Mateo 6:9-13
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
9 Manalangin nga kayo tulad nito:
'Ama naming nasa langit,
pakabanalin nawa ang iyong pangalan.
10 'Dumating nawa ang iyong kaharian,
matupad nawa ang iyong kalooban, dito sa lupa tulad ng sa langit.
11 Bigyan mo po kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.
12 Patawarin mo po kami sa aming mga pagkakautang,
kung paanong nagpatawad kami sa mga nagkakautang sa amin.
13 At huwag mo kaming pabayaan sa panahon ng pagsubok,
sa halip ay iligtas mo po kami mula sa masama.'[a]
Footnotes
- Mateo 6:13 Ang ibang manuskrito'y may ganito Sapagkat sa iyo ang kaharian, ang kapangyarihan, at kaluwalhatian magpakailanman.
Mateo 7:7-11
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Humingi, Humanap, Tumuktok(A)
7 “Hingin ninyo at ibibigay sa inyo. Hanapin ninyo at matatagpuan ninyo. Tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay makatatanggap; at ang bawat humahanap ay makatatagpo; at pagbubuksan ang bawat tumutuktok. 9 Sino ba sa inyo ang magbibigay ng bato kapag ang kanyang anak ay humihingi ng tinapay? 10 May magbibigay ba sa inyo ng ahas sa kanyang anak kapag humihingi siya sa inyo ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng magagandang regalo sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya!
Read full chapterAng Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.