Book of Common Prayer
14 Ipaalala mo sa kanila ang mga ito, at sa harap ng Diyos[a] ay pagbilinan mo sila na umiwas sa pagtatalo tungkol sa kahulugan ng mga salita. Wala itong ibinubungang mabuti at sa halip ay nagpapahamak lamang sa mga nakikinig.
Ang Manggagawa ng Diyos
15 Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Diyos, isang manggagawang walang anumang dapat ikahiya, at matapat sa pagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan, sapagkat lalo lang magtutulak ito sa mga tao sa higit pang kasamaan. 17 Ang mga salita ng mga gumagawa nito'y gaya ng kanser na kumakalat sa katawan. Kasama sa mga ito sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at sinasabing ang muling pagkabuhay ay naganap na. Sinisira nila ang pananampalataya ng iba. 19 Ngunit (A) matibay ang saligang itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sino ang sa kanya,” at, “Lumayo sa kasamaan ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon.” 20 Sa isang malaking bahay ay may mga sisidlang yari sa ginto at pilak, ngunit mayroon din namang yari sa kahoy at putik. Ang iba'y para sa marangyang paggagamitan, at ang iba'y para sa karaniwan. 21 Sinumang naglilinis ng kanyang sarili mula sa kasamaan ay tulad ng mga sisidlang natatangi, malinis, at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabuting gawain. 22 Layuan mo ang masasamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan mong mabuhay ka sa katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon mula sa pusong dalisay. 23 Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo. Alam mo namang nagbubunga lang ang mga iyan ng pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip, dapat siyang mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang pinapangaralan ang mga sumasalungat sa kanya, sa pag-asang pagkakalooban sila ng Diyos ng pagkakataong magsisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan. 26 Sa gayon, matatauhan sila at makakawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban.[b]
36 Habang kasama pa ninyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Pagkasabi nito, umalis si Jesus at nagtago sa kanila.
Ang Kawalan ng Pananampalataya ng mga Tao
37 Kahit na gumawa si Jesus ng maraming himala sa harap ng mga tao, hindi pa rin sila sumampalataya sa kanya. 38 (A)Ito ay katuparan ng sinabi ni propeta Isaias:
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita,
at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”
39 Hindi sila makapaniwala sapagkat sinabi rin ni Isaias,
40 (B)“Binulag niya ang kanilang mga mata
at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang hindi makakita ang kanilang mga mata
at hindi makaunawa ang kanilang puso, o makapanumbalik,
upang pagalingin ko.”
41 Ang mga ito'y sinabi ni Isaias dahil nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at siya'y nagsalita tungkol sa kanya. 42 Gayunman, marami ang sumampalataya sa kanya, maging ang ilan sa mga pinuno. Subalit dahil sa mga Fariseo, hindi nila ito ipinaalam sa iba sa takot na palayasin sila sa sinagoga; 43 sapagkat mas ibig nila ang papuri mula sa tao kaysa papuring mula sa Diyos.
44 At pagkatapos, sumigaw si Jesus, “Ang sinumang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa kanya na nagsugo sa akin. 45 At ang nakakikita sa akin ay nakakakita sa kanya na nagsugo sa akin. 46 Ako ang ilaw na dumating sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa sinumang nakikinig sa aking mga salita ngunit hindi sinusunod ang mga ito. Sapagkat naparito ako hindi upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May hukom na hahatol sa sinumang nagbabale-wala sa akin at hindi tumanggap ng aking salita; ang salitang sinabi ko ang hahatol sa kanya sa huling araw. 49 Sapagkat hindi galing sa akin ang sinasabi ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang nagbigay sa akin ng utos kung ano ang aking sasabihin at bibigkasin. 50 At alam kong ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya, ang sinasabi ko ay sinabi sa akin ng Ama.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.