Book of Common Prayer
Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh
(Mem)
97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.
Kaliwanagan mula sa Kautusan ni Yahweh
(Nun)
105 Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
106 Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,
tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
107 Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,
sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
108 Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,
yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
109 Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;
pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
110 Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,
ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.
111 Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,
sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
112 Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh
(Samek)
113 Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115 Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118 Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120 Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.
Awit sa Araw ng Kapistahan
Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
2 Umawit sa saliw ng mga tamburin,
kasabay ng tugtog ng lira at alpa.
3 Hipan(A) ang trumpeta tuwing nagdiriwang,
kung buwan ay bago't nasa kabilugan.
4 Pagkat sa Israel, ito'y isang utos,
batas na ginawa ng Diyos ni Jacob.
5 Sa mga hinirang, ang utos di'y ito
nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.
Ganito ang wika na aking narinig:
6 “Mabigat mong dala'y aking inaalis,
ikaw ay iibsan sa pasan mong labis.
7 Iniligtas(B) kita sa gitna ng hirap, sinaklolohan ka nang ika'y tumawag;
tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
at sinubok kita sa Batis Meriba. (Selah)[b]
8 Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin,
sana'y makinig ka, O bansang Israel.
9 Ang(C) diyus-diyosa'y huwag mong paglingkuran, diyos ng ibang bansa'y di dapat yukuran.
10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.
11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”
Diyos ang Kataas-taasang Hari
Awit ni Asaf.
82 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
2 “Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)[c]
3 Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
4 Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!
5 “Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
6 Ang(D) sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
7 ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”
8 O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!
Ang Kagandahang-loob ni David
9 Minsa'y(A) nagtanong si David, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul? Gusto kong ipadama sa kanya ang aking kagandahang-loob alang-alang kay Jonatan.”
2 Nang buháy pa si Saul, may alipin siyang Ziba ang pangalan, kaya't ipinatawag ito ni David. Paglapit ni Ziba, tinanong siya ng hari, “Ikaw ba si Ziba?”
“Ako nga po, mahal na hari” tugon niya.
3 “May(B) nalalaman ka bang buháy sa sambahayan ni Saul? Gusto ko siyang pakitaan ng mabuti, ayon sa aking pangako sa Diyos,” wika ng hari.
“Mayroon po. Si Mefiboset[a] na anak ni Jonatan. Siya po'y isang lumpo,” tugon ni Ziba.
4 “Saan siya naroon?” tanong muli ng hari.
“Nasa Lo-debar po, nakatira sa bahay ni Maquir na anak ni Amiel,” sagot ni Ziba. 5 Ipinasundo agad ni David 6 si Mefiboset,[b] anak ni Jonatan at apo ni Saul. Nang maiharap siya kay David, siya'y nagpatirapa bilang pagbibigay-galang.
“Ikaw ba si Mefiboset?”[c] tanong ng hari.
“Ako nga po, mahal na hari” sagot naman nito.
7 Sinabi ni David, “Huwag kang matakot. Gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para sa iyo, alang-alang kay Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at laging nakahanda ang aking hapag para sa iyo.”
8 Nagpatirapang muli si Mefiboset,[d] at sinabi niya, “Sino po ako para pag-ukulan ng pansin? Ako'y walang silbi!”
9 Tinawag ni David si Ziba at sa harapan niya'y sinabi, “Ibibigay ko sa apo ni Saul ang lahat ng ari-arian niya at ng kanyang sambahayan. 10 Kayo ng iyong mga anak at mga alipin ang magbubungkal ng kanyang lupain. Aalagaan ninyong mabuti upang mag-ani nang sagana at magkaroon ng sapat na pagkain ang sambahayan ng iyong panginoon. Ngunit si Mefiboset[e] ay sa akin sasalo ng pagkain.” Ang mga anak ni Ziba ay labinlima at dalawampu ang kanyang mga alipin.
11 Sumagot si Ziba, “Masusunod pong lahat ang utos ninyo, Kamahalan.”
At mula noo'y kasalo na ni David si Mefiboset,[f] parang tunay na anak niya. 12 Si Mefiboset[g] ay may bata pang anak na lalaki na ang pangala'y Mica. Mula nga noon, ang buong sambahayan ni Ziba ay naglingkod kay Mefiboset.[h] 13 Kaya't si Mefiboset[i] na pilay ang parehong paa ay nanirahan sa Jerusalem, at kasalo ng hari sa pagkain.
Si Pablo sa Efeso
19 Habang nasa Corinto si Apolos, tinahak naman ni Pablo ang iba't ibang dako ng lalawigan hanggang sa siya'y makarating sa Efeso. May natagpuan siya roon na ilang alagad 2 at sila'y tinanong niya, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y sumampalataya?”
“Hindi po, ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo pala,” tugon nila.
3 “Kung gayon, anong uri ng bautismo ang tinanggap ninyo?” tanong niya.
“Bautismo ni Juan,” tugon nila.
4 Kaya't(A) sinabi ni Pablo, “Binautismuhan ni Juan ang mga nagsisi at tumalikod sa kasalanan. Ipinangaral niya sa mga Israelita na sila'y sumampalataya kay Jesus, ang dumarating na kasunod niya.”
5 Nang marinig nila iyon, nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 Nang ipatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumabâ sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng iba't ibang wika at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos. 7 Humigit-kumulang sa labindalawang lalaki ang nagpabautismo.
8 Sa loob ng tatlong buwan, si Pablo'y pumapasok sa sinagoga at buong tapang na nagpapaliwanag sa mga naroon at hinihikayat sila tungkol sa kaharian ng Diyos.
9 Ngunit may ilan sa kanila na nagmatigas at ayaw sumampalataya, at nagsalita pa ng masama laban sa Daan sa harap ng kapulungan. Kaya't iniwan ni Pablo ang sinagoga kasama ang mga mananampalataya at nagpatuloy ng kanyang pangangaral araw-araw[a] sa bulwagan ni Tirano. 10 Tumagal siya roon nang dalawang taon, kaya't ang lahat ng naninirahan sa Asia[b], maging Judio o Griego ay nakarinig ng salita ng Panginoon.
34 Pinalapit(A) ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang(B) sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
9 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang dumarating nang may kapangyarihan ang kaharian ng Diyos.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.