Book of Common Prayer
Ang Dios ang Dakilang Hari
24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
2 Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
3 Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
4 Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
6 Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.
7 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
8 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
9 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!
Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon
29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
2 Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.
3 Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
5 Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
6 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
7 Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
8 Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
9 Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
“Ang Dios ay makapangyarihan!”
10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.
Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan
8 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
2 Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.
3 Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
4 akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
5 Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
6 Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
7 mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
8 ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
9 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
8 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
9 Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki(A)
8 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2-3 “Papuntahin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki roon sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tipunin mo ang lahat ng taga-Israel doon. Sabihin mo sa mga pari na dalhin nila ang kanilang mga damit pampari, ang langis na pamahid, ang toro na handog sa paglilinis, ang dalawang lalaking tupa, at ang basket na may tinapay na walang pampaalsa.”
4 Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon, at nagtipon ang mga taga-Israel sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 5 Sinabi sa kanila ni Moises na ang gagawin niya ay iniutos sa kanya ng Panginoon. 6 Dinala niya sa gitna si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at silaʼy pinaliguan. 7 Ipinasuot niya kay Aaron ang damit bilang punong pari: ang damit-panloob, ang sinturon, ang damit-panlabas, at ang espesyal na damit[a] at binigkisang mabuti ng hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. 8 Ipinalagay din ni Moises ang isang lalagyan sa dibdib at doon inilagay ang “Urim” at “Thummim”.[b] 9 At ipinasuot din niya ang turban sa ulo ni Aaron at sa harap ng turban ay ikinabit ang gintong sagisag ng pagtatalaga kay Aaron para sa Panginoon. Ginawang lahat ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
10 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis at winisikan ang Tolda at ang lahat ng nasa loob bilang pagtatalaga ng lahat ng ito para sa Panginoon. 11 Winisikan din niya ng langis ang altar ng pitong beses at ang lahat ng kagamitan na naroon, pati ang planggana at ang patungan nito. Ginawa ito para ihandog sa Panginoon. 12 Pagkatapos, binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga sa kanya sa Panginoon. 13 At pinalapit niya sa gitna ang mga anak na lalaki ni Aaron at ipinasuot sa kanila ang kasuotan nila na pampari at nilagyan ng sinturon. Ipinasuot din sa kanila ang kanilang mga turban. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
30 Pagkatapos, kumuha si Moises ng banal na langis[a] at ng dugo roon sa altar at winisikan niya si Aaron at ang mga anak niya pati na ang kanilang mga damit. Sa ganitong paraan niya sila inihandog pati ang kanilang mga damit sa Panginoon. 31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, “Lutuin ninyo ang karne malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan, at ayon sa iniutos ko sa inyo kainin ninyo ito kasama ang mga tinapay na nasa basket na handog para sa pagtatalaga. 32 Ang matitirang karne at tinapay ay susunugin ninyo. 33 Huwag kayong aalis dito sa loob ng pitong araw hanggaʼt hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ang Panginoon ang nag-utos sa atin na gawin natin ang ating ginagawa ngayon, para matubos kayo sa inyong mga kasalanan. 35 Kinakailangang manatili kayo rito araw at gabi sa loob ng pitong araw, at gawin ninyo ang ipinapagawa sa inyo ng Panginoon para hindi kayo mamatay, dahil ito ang iniutos sa akin ng Panginoon na dapat ninyong gawin.” 36 Kaya sinunod ni Aaron at ng mga anak niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang Dios na Ama Natin
12 Napapaligiran tayo ng maraming tao na nagpapatotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Dios. Kaya talikuran na natin ang kasalanang pumipigil sa atin at alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin. Buong tiyaga tayong magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Dios para sa atin. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Dios.
3 Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, para hindi kayo panghinaan ng loob. 4 Kung tutuusin, wala pa namang pinatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan. 5 Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Dios sa inyo bilang mga anak niya:
“Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,
at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka niya.
6 Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
at pinapalo niya ang itinuturing niyang mga anak.”[a]
7 Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? 8 Kung hindi kayo dinidisiplina ng Dios gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas. 9 Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin. 10 Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Dios ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya. 11 Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.
Mga Babala at Bilin
12 Kaya palakasin ninyo ang sarili nʼyo at patibayin ang inyong loob. 13 Lumakad kayo sa matuwid na daan upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na mahihina ang pananampalataya, ay hindi matisod at mapilayan kundi lumakas. 14 Pagsikapan ninyong mamuhay nang may mabuting relasyon sa lahat ng tao, at magpakabanal kayo. Sapagkat kung hindi banal ang pamumuhay nʼyo, hindi nʼyo makikita ang Panginoon.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, sa bayang kinalakihan niya. At katulad ng nakaugalian niya, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng Kasulatan. 17 Ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito at pagkakita sa bahagi ng Kasulatan na kanyang hinahanap, binasa niya ito na nagsasabing:
18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
dahil pinili niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Magandang Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na malaya na sila,
at sa mga bulag na makakakita na sila.
Sinugo rin niya ako upang palayain ang mga inaapi,
19 at ipahayag na dumating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”[a]
20 Pagkatapos, ibinilot ni Jesus ang Kasulatan at isinauli sa tagapag-ingat nito. Umupo siya para magsimulang mangaral. Nakatingin sa kanya ang lahat ng naroon. 21 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo.” 22 Pinuri siya ng lahat at humanga sa napakaganda niyang pananalita. Sinabi nila, “Hindi baʼt anak lang siya ni Jose?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili,’ na ang ibig sabihin, ‘Gawin mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga nababalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ ” 24 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan. 25 Alalahanin ninyo ang nangyari noong panahon ni Propeta Elias. Hindi nagpaulan ang Dios sa loob ng tatlo at kalahating taon, at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Maraming biyuda sa Israel noon, 26 pero hindi pinapunta ng Dios si Elias sa kaninuman sa kanila kundi sa isang biyuda na hindi Judio sa Zarefat na sakop ng Sidon. 27 Ganyan din ang nangyari noong panahon ni propeta Eliseo. Maraming tao sa Israel ang may malubhang sakit sa balat,[b] ngunit walang pinagaling ni isa man sa kanila si Eliseo. Sa halip, si Naaman pa na taga-Syria ang pinagaling niya.” 28 Nagalit ang mga taong naroon sa sambahan nang marinig nila ito. 29 Nagtayuan sila at ipinagtabuyan si Jesus palabas ng bayan, at dinala malapit sa gilid ng burol, na kinatatayuan ng kanilang bayan, para ihulog siya sa bangin. 30 Pero dumaan siya sa kalagitnaan nila at iniwan sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®