Book of Common Prayer
Ang Panalangin ng Taong Pinagtaksilan ng Kanyang Kaibigan
55 O Dios, dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Ang paghingi ko ng tulong ay bigyan nʼyo ng pansin.
2 Pakinggan nʼyo ako at sagutin,
naguguluhan ako sa aking mga suliranin.
3 Nag-aalala na ako sa pananakot at pang-aapi ng aking mga kaaway.
Dahil galit na galit sila, ginugulo nila ako at pinagbabantaan.
4 Kumakabog ang dibdib ko sa takot na akoʼy mamatay.
5 Nanginginig na ako sa sobrang takot.
6 At nasabi ko ito: “Kung may pakpak lang ako tulad ng kalapati, lilipad ako at maghahanap ng mapagpapahingahan.
7 Lilipad ako ng malayo at doon mananahan sa ilang.
8 Maghahanap agad ako ng mapagtataguan
para makaiwas sa galit ng aking mga kaaway na tulad ng malakas na hangin o bagyo.”
9 Panginoon, lituhin nʼyo ang aking mga kaaway at guluhin nʼyo ang kanilang mga pag-uusap.
Dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod.
10 Araw-gabi itong nangyayari.[a]
Ang lungsod ay puno ng kasamaan at kaguluhan.
11 Laganap ang kasamaan at walang tigil ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan.
12 Matitiis ko kung ang kaaway ko ang kumukutya sa akin.
Kung ang isang taong galit sa akin ang magmamalaki sa akin, maiiwasan ko siya.
13 Ngunit mismong kagaya ko, kasama ko at kaibigan ko ang sa akin ay nangiinsulto.
14 Dati, malapit kami sa isaʼt isa, at magkasama pa kaming pumupunta sa templo ng Dios.
15 Sanaʼy mamatay na lang bigla ang aking mga kaaway.
Sanaʼy malibing silang buhay sa lugar ng mga patay.
Sapagkat ang kasamaan ay nasa puso nila at sa kanilang mga tahanan.
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.
Pasasalamat sa Dios
138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
2 Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
3 Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
4 Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
5 Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
6 Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
7 Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
8 Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.
Ang Karunungan at Kalinga ng Dios
139 Panginoon, siniyasat nʼyo ako at kilalang-kilala.
2 Nalalaman nʼyo kung ako ay nakaupo o nakatayo.
Kahit na kayo ay nasa malayo, nalalaman nʼyo ang lahat ng aking iniisip.
3 Nakikita nʼyo ako habang akoʼy nagpapahinga o nagtatrabaho.
Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman ninyo.
4 Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita ay alam nʼyo na ang aking sasabihin.
5 Lagi ko kayong kasama,
at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
6 Ang pagkakilala nʼyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga;
hindi ko kayang unawain.
7 Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu?[b] Saan ba ako makakapunta na wala kayo?
8 Kung pupunta ako sa langit, nandoon kayo;
kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din kayo.
9 At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran,
10 kayo ay naroon din upang akoʼy inyong patnubayan at tulungan.
11 Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o ang liwanag sa paligid ko na maging gabi;
12 kaya lang, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, Panginoon,
at ang gabi ay parang araw.
Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag.
13 Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin.
Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina.
14 Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin.
Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.
15 Nakita nʼyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hugisin sa loob ng sinapupunan ng aking ina.
16 Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang.
Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.
17 O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip nʼyo;
itoʼy tunay na napakarami.
18 Kung bibilangin ko ito, mas marami pa kaysa sa buhangin.
Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.
19 O Dios, patayin nʼyo sana ang masasama!
Lumayo sana sa akin ang mga mamamatay-tao!
20 Nagsasalita sila ng masama laban sa inyo.
Binabanggit nila ang inyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Panginoon, kinamumuhian ko ang mga namumuhi sa inyo.
Kinasusuklaman ko ang mga kumakalaban sa inyo.
22 Labis ko silang kinamumuhian;
ibinibilang ko silang mga kaaway.
23 O Dios, siyasatin nʼyo ako, upang malaman nʼyo ang nasa puso ko.
Subukin nʼyo ako, at alamin ang aking mga iniisip.
Ang Tatlong Panauhin ni Abraham
18 Nagpakita ang Panginoon kay Abraham nang nakatira pa siya malapit sa malalaking puno[a] ni Mamre. Mainit ang araw noon, at si Abraham ay nakaupo sa pintuan ng kanyang tolda. 2 Habang nagmamasid siya, may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Tumayo siya agad at dali-daling sumalubong sa kanila. Yumukod siya sa kanila bilang paggalang.
3 At sinabi, “Panginoon,[b] kung maaari, dumaan po muna kayo rito sa amin. 4 Magpapakuha po ako ng tubig para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at makapagpahinga sa lilim ng punongkahoy na ito. 5 Kukuha rin ako ng pagkain para sa inyo upang may lakas po kayo sa inyong paglalakad. Ikinagagalak ko pong mapaglingkuran kayo habang nandito kayo sa amin.” At sumagot sila, “Sige, gawin mo kung ano ang sinabi mo.”
6 Kaya nagmadaling pumasok si Abraham sa tolda at sinabi kay Sara, “Kumuha ka ng kalahating sako ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay. At bilisan mo ang pagluluto.” 7 Tumakbo agad si Abraham papunta sa mga bakahan niya at pumili ng matabang guya, at ipinakatay niya ito at ipinaluto sa alipin niyang kabataan. 8 Pagkatapos, dinala niya ito sa mga panauhin niya, at nagdala rin siya ng keso at gatas. At habang kumakain sila sa ilalim ng punongkahoy, naroon din si Abraham na naglilingkod sa kanila.
9 Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.” 10 Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.”
Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham. 11 (Matanda na silang dalawa ni Abraham at huminto na nga ang buwanang dalaw ni Sara.) 12 Tumawa si Sara sa kanyang sarili at nag-isip-isip, “Sa katandaan kong ito, masisiyahan pa ba akong sumiping sa asawa ko, na matanda na rin, para magkaanak kami?”
13 Nagtanong agad ang Panginoon kay Abraham, “Bakit tumatawa si Sara at sinasabi, ‘Magkakaanak pa ba ako ngayong matanda na ako?’ 14 May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”
15 Natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya. Sinabi niya, “Hindi po ako tumawa!” Pero sinabi ng Panginoon, “Tumawa ka talaga.”
Nagmakaawa si Abraham para sa Lungsod ng Sodom
16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki. Inihatid sila ni Abraham hanggang sa lugar kung saan nakikita nila sa ibaba ang lungsod ng Sodom.
26 Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin. 27 Tanging ang nakakatakot na paghuhukom at nagliliyab na apoy ang naghihintay sa mga taong kumakalaban sa Dios. 28 Ipinapapatay noon nang walang awa ang lumalabag sa Kautusan ni Moises, kapag napatunayan ng dalawa o tatlong saksi ang paglabag niya. 29 Gaano pa kaya kabigat ang parusang tatanggapin ng taong lumapastangan sa Anak ng Dios at nagpawalang-halaga sa dugo na nagpatibay sa kasunduan ng Dios at naglinis sa mga kasalanan niya? Talagang mas mabigat ang parusa sa mga taong ito na humamak sa maawaing Banal na Espiritu. 30 Sapagkat kilala natin ang Dios na nagsabi, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[a] At mayroon ding nakasulat na ganito: “Hahatulan ng Panginoon ang mga taong sakop niya.”[b] 31 Kakila-kilabot ang kahihinatnan ng mga hahatulan ng Dios na buhay.
32 Alalahanin nʼyo ang nakaraang panahon, noong una kayong naliwanagan. Dumaan kayo sa matinding hirap, pero tiniis nʼyo ito at hindi kayo nadaig. 33 Kung minsan, inaalipusta kayo at pinag-uusig sa harapan ng mga tao. At kung minsan namaʼy dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na dumaranas ng ganitong pagsubok. 34 Dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na nakabilanggo. At kahit inagawan kayo ng mga ari-arian, tiniis nʼyo ito nang may kagalakan dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuting kayamanan na hindi mawawala kailanman. 35 Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Dios, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo. 36 Kailangan ninyong magtiis para masunod nʼyo ang kalooban ng Dios, at matanggap nʼyo ang ipinangako niya. 37 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,
“Sandaling panahon na lang at darating na siya. Hindi na siya magtatagal.
38 At mabubuhay ang taong itinuring kong matuwid dahil sa pananampalataya niya. Ngunit kung tumalikod siya sa akin, hindi ko na siya kalulugdan.”[c]
39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod sa Dios at napapahamak, kundi kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
16 Nang gumagabi na, nagpunta ang mga tagasunod ni Jesus sa tabi ng lawa. 17 Madilim na at wala pa rin si Jesus, kaya sumakay na sila sa isang bangka at tumawid papuntang Capernaum. 18 At habang tumatawid sila, nagsimulang lumakas ang hangin at lumaki ang mga alon. 19 Nang nakasagwan na sila ng mga anim o limang kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanilang bangka. At natakot sila. 20 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot.” 21 Kaya pinasakay nila si Jesus sa bangka, at nakarating agad sila sa kanilang pupuntahan.
Hinanap ng mga Tao si Jesus
22-23 Kinabukasan, naroon pa ang mga tao sa kabila ng lawa, kung saan sila kumain ng tinapay matapos magpasalamat ng Panginoon. Alam nilang iisa lang ang bangka roon nang gabing iyon, at iyon ang sinakyan ng mga tagasunod ni Jesus. Alam din nilang hindi kasamang umalis si Jesus ng mga tagasunod niya. Samantala, may dumating na mga bangka galing sa Tiberias at dumaong malapit sa kinaroroonan ng mga tao. 24 Nang mapansin ng mga tao na wala na roon si Jesus at ang mga tagasunod niya, sumakay sila sa mga bangkang iyon at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus.
Ang Pagkaing Nagbibigay-buhay
25 Pagdating ng mga tao sa Capernaum, nakita nila si Jesus at tinanong, “Guro, kailan pa po kayo dumating dito?” 26 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang totoo, hinahanap nʼyo ako, hindi dahil sa mga nakita ninyong himala, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ako na Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil ako ang binigyan ng Ama ng kapangyarihang magbigay nito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®