Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)

22 At muling nagsalita si Jesus sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay maihahalintulad dito: May isang haring naghanda ng isang malaking salu-salo para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Nagsugo siya ng kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa pagdiriwang ng kasalan; subalit ayaw dumalo ng mga inanyayahan. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin. Ibinilin sa kanila, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking piging. Ang aking mga baka at matatabang guya ay kinatay na at nakahanda na ang lahat. Halina kayo sa pagdiriwang para sa kasal.’ Ngunit hindi nila ito pinansin, sa halip ay umalis, ang isa'y pumunta sa kanyang bukirin, at ang isa nama'y sa kanyang pangangalakal. Bigla namang hinawakan ng iba ang mga alipin ng hari, ipinahiya ang mga ito at pinagpapatay. Ikinagalit ito ng hari, kaya't sinugo niya ang kanyang mga kawal, nilipol ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lungsod. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang piging ng kasal, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya pumunta kayo sa mga panulukan ng mga lansangan at kahit sinong makita ninyo ay anyayahan ninyo sa pagdiriwang ng kasal.’ 10 Lumabas nga ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat ng natagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang pinagdarausan ng kasalan.

11 “Subalit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, napansin niya roon ang isang taong hindi nakasuot ng damit pangkasalan. 12 At sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang taong iyon. 13 Kaya't (B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang kanyang mga paa't mga kamay, at ihagis ninyo siya sa labas, doon sa kadiliman. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’ 14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”

Ang Pagbabayad ng Buwis(C)

15 Pagkatapos nito'y umalis ang mga Fariseo at nagbalak kung paanong mabibitag si Jesus sa kanyang salita. 16 Sinugo nila sa kanya ang kanilang mga alagad, kasama ng mga kakampi ni Herodes. Kanilang sinabi, “Guro, alam naming ikaw ay totoo, at nagtuturo ka ng daan ng Diyos batay sa katotohanan at wala kang kinikilingang sinuman, sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo sa amin, ano sa palagay mo, sang-ayon ba sa batas na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” 18 Subalit alam ni Jesus ang kanilang masamang balak, kaya't sinabi niya, “Bakit inilalagay ninyo ako sa pagsubok? Kayong mga mapagkunwari! 19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.” At iniabot sa kanya ang isang denaryo. 20 Sila'y tinanong niya, “Kaninong larawan at pangalan ang nakasulat dito?” 21 Sinabi nila sa kanya, “Sa Emperador.” Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” 22 Nang marinig nila ito ay napahanga sila. Siya'y kanilang iniwan at sila'y umalis.

Read full chapter