Book of Common Prayer
Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)
105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
2 Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
3 Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
4 Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
5 Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
6 Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
7 Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.
8 Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
9 Ang(B) tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;
10 sa(C) harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,
para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
11 Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,
bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.”
12 Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami,
kaya sa lupaing tinirhan nila'y hindi nanatili.
13 Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat,
kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak.
14 Sinuman(D) ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin,
ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin.
15 Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang,
ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan.
16 Sa(E) lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating
itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit(F) ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,
tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga(G) paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,
pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,
na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang(H) ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,
pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon(I) sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,
siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.
23 Sa(J) bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,
sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.
24 Ginawa(K) ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,
pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,
ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.
26 Saka(L) inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,
sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,
sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
28 Ang(M) isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,
ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.
29 Ang(N) ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,
pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.
30 Napuno(O) ng mga palakang kay rami ang buong lupain,
maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
31 Sa(P) utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,
sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
32 Sa(Q) halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,
ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,
ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
34 Isang(R) utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,
langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,
sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
36 Ang(S) mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,
kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.
37 Pagkatapos(T) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(U) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(V) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(W) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.
43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(X) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.
Purihin si Yahweh!
4 Sa kabilang panig, si Gorgias ay naghanda naman ng 5,000 sundalo at 1,000 hukbong nakakabayo. Kinagabihan, 2 lumakad sila upang salakayin ang kampo ng mga Judio. Sa pangkat niya'y may isinama pa siyang mga tagapagturo ng landas mula sa pader. 3 Ngunit hindi ito nalingid kay Judas kaya't sila nama'y umalis sa kampo upang salakayin ang hukbo ng hari na nasa Emaus, 4 samantalang wala si Gorgias at ang kanyang hukbo. 5 Kaya't nang gabing sumalakay si Gorgias sa kampo ni Judas, wala siyang inabot isa man. Ginalugad niya ang kaburulan sa paniwalang tumakas ang mga kalaban.
6 Ngunit nang magbubukang-liwayway, si Judas, kasama ang kanyang 3,000 tauhan ay lumitaw sa kapatagan, bagaman kulang sa mga sandata. 7 Nakita nila ang pinagkakampuhan ng mga Hentil at ang mga hukbong kabayuhan sa palibot nito na sanay sa digmaan. 8 Sa gitna ng ganitong katayuan, sinabi ni Judas sa kanyang mga kasama, “Huwag kayong matakot sa dami ng kaaway. 9 Ang alalahanin ninyo'y kung paano nakaligtas sa Dagat na Pula ang ating mga ninuno noong sila'y habulin ng mga kawal ng Faraon. 10 Manalangin tayo sa Diyos. Alalahanin natin ang kanyang kasunduan sa ating mga magulang at kung loloobin niya'y mawawasak ngayon ang hukbo ng ating kaaway. 11 Sa gayon, malalaman ng mga Hentil na mayroong Diyos na nagliligtas sa Israel.”
12 Nang makita ng mga Hentil ang paghahanda ni Judas at ng kanyang hukbo, 13 humanda na rin sila sa paglaban. Hinipan nina Judas ang kanilang mga tambuli, 14 at sila'y sumalakay. Ang mga Hentil ay nasindak at tumakas sa kapatagan. 15 Ang mga naiwan ay pawang napatay, at ang mga tumakas ay hinabol nila hanggang sa Gazara, Idumea, Azotus, at Jamnia. Tatlong libo sa mga kaaway ang kanilang napatay.
16 Pagkatapos ng labanan, bumalik ang hukbo ni Judas, 17 at sinabi niya sa kanyang mga kawal, “Kung tayo man ay nagtagumpay, huwag ninyong isipin ang pananamsam sapagkat tayo'y nasa gitna pa ng labanan. 18 Hindi malayo sa atin ang mga kawal ni Gorgias; sila'y nasa kaburulan. Humanda tayo sa kanilang ganting salakay. Saka na natin kunin ang mga samsam.” 19 Hindi pa man natatapos ang pagsasalita ni Judas, isang pangkat ng kaaway ang bumabâ mula sa kaburulan. 20 Nakita nilang ang kanilang hukbo ay napalayas at nasusunog ang kampo. Ganito ang kanilang iniisip dahil sa makapal na usok na pumapailanlang. 21 Sa nasaksihang ito, natakot ang mga kaaway, lalo na nang makita nila sa kapatagan ang hukbo ni Judas na handa nang sumalakay. 22 Dahil dito, tumakas sila papunta sa lupain ng mga Filisteo. 23 Nang makita ni Judas na tumakas na ang mga kaaway, nagbalik sila at nilimas ang kampo ng kalaban. Marami silang nakuhang pilak at ginto, mga telang kulay asul at kulay ube, at iba pang uri ng kayamanan. 24 Bumalik silang umaawit ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos, “Siya'y maaasahan at ang kanyang kagandahang-loob ay magpakailanman.” 25 Kaya nga't naligtas ang Israel nang araw na iyon.
22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(A) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(B) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(C) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.
22 Ipinakita(D) rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, 2 at(E) umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay ang punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ito'y namumunga ng labindalawang (12) uri ng bunga, isang uri sa bawat buwan. Nakapagpapagaling sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. 3 Wala(F) roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos.
Makikita sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. 4 Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. 5 Doo'y(G) wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging liwanag nila, at maghahari sila magpakailanman.
Sino ang Pinakadakila?(A)
18 Nang(B) mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” 2 Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila 3 at(C) sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. 4 Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. 5 Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”
Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)
6 “Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. 7 Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.
8 “Kung(E) ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. 9 Kung(F) ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.”
by