Book of Common Prayer
Pananabik sa Presensya ng Diyos
Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
2 Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
3 Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
4 Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
5 Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
6 Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
7 ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
8 Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.
9 Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay,
sila nga ang masasadlak sa malamig na libingan.
10 Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan,
kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
11 Dahilan sa iyo, O Diyos,
ang hari ay magdiriwang,
kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan.
Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan.
Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo
98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
2 Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
3 Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!
4 Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
5 Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
6 Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.
7 Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
8 Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
9 Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit na katha ni David.
103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
2 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
3 Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
4 Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
5 Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.
6 Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
7 Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
8 Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
9 Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.
11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
14 Alam niya na alabok itong ating pinagmulan,
at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.
15 Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad,
sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak;
16 nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan,
nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan.
17 Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal;
ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
18 At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan,
at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
19 Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
20 O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos,
kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
21 Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan,
kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,
sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;
O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!
Pangangalaga at Pagiging Handa
5 Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. 2 Pangalagaan(A) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[a] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, 3 hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. 4 At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.
5 At(B) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.” 6 Kaya(C) nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. 7 Ipagkatiwala(D) ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
8 Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. 9 Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.
Sa Gawa Makikilala(A)
15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang tupa, ngunit ang totoo'y mababangis na asong-gubat. 16 Makikilala(B) ninyo sila sa kanilang mga gawa. Mapipitas ba ang ubas sa puno ng dawag, o ang igos sa matitinik na halaman? 17 Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamang puno. 18 Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindi maaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Ang(C) bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Kaya't(D) makikilala ninyo ang mga huwad na propeta sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.”
Hindi Ko Kayo Kilala(E)
21 “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22 Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, hindi po ba't sa iyong pangalan ay nangaral kami, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala?’ 23 Ngunit(F) sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.’”
Sa Bato o sa Buhanginan?(G)
24 “Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. 25 Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. 26 Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. 27 Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak.”
Ang Kapangyarihan ni Jesus
28 Namangha(H) kay Jesus ang mga tao nang kanilang marinig ang kanyang pagtuturo 29 sapagkat nagturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.