Book of Common Prayer
Dalangin para Magtagumpay ang Kaibigan
20 Sa oras ng kaguluhan, pakinggan sana ng Panginoon ang iyong mga daing.
At sanaʼy ingatan ka ng Dios ni Jacob.
2 Sanaʼy tulungan ka niya mula sa kanyang templo roon sa Zion.
3 Sanaʼy tanggapin niya ang iyong mga handog,
pati na ang iyong mga haing sinusunog.
4 Sanaʼy ibigay niya ang iyong kahilingan,
at ang iyong mga binabalak ay magtagumpay.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay sisigaw sa kagalakan,
at magdiriwang na nagpupuri sa ating Dios.
Ibigay nawa ng Panginoon ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ay alam kong ang Dios ang nagbibigay ng tagumpay sa haring kanyang hinirang,
at sinasagot niya mula sa banal na langit ang kanyang dalangin,
at lagi niyang pinagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
7 May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma,
ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
8 Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.
9 Panginoon, pagtagumpayin nʼyo ang hinirang nʼyong hari.
At sagutin nʼyo kami kapag kami ay tumawag sa inyo.
Pagpupuri sa Pagtatagumpay
21 Panginoon, sobrang galak ng hari
dahil binigyan nʼyo siya ng kalakasan.
Siyaʼy tuwang-tuwa dahil binigyan nʼyo siya ng tagumpay.
2 Ibinigay nʼyo sa kanya ang kanyang hinahangad;
hindi nʼyo ipinagkait ang kanyang kahilingan.
3 Tinanggap nʼyo siya, at pinagkalooban ng masaganang pagpapala.
Pinutungan nʼyo ang ulo niya ng koronang yari sa purong ginto.
4 Hiniling niya sa inyo na dagdagan ang buhay niya,
at binigyan nʼyo siya ng mahabang buhay.
5 Dahil sa pagbibigay nʼyo ng tagumpay sa kanya,
naging tanyag siya at makapangyarihan.
6-7 Dahil nagtitiwala siya sa inyo, Panginoon,
pinagpala nʼyo siya ng mga pagpapalang walang katapusan,
at pinasaya nʼyo siya sa inyong piling.
At dahil minamahal nʼyo siya nang tapat, Kataas-taasang Dios,
hindi siya mabubuwal.
8 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
matatalo nʼyo ang lahat nʼyong mga kaaway.
9 At kapag kayo ay dumating Panginoon, lilipulin nʼyo sila.
Dahil sa galit nʼyo, tutupukin sila na parang dayami sa naglalagablab na apoy.
10 Uubusin nʼyo ang lahat ng mga anak nila sa buong kalupaan,
upang wala nang magpatuloy ng kanilang lahing masama.
11 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay.
12 Tatakas sila kapag nakita nilang nakatutok na sa kanila ang inyong pana.
13 Panginoon, pinupuri namin kayo
dahil sa inyong kalakasan.
Aawit kami ng mga papuri
dahil sa inyong kapangyarihan.
Ang Panginoon at ang Kanyang Hinirang na Hari
110 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,[a]
“Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion,
at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
3 Sa panahon ng iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang-loob na tutulong sa iyo ang iyong mga tao.
Ang mga kabataang iyong nasasakupan ay pupunta sa iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga.
4 Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya niya,
na ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melkizedek.
5 Ang Panginoon ay kasama mo.
Parurusahan niya ang maraming hari sa oras ng kanyang galit.
6 Parurusahan niya ang mga bansa,
at marami ang kanyang papatayin.
Lilipulin niya ang mga namumuno sa buong mundo.
7 Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabi ng daan,
kaya muli kayong lalakas at magtatagumpay.
Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan
116 Mahal ko ang Panginoon,
dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
2 Dahil pinakikinggan niya ako,
patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.
3 Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
Nag-aalala ako at naguguluhan,
4 kaya tumawag ako sa Panginoon,
“Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”
5 Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.
7 Magpapakatatag ako,
dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
8 sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
9 Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
10 Kahit na sinabi kong, “Sukdulan na ang paghihirap ko,” nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong, “Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.
15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]
16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Papuri sa Panginoon
117 Purihin nʼyo at parangalan ang Panginoon, kayong lahat ng mamamayan ng mga bansa!
2 Dahil napakadakila ng pag-ibig sa atin ng Panginoon,
at ang kanyang katapatan ay walang hanggan.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Si Noe
9 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Noe.
Si Noe ay makadios. Siya lang ang namumuhay na matuwid sa kapanahunan niya, at malapit ang kanyang relasyon sa Dios. 10 May tatlo siyang anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet.
11 Napakasama na ng mga tao sa paningin ng Dios, at ang kanilang kasamaan ay laganap na sa mundo. 12 Nakita ng Dios na lubhang masama ang mga tao sa mundo dahil ang ginagawa nila ay puro kasamaan. 13 Kaya sinabi niya kay Noe, “Lilipulin ko ang lahat ng tao. Dahil sa kanila, lumaganap ang kasamaan sa mundo. Lilipulin ko sila kasama ng mundo. 14 Kaya ikaw Noe, gumawa ka ng barko mula sa matibay na kahoy, at gawan mo ito ng mga kwarto. Pagkatapos, pahiran mo ng alkitran ang loob at labas ng barko.[a] 15 Gawin mo ito na may sukat na 450 talampakan ang haba, 75 talampakan ang luwang, at 45 talampakan ang taas. 16 Lagyan mo ng bubong ang barko, at lagyan mo ng agwat na kalahating metro ang dingding at ang bubong. Gawan mo ang barko ng tatlong palapag, at lagyan ng pintuan sa gilid. 17 Sapagkat pababahain ko ang mundo para malipol ang lahat ng nabubuhay. Mamamatay ang lahat ng nasa mundo. 18 Pero gagawa ako ng kasunduan sa iyo. Papasok ka sa barko kasama ng asawa at ng mga anak mo pati ang mga asawa nila. 19 Magpapasok ka rin ng isang lalaki at babae sa bawat uri ng hayop para mabuhay sila kasama mo. 20 Dalawa sa bawat uri ng lahat ng hayop: mga lumilipad, lumalakad at gumagapang. Lalapit sila sa iyo para hindi sila mamatay. 21 Magdala ka rin ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at para rin sa mga hayop.”
22 Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Dios sa kanya.
4 Ngunit kahit na ganoon ang nangyari sa kanila, nanatili pa rin ang pangako ng Dios na makakamtan natin ang kapahingahang mula sa kanya. Kaya mag-ingat tayo at baka mayroon sa atin na hindi magkakamit ng pangakong ito. 2 Sapagkat nakarinig din tayo ng Magandang Balita katulad nila, pero naging walang saysay ang narinig nila dahil hindi sila sumampalataya. 3 Tayong mga sumasampalataya ang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios. Ngunit hindi ito makakamit ng hindi sumasampalataya, dahil sinabi ng Dios,
“Sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”[a]
Hindi ibig sabihin na wala pa ang kapahingahan. Ang totoo, nariyan na ito mula pa nang likhain ang mundo. 4 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan tungkol sa ikapitong araw,
“Sa ikapitong araw, nagpahinga ang Dios sa kanyang paglikha.”[b]
5 At sinabi rin sa Kasulatan, “Hinding-hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.” 6 Malinaw na niloob ng Dios na may magkakamit ng kapahingahang ito, pero ang mga nakarinig noon ng Magandang Balita ay hindi ito nakamtan dahil sa pagsuway nila sa kanya. 7 Kaya muling nagtakda ang Dios ng isa pang pagkakataon, na walang iba kundi ngayon. Dahil pagkalipas ng matagal na panahon sinabi ng Dios sa pamamagitan ni David,
“Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo.”[c]
8 Dahil kung tunay na nadala ni Josue sa kapahingahan ang mga tao noong una, hindi na sana nagsalita ang Dios tungkol sa isa pang kapahingahan. 9 Kaya may kapahingahan pang nakalaan sa mga taong sakop ng Dios. At ang kapahingahang itoʼy katulad ng pagpapahinga ng Dios sa ikapitong araw. 10 Sapagkat ang sinumang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios ay makapagpapahinga rin sa mga gawain niya, tulad ng pamamahinga ng Dios matapos niyang likhain ang lahat. 11 Kaya sikapin nating makamit ang kapahingahang ito. Huwag nating tularan ang mga tao noong una na sumuway sa Dios, at baka hindi natin ito makamtan. 12 Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Dios, at higit na matalas kaysa sa alinmang espadang magkabila ang talim. Tumatagos ito hanggang kaluluwaʼt espiritu, at hanggang sa kasu-kasuan at kaloob-looban ng buto. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao. 13 Walang makapagtatago sa Dios. Nakikita niya at lantad sa paningin niya ang lahat, at sa kanya tayo mananagot.
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(A)
13 Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel,[a] kaya pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya roon sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at mga kalapati. Nakita rin niya ang mga nagpapalit ng pera ng mga dayuhan sa kanilang mga mesa. 15 Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya palabas ng templo ang mga baka at tupa. Ikinalat niya ang mga pera ng mga nagpapalit at itinaob ang mga mesa nila. 16 Sinabi ni Jesus sa mga nagtitinda ng mga kalapati, “Alisin ninyo ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” 17 Naalala ng mga tagasunod niya ang nakasulat sa Kasulatan: “Mapapahamak ako dahil sa pagmamalasakit ko sa bahay ninyo.”[b]
18 Dahil sa ginawa niyang ito, tinanong siya ng mga pinuno ng mga Judio, “Anong himala ang maipapakita mo sa amin upang mapatunayan mong may karapatan kang gawin ito?” 19 Sinagot sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli.” 20 Sinabi naman nila, “Ginawa ang templong ito ng 46 na taon at itatayo mo sa loob lang ng tatlong araw?” 21 Pero hindi nila naintindihan na ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22 Kaya nang nabuhay siyang muli, naalala ng mga tagasunod niya ang sinabi niyang ito. At naniwala sila sa pahayag ng Kasulatan at sa mga sinabi ni Jesus tungkol sa kanyang muling pagkabuhay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®