Book of Common Prayer
Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan
Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.
102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
lingapin mo ako sa aking pagdaing.
2 O huwag ka sanang magkubli sa akin,
lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.
3 Nanghihina akong usok ang katulad,
damdam ko sa init, apoy na maningas.
4 Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
pati sa pagkai'y di ako ganahan.
5 Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
yaring katawan ko'y buto na at balat.
6 Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
7 ang aking katulad sa hindi pagtulog,
ibon sa bubungang palaging malungkot.
8 Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.
9 Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.
12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
pagkat dumating na ang takdang panahon,
sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
bagama't nawasak at gumuhong lubos.
15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.
18 Ito'y masusulat upang matunghayan,
susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin.
19 Mula sa itaas, sa trono mong banal,
ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
20 Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
upang palayain sa hirap na taglay.
21 Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag;
at sa Jerusalem pupurihing ganap
22 kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama
sa banal na lunsod upang magsisamba.
23 Ako'y pinanghina, sa aking kabataan;
pakiramdam ko ay umikli ang buhay.
24 Itong aking hibik, O aking Diyos,
huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
25 nang(A) pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
26 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
at tulad ng damit, lahat ay kukupas;
sila'y huhubaring parang kasuotan.
27 Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
walang katapusan ang mga taon mo.
28 At ang mga anak ng iyong mga lingkod,
mamumuhay namang panatag ang loob;
magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan.
IKALIMANG AKLAT
Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
3 Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.
4 Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
5 Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
6 Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
7 Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
8 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
9 Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!
23 Mayroong naglayag
na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin
kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila
ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang
ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos,
nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon
na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila
halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas
ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib,
ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y
parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't
mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag,
kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila
at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas,
pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon,
na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na,
sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila
ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon
ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin
sa kalipunan man ng mga matanda.
Ang Paglilinis ng Templo(A)
36 Sa gitna ng ganitong tagumpay, sinabi ni Judas at ng mga kapatid niya, “Ngayong nagapi na ang mga kaaway, kailangang linisin natin ang Templo at muling italaga ito.” 37 Kaya't ang buong hukbo ay umahon sa Bundok ng Zion. 38 Dinatnan nilang wala nang laman ang Templo, wala sa ayos ang dambana at sunog ang mga pintuan. Masukal na ang patyo na parang kagubatan, at wasak pati ang mga tirahan ng mga pari. 39 Sa laki ng pagdaramdam, pinunit nila ang kanilang kasuotan, binudburan ng abo ang kanilang ulo, 40 at nagpatirapa sa lupa. Nang hipan ang trumpeta bilang hudyat, sila'y nanalangin nang malakas sa Diyos ng kalangitan.
41 Iniutos ni Judas sa kanyang mga tauhan na salakayin ang muog, habang nililinis niya ang Templo. 42 Pumili siya ng mga paring walang kapintasan at masunurin sa kautusan 43 upang siyang maglinis ng Templo. Hinakot nila ang mga batong karumal-dumal at dinala sa isang tambakan. 44 Pinag-usapan nila kung ano ang mabuting gawin sa dambanang nilapastangan ng kaaway. 45 Pinagkaisahan nilang ito'y wasakin upang hindi maging alaala ng kahihiyang tinamo nila sa kamay ng mga Hentil. 46 Tinibag nila ang dambana at ibinunton ang mga bato sa isang panig ng burol, at naghintay na lamang sila ng propetang magpapasya ng dapat gawin sa mga batong iyon. 47 Samantala,(B) kumuha sila ng mga batong hindi pa natatapyas, at ayon sa iniutos ng Kautusan, ito ang ginamit sa pagtatayo ng bagong altar. 48 Inayos nila ang santwaryo at ang loob ng Templo at nilinis ang mga bulwagan. 49 Gumawa sila ng mga bagong sisidlang gagamitin sa Templo, naglagay ng ilawan at altar na sunugan ng insenso at ng hapag na gagamitin sa loob. 50 Matapos mailagay sa kanya-kanyang lugar ang lahat, nagsunog sila ng insenso sa altar. Sinindihan nila ang mga ilawan at lumiwanag ang Templo. 51 Inihanay nila sa hapag ang tinapay, at ikinabit ang mga kurtina at natapos na lahat ang kanilang gawain.
52 Nang(C) ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan ng taóng 148, 53 maagang-maaga silang bumangon at naghandog sa bagong altar ng mga haing susunugin, ayon sa itinakda ng kautusan ng Diyos. 54 Sa araw na iyon ay itinalaga nilang muli ang Templo sa gitna ng awitang kasaliw ang mga kudyapi, plauta at pompiyang. Ganito ring araw nang lapastanganin ng mga Hentil ang Templo. 55 Lahat ay nagpatirapa, sumamba, at nagpuri sa Diyos na lumingap at pumatnubay sa kanila.
56 Walong araw silang nagdiwang sa pagtatalagang ito; tuwang-tuwa silang nag-alay ng mga handog na susunugin. Nag-alay din sila ng handog para sa pagkakaligtas at handog pasasalamat sa Diyos. 57 Bilang palamuti, ang labas ng Templo ay nilagyan ng mga koronang ginto at maliliit na kalasag. Inayos nila at nilagyan ng mga pinto ang mga silid ng mga pari. 58 Galak na galak ang lahat nang maalis ang mga tanda ng kalapastanganang ginawa ng mga Hentil. 59 Ipinasya ni Judas, ng kanyang mga kapatid at ng lahat ng mamamayan ng Israel na sa gayon ding araw, taun-taon ay ipagdiriwang nila ang muling pagtatalaga ng Templo. Walong araw nilang gagawin ito, mula sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan.
Ang Pagdating ni Jesus
6 At sinabi sa akin ng anghel, “Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon.”
7 At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Pinagpala ang sumusunod sa mga salita ng propesiya na nasa aklat na ito!”
8 Akong si Juan ang nakarinig at nakakita sa lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, ako'y nagpatirapa sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga ito upang siya'y sambahin. 9 Ngunit sinabi niya, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo, at tulad din ng iyong mga kapatid na propeta at ng lahat ng sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!”
10 At sinabi rin niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya na nasa aklat na ito, sapagkat malapit nang maganap ang mga ito. 11 Magpatuloy(A) sa pagpapakasama ang masasama, magpatuloy sa pagpapakarumi ang marurumi, ngunit ang namumuhay sa kalooban ng Diyos ay magpatuloy sa gayong pamumuhay at ang banal sa pagiging banal.”
12 At(B) sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa! 13 Ako(C) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”
Ang Talinghaga tungkol sa Nawawalang Tupa(A)
10 “Pakaingatan(B) ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit. [11 Sapagkat(C) naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang napahamak.][a]
12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam na nasa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman hindi ayon sa kalooban ng inyong Ama[b] na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung(D) magkasala [sa iyo][c] ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo na ang inyong pagsasamahan bilang magkapatid. 16 Ngunit(E) kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.”
Kapangyarihang Magbawal o Magpahintulot
18 “Tandaan(F) ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot ninyo dito sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
19 “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. 20 Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
by