Mga Awit 22
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Usa ng Pagbubukang-liwayway. Awit ni David.
22 Diyos(A) ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan?
2 O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang,
at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan.
3 Gayunman ikaw ay banal,
nakaluklok sa mga papuri ng Israel.
4 Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala,
sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila.
5 Sa iyo sila'y dumaing at naligtas;
sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo.
6 Ngunit ako'y uod at hindi tao,
kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan.
7 Silang(B) lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako;
nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo,
8 “Ipinagkatiwala(C) niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya,
hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!”
9 Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata;
iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina.
10 Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal,
at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw.
11 Sa akin ay huwag kang lumayo,
sapagkat malapit ang gulo,
at walang sinumang sasaklolo.
12 Pinaliligiran ako ng maraming toro,
ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako.
13 Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang,
gaya ng sumasakmal at leong umuungal.
14 Ako'y ibinubuhos na parang tubig,
at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit;
ang aking puso ay parang pagkit,
ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga.
16 Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin;
pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama;
binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang,
sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan.
18 Kanilang(D) pinaghatian ang aking mga kasuotan,
at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.
19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!
22 Sa(E) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.
25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.
27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
na dito ay siya ang may kagagawan.
Awit 22
Ang Dating Biblia (1905)
22 Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan? Bakit ka napaka layo sa pagtulong sa akin, at sa mga salita ng aking pagangal?
2 Oh Dios ko, ako'y humihiyaw sa araw, nguni't hindi ka sumasagot: at sa gabi, at hindi ako tahimik.
3 Nguni't ikaw ay banal, Oh ikaw na tumatahan sa mga pagpuri ng Israel.
4 Ang aming mga magulang ay nagsitiwala sa iyo: sila'y nagsitiwala, at iyong iniligtas sila.
5 Sila'y nagsidaing sa iyo at nangaligtas: sila'y nagsitiwala sa iyo, at hindi nangapahiya.
6 Nguni't ako'y uod at hindi tao; duwahagi sa mga tao, at hinamak ng bayan.
7 Silang lahat na nangakakita sa akin ay tinatawanang mainam ako: inilalawit nila ang labi, iginagalaw nila ang ulo, na sinasabi,
8 Magpakatiwala ka sa Panginoon; iligtas niya siya: iligtas niya siya yamang kinaluluguran niya siya:
9 Nguni't ikaw ang naglabas sa akin sa bahay-bata: Pinatiwala mo ako nang ako'y nasa mga suso ng aking ina.
10 Ako'y nahagis sa iyo mula sa bahay-bata: ikaw ay aking Dios mulang dalhin ako sa tiyan ng aking ina.
11 Huwag mo akong layuan; sapagka't kabagabagan ay malapit; sapagka't walang tumulong.
12 Niligid ako ng maraming toro; mga malakas na toro ng Basan ay kumulong sa akin.
13 Sila'y magbubuka sa akin ng kanilang bibig, na gaya ng sumasakmal at umuungal na leon.
14 Ako'y nabuhos na parang tubig, at lahat ng aking mga buto ay nangapapalinsad: ang aking puso ay parang pagkit; natutunaw ito sa loob ko.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang bibinga; at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala; at dinala mo ako sa alabok ng kamatayan.
16 Sapagka't niligid ako ng mga aso: kinulong ako ng pulutong ng mga manggagawa ng masama; binutasan nila ang aking mga kamay at ang aking mga paa.
17 Aking maisasaysay ang lahat ng aking mga buto; kanilang minamasdan, at pinapansin ako:
18 Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila, at kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan.
19 Nguni't huwag kang lumayo, Oh Panginoon: Oh ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan mo ako.
20 Iligtas mo ang aking kaluluwa sa tabak; ang aking minamahal sa kapangyarihan ng aso.
21 Iligtas mo ako sa bibig ng leon; Oo, mula sa mga sungay ng torong gubat ay sinagot mo ako.
22 Aking ipahahayag ang iyong pangalan sa aking mga kapatid: sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita.
23 Kayong nangatatakot sa Panginoon ay magsipuri sa kaniya: kayong lahat na binhi ni Jacob ay lumuwalhati sa kaniya; at magsitayong may takot sa kaniya, kayong lahat na binhi ni Israel.
24 Sapagka't hindi niya hinamak o pinagtaniman man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; ni ikinubli man niya ang kaniyang mukha sa kaniya; kundi nang siya'y dumaing sa kaniya, ay kaniyang dininig.
25 Sa iyo nanggagaling ang pagpuri sa akin sa dakilang kapisanan: aking tutuparin ang aking mga panata sa harap nila na nangatatakot sa kaniya.
26 Ang maamo ay kakain at mabubusog: kanilang pupurihin ang Panginoon na humanap sa kaniya; mabuhay nawa ang iyong puso magpakailan man.
27 Lahat ng mga wakas ng lupa ay makakaalaala, at magsisipanumbalik sa Panginoon: at lahat ng mga angkan ng mga bansa ay magsisisamba sa harap mo.
28 Sapagka't ang kaharian ay sa Panginoon: at siya ang puno sa mga bansa.
29 Lahat na matataba sa lupa ay magsisikain, at magsisisamba: silang lahat na nagsisibaba sa alabok ay magsisiyukod sa harap niya, sa makatuwid baga'y ang hindi makapagingat na buhay ng kaniyang kaluluwa.
30 Isang binhi ay maglilingkod sa kaniya, sasaysayin ang Panginoon sa susunod na salin ng lahi,
31 Sila'y magsisiparoon at mangaghahayag ng kaniyang katuwiran, sa bayan na ipanganganak ay ibabalita, yaong kaniyang ginawa.
Salmo 22
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Panawagan sa Dios para Tulungan
22 Dios ko! Dios ko! Bakit nʼyo ako pinabayaan?
Bakit kay layo nʼyo sa akin?
Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan.
2 Dios ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo,
ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
kaya wala akong kapahingahan.
3 Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono,
at pinupuri ng mga Israelita.
4 Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala,
at silaʼy inyong iniligtas.
5 Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo.
Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.
6 Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao.
7 Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar,
at iiling-iling na nagsasabi,
8 “Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
bakit hindi ka niya iniligtas?
Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?”
9 Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina,
at mula noong dumedede pa ako, iningatan nʼyo na ako.
10 Mula kapanganakan ko, nakadepende na ako sa inyo,
at mula noon, kayo lang ang aking Dios.
11 Kaya huwag nʼyo akong pababayaan,
dahil malapit nang dumating ang kaguluhan,
at wala na akong ibang maaasahan.
12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
na para bang mababangis na mga toro mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
at nakanganga na handa akong lapain.
14 Nawalan ako ng lakas na parang tubig na ibinubuhos,
at ang aking mga buto ay parang nalinsad[a] lahat.
At nawalan ako ng lakas ng loob, para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang tigang na lupa,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala.
O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa na parang isang patay.
16 Pinaligiran ako ng mga taong masama na parang mga aso.
At binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat ng aking mga buto,
ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.
19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
Kayo ang aking kalakasan;
magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.
23 Kayong may takot sa Panginoon,
purihin ninyo siya!
Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
parangalan ninyo siya
at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
Hindi niya sila tinatalikuran,
sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.
25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.
Footnotes
- 22:14 nalinsad: Ang ibig sabihin ay “dislocated” o nagsala ang buto.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
