Book of Common Prayer
49 Alalahanin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
50 Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas,
at umaaliw sa akin sa kahirapang aking dinaranas.
51 Palagi akong hinahamak ng mga hambog,
ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.
52 Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una,
at itoʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.
53 Akoʼy galit na galit sa masasamang tao,
na ayaw sumunod sa inyong kautusan.
54 Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.
55 Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.
56 Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.
57 Kayo lang Panginoon, ang tangi kong kailangan.
Akoʼy nangangakong susundin ang inyong mga salita.
58 Buong puso akong nakikiusap sa inyo na ako ay inyong kahabagan ayon sa inyong pangako.
59 Pinag-isipan ko kung paano ako namuhay,
at napagpasyahan kong sumunod sa inyong mga turo.
60 Agad kong sinunod ang inyong mga utos.
61 Kahit iginagapos ako ng masasama, hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
62 Kahit hatinggabi ay gumigising ako upang kayoʼy pasalamatan sa inyong matuwid na mga utos.
63 Akoʼy kaibigan ng lahat ng may takot sa inyo at sumusunod sa inyong mga tuntunin.
64 Panginoon, minamahal nʼyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
65 Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.
66 Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,
dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.
67 Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,
ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.
68 Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
69 Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.
70 Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,
ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.
71 Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,
dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.
72 Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.
Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan
49 Makinig kayo, lahat ng bansa,
kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
2 Dakila ka man o aba,
mayaman ka man o dukha, makinig ka,
3 dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
4 Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.
5 Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
6 Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
at dahil dito ay nagmamayabang.
7 Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
kahit magbayad pa siya sa Dios.
8 Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
hindi sapat ang anumang pambayad
9 upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
at hindi na mamatay.
10 Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11 Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
Doon sila mananahan,
kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12 Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
mamamatay din siya katulad ng hayop.
13 Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,
na nasisiyahan sa sariling pananalita.
14 Silaʼy nakatakdang mamatay.
Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan.[a]
(Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)
Mabubulok ang bangkay nila sa libingan,
malayo sa dati nilang tirahan.
15 Ngunit tutubusin naman ako ng Dios
mula sa kapangyarihan ng kamatayan.
Tiyak na ililigtas niya ako.
16 Huwag kang mangamba kung yumayaman ang iba
at ang kanilang kayamanan ay lalo pang nadadagdagan,
17 dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.
Ang kanilang kayamanan ay hindi madadala sa libingan.
18 Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Dios,
at pinupuri din sila ng mga tao dahil nagtagumpay sila.
19 Ngunit makakasama pa rin sila ng kanilang mga ninunong namatay na,
doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.
20 Ang taong mayaman na hindi nakakaunawa ng katotohanan
ay mamamatay katulad ng mga hayop.
Ang Kasamaan ng Tao
(Salmo 14)
53 “Walang Dios!”
Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
Ni isa ay walang gumagawa ng mabuti.
2 Mula sa langit, tinitingnan ng Dios ang lahat ng tao,
kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
3 Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.
4 Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
At hindi sila nananalangin sa Dios.
5 Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
sa takot na kahit kailan ay hindi pa nila nararanasan,
samantalang ikakalat naman ng Dios ang mga buto ng mga sumasalakay sa inyo.
Mailalagay sila sa kahihiyan,
dahil itinakwil sila ng Panginoon.
6 Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Dios,
kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.
33 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umalis ka sa lugar na ito kasama ang mga mamamayang inilabas mo sa Egipto, at pumunta kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac, at Jacob. Sinabi ko sa kanila noon na ibibigay ko ang mga lupaing ito sa kanilang mga salinlahi. 2 Pauunahin ko ang anghel sa inyo, at itataboy ko ang mga Cananeo, Amoreo, Heteo, Perezeo, Hiveo at Jebuseo 3 sa lugar na iyon. Kayo lang ang pupunta roon sa maganda at masaganang lupain;[a] hindi ko kayo sasamahan dahil matigas ang mga ulo ninyo, at baka mapatay ko pa kayo habang nasa daan.”
4 Nang marinig ng mga tao ang masasakit na salitang ito, labis silang nalungkot at hindi nila isinuot ang kanilang mga alahas. 5 Sapagkat, iniutos ng Panginoon kay Moises na sabihin ito sa mga Israelita: “Napakatigas ng ulo ninyo. Kung sasamahan ko kayo kahit na sa sandaling panahon lang, baka mapatay ko pa kayo. Ngayon, hubarin ninyo ang mga alahas ninyo hanggang sa makapagdesisyon ako kung ano ang gagawin ko sa inyo.” 6 Kaya hinubad ng mga Israelita ang mga alahas nila roon sa bundok ng Horeb.
Ang Toldang Tipanan
7 Nakaugalian na ni Moises na itayo ang Tolda malayo sa kampo. Ang Toldang itoʼy tinatawag na “Toldang Tipanan.” Pumupunta sa Toldang ito ang sinumang gustong malaman ang kalooban ng Panginoon. 8 Sa tuwing papasok si Moises sa Tolda, tumatayo ang mga tao sa pintuan ng mga tolda nila. Tinitingnan nila si Moises hanggang sa makapasok siya sa Tolda. 9 At habang naroon si Moises sa loob, bumababa ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda habang nakikipag-usap ang Panginoon sa kanya. 10 At kapag nakita ng mga tao ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda, tumatayo sila at sumasamba sa Panginoon sa may pintuan ng tolda nila. 11 Kapag nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises, magkaharap sila, katulad ng magkaibigan na nagkukwentuhan. Pagkatapos, bumabalik si Moises sa kampo, pero ang binata niyang lingkod na si Josue na anak ni Nun ay nananatili sa Tolda.
Nakita ni Moises ang Makapangyarihang Presensya ng Dios
12 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Lagi po ninyong sinasabi sa akin na pangunahan ko ang inyong mga mamamayan sa pagpunta sa lupaing ipinangako ninyo, pero hindi pa po ninyo ipinapaalam kung sino ang pasasamahin ninyo sa akin. Sinabi pa po ninyo na kilalang-kilala nʼyo ako at nalulugod kayo sa akin. 13 Kung totoo pong nalulugod kayo sa akin, turuan nʼyo ako ng mga pamamaraan ninyo para makilala ko kayo at para mas matuwa pa kayo sa akin. Alalahanin po ninyong ang bansang ito ay bayan ninyo.”
14 Sumagot ang Panginoon, “Ako mismo ang sasama sa iyo, at bibigyan kita ng kapahingahan.”
15 Sinabi ni Moises sa kanya, “Kung hindi po ninyo kami sasamahan, huwag nʼyo na lang po kaming paalisin sa lugar na ito. 16 Dahil paano po malalaman ng iba na nalulugod kayo sa akin at sa inyong mga mamamayan kung hindi nʼyo kami sasamahan? At paano po nila malalaman na espesyal kaming mga mamamayan kaysa sa ibang mamamayan sa mundo?”
17 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Gagawin ko ang ipinapakiusap mo, dahil nalulugod ako sa iyo at kilalang-kilala kita.”
18 Sinabi ni Moises, “Ipakita po ninyo sa akin ngayon ang makapangyarihang presensya ninyo.”
19 Sumagot ang Panginoon, “Ipapakita ko sa iyo ang lahat ng kabutihan ko, at ipapaalam ko sa iyo ang pangalan ko, ang Panginoon. Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan; maaawa ako sa gusto kong kaawaan. 20 Pero hindi ko ipapakita sa iyo ang aking mukha dahil walang taong nakakita sa mukha ko nang nabuhay.”
21 Sinabi ng Panginoon, “Tumayo ka rito sa bato malapit sa akin. 22 At habang dumadaan ang makapangyarihan presensya ko, ipapasok kita sa siwang ng bato at tatakpan kita ng aking kamay hanggang sa makadaan ako. 23 Pagkatapos, tatanggalin ko ang kamay ko at makikita mo ang likod ko, pero hindi ang aking mukha.”
2 Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nasayang ang pagpunta namin diyan sa inyo. 2 Alam nʼyo ang mga paghihirap at pag-aalipusta na dinanas namin sa Filipos bago pa man kami dumating diyan sa inyo. Pero sa kabila nito, binigyan kami ng Dios ng lakas ng loob na ipangaral ang Magandang Balita sa inyo, kahit na maraming hadlang. 3 Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, masamang hangarin o sa balak na manlinlang. 4 Sa halip, nangangaral kami bilang mga karapat-dapat na katiwala ng Dios ng kanyang Magandang Balita. Ginagawa namin ito hindi para kalugdan kami ng mga tao kundi ng Dios na siyang sumisiyasat sa mga puso namin. 5 Alam nʼyo rin na hindi namin kayo dinaan sa matatamis na pananalita sa pangangaral namin at hindi rin kami nangaral para samantalahin kayo. Ang Dios mismo ang saksi namin. 6 Hindi namin hinangad ang papuri ninyo o ng sinuman, 7 kahit may karapatan kaming tumanggap nito bilang mga apostol ni Cristo. Sa halip, naging maaruga kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa mga anak niya. 8 At dahil mahal namin kayo, hindi lang ang Magandang Balita ang malugod naming ibinigay sa inyo kundi pati na rin ang buhay namin, dahil napamahal na kayo sa amin. 9 Tiyak na natatandaan nʼyo pa, mga kapatid, ang pagsisikap namin noong nasa inyo pa kami. Habang ipinangangaral namin ang Magandang Balita ng Dios, araw-gabi kaming nagtatrabaho para hindi kami maging pabigat sa inyo. 10 Saksi namin kayo at ang Dios na ang pakikitungo namin sa inyong mga mananampalataya ay tapat, matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyong katulad ng isang ama sa kanyang mga anak ang turing namin sa bawat isa sa inyo. 12 Pinalakas namin ang loob nʼyo, pinayuhan at hinikayat na mamuhay nang karapat-dapat sa Dios na humirang sa inyo para sa kanyang kaharian at kadakilaan.
Ang Turo tungkol sa Kautusan
17 “Huwag ninyong isipin na naparito ako upang ipawalang-saysay ang Kautusan ni Moises at ang isinulat ng mga propeta. Naparito ako upang tuparin ang mga ito. 18 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hanggaʼt may langit at may lupa, kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay hindi mawawalan ng kabuluhan hanggaʼt hindi natutupad ang lahat.[a] 19 Kaya ang sinumang lumabag sa pinakamaliit na bahagi ng Kautusan, at magturo sa iba na lumabag din ay ituturing na pinakamababa sa kaharian ng Dios. Ngunit ang sinumang sumusunod sa Kautusan, at nagtuturo sa iba na sumunod din ay ituturing na dakila sa kaharian ng Dios. 20 Kaya tandaan ninyo: kung hindi ninyo mahihigitan ang pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo sa kalooban ng Dios, hindi kayo makakapasok sa kaharian ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®