Add parallel Print Page Options

Ang Balak Laban kay Jesus(A)

26 Matapos isalaysay ni Jesus ang lahat ng ito ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Gaya ng inyong nalalaman,(B) dalawang araw pa at sasapit na ang Paskuwa, at ipagkakanulo ang Anak ng Tao upang ipako sa krus.” Pagkatapos nito, ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan ay nagpulong sa palasyo ng Kataas-taasang Pari, na nagngangalang Caifas. At nagsabwatan silang palihim na dakpin at patayin si Jesus. Subalit kanilang sinabi, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga taong-bayan.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)

Samantalang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, lumapit (D) sa kanya ang isang babaing may dalang isang lalagyang alabastro na may lamang mamahaling pabango. Ibinuhos niya ito sa ulo ni Jesus, habang ito'y nakahilig sa may hapag. Ganoon na lamang ang pagkagalit ng mga alagad nang ito'y kanilang makita. Itinanong nila, “Para sa ano ang pag-aaksayang ito? Sapagkat maipagbibili sana ang pabangong ito sa malaking halaga, at maipamimigay sa mga dukha.” 10 Subalit alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit ginagambala ninyo ang babae? Isang magandang bagay ang ginawa niya sa akin. 11 Palagi (E) ninyong makakasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo palaging makakasama. 12 Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan ay inihahanda na niya ako sa paglilibing. 13 Tinitiyak ko sa inyo, saan man ipahayag ang Magandang Balitang ito sa buong sanlibutan, ang kanyang ginawa ay babanggitin din bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(F)

14 Pagkatapos nito, isa sa labindalawa na nagngangalang Judas Iscariote ang pumunta sa mga punong pari, 15 at (G) nagtanong, “Ano'ng ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?” At siya'y binayaran nila ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus.[a]

Ang Hapunang Pampaskuwa ni Jesus at ng Kanyang mga Alagad(H)

17 Nang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, at nagtanong, “Saan po ninyo nais na kami'y maghanda upang makakain kayo ng kordero ng Paskuwa?” 18 Sinabi niya, “Puntahan ninyo ang isang tao sa lungsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro: Malapit na ang oras ko. Sa iyong bahay ay gaganapin ko ang Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’ ” 19 Ginawa nga ng mga alagad ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus, at naghanda sila para sa Paskuwa. 20 Kinagabihan ay umupo siyang kasalo ng labindalawa. 21 Habang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Tinitiyak ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” 22 Labis nila itong ikinalungkot, at isa-isa silang nagsabi sa kanya, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?” 23 Sumagot (I) siya ng ganito, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nakasulat tungkol sa kanya, subalit kaysaklap ng sasapitin ng taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sanang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” 25 At si Judas na magkakanulo sa kanya ay sumagot at nagtanong, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Rabbi?” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi niyan.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 26:16 Sa Griyego, siya.