyos na matuwid dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac? 22 Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. 23 Natupad(B) ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.” 24 Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.

25 Gayundin(C) si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y itinuring na matuwid.

26 Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.

Marcos 14:66-72

Ang Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(A)

66 Samantala, si Pedro naman ay nasa patyo sa ibaba nang lumapit ang isang babaing katulong ng pinakapunong pari. 67 Nakita nito si Pedro na nagpapainit sa apoy, pinagmasdang mabuti at pagkatapos ay sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret!”

68 Ngunit nagkaila si Pedro, “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo.” Umalis siya at nagpunta sa labasan [at tumilaok ang manok].[a]

69 Nakita na naman siya ng babaing katulong at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila!” 70 At muling nagkaila si Pedro.

Makalipas ang ilang sandali, sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka nga sa kanila. Taga-Galilea ka rin, hindi ba?”

71 “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan,” sagot ni Pedro.

72 Siya namang pagtilaok muli ng manok. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok nang dalawang beses, tatlong beses mo akong ikakaila.” Nanlumo siya at nanangis.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.