Book of Common Prayer
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
61 Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin;
inyo pong pakinggan, ang aking hinaing!
2 Tumatawag ako dahilan sa lumbay,
sapagkat malayo ako sa tahanan.
Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
3 pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan,
matibay na muog laban sa kaaway.
4 Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay;
sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)[a]
5 Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam
at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan.
6 Ang buhay ng hari sana'y pahabain;
bayaang ang buhay niya'y patagalin!
7 Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay;
kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay.
8 At kung magkagayon, kita'y aawitan,
ako'y maghahandog sa iyo araw-araw.
Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.
62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
2 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
3 Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
4 Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[b]
5 Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
6 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
7 Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
matibay na muog na aking kanlungan.
8 Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[c]
9 Ang taong nilalang ay katulad lamang
ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
ang lahat ng ito'y di dapat asahan.
11 Hindi na miminsang aking napakinggan
na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12 at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.
Pambansang Awit ng Pagtatagumpay
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
68 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,
at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
2 Kung paanong yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;
at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,
sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
3 Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;
sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.
4 Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.
5 Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
6 May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.
7 Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)[a]
8 ang(A) lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
9 Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.
11 May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,
ang nagdala ng balita ay babaing karamihan;
12 ang balitang sinasabi: “Nang dahil sa takot, mga hari't hukbo nila'y tumatakas sa labanan!”
Kaya ang mga babae na ang nagparte ng samsam.
13 Para silang kalapati, nararamtan noong pilak,
parang gintong kumikinang kapag gumalaw yaong pakpak;
(Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?)
14 Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Zalmon,
ang yelo ay pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon.
15 O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Bashan;
ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay.
16 Sa taluktok mong mataas, bakit kinukutya wari
yaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili?
Doon siya mananahan upang doon mamalagi.
17 Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan,
galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal.
18 At(B) sa dakong matataas doon siya nagpupunta,
umaahon siya roon, mga bihag ang kasama;
kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa,
tinatanggap ng Panginoong Yahweh na doon na tumitira.
19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,
dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)[b]
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.
21 Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,
kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.
22 Si Yahweh ang nagsalita: “Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Bashan;
hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan,
23 upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos,
sa dugo nilang yaon, pati aso ay hihimod.”
24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,
pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,
sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan.
26 “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,
buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!”
27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,
kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;
mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na.
28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
30 pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto;
sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro;
hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo.
Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,
ang Etiopia'y[c] daup-palad na sa Diyos dadalangin.
32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)[d]
33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,
siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,
siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay
ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.
Ang Diyos ay papurihan!
Pamumuhay Cristiano
12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba[a] ninyo sa Diyos. 2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. 4 Kung(A) paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at magkakaiba ang gawain ng mga ito, 5 gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. 6 Tumanggap(B) tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. 7 Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. 8 Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak.
9 Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11 Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. 13 Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.
14 Idalangin(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. 15 Makigalak(D) kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. 16 Magkaisa(E) kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha.[b] Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong.
17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. 18 Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. 19 Mga(F) minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Sa halip,(G) “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.”[c] 21 Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.
Mga Babaing Naglilingkod kay Jesus
8 Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa 2 at(A) ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena (mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas), 3 si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Tinustusan ng mga ito mula sa sarili nilang ari-arian ang mga pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(B)
4 Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinghagang ito:
5 “Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ng mga tao at tinuka ng mga ibon. 6 May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. 7 May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. 8 Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tig-iisandaan.”
At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)
9 Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. 10 Sumagot(D) si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y sa pamamagitan ng talinghaga. Nang sa gayon,
‘Tumingin man sila'y hindi sila makakakita;
at makinig man sila'y hindi sila makakaunawa.’”
Ang Paliwanag tungkol sa Talinghaga(E)
11 “Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't pagdating ng pagsubok, sila'y tumitiwalag. 14 Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. 15 Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.