Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)

22 At muling nagsalita si Jesus sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay maihahalintulad dito: May isang haring naghanda ng isang malaking salu-salo para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Nagsugo siya ng kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa pagdiriwang ng kasalan; subalit ayaw dumalo ng mga inanyayahan. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin. Ibinilin sa kanila, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking piging. Ang aking mga baka at matatabang guya ay kinatay na at nakahanda na ang lahat. Halina kayo sa pagdiriwang para sa kasal.’ Ngunit hindi nila ito pinansin, sa halip ay umalis, ang isa'y pumunta sa kanyang bukirin, at ang isa nama'y sa kanyang pangangalakal. Bigla namang hinawakan ng iba ang mga alipin ng hari, ipinahiya ang mga ito at pinagpapatay. Ikinagalit ito ng hari, kaya't sinugo niya ang kanyang mga kawal, nilipol ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lungsod. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang piging ng kasal, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya pumunta kayo sa mga panulukan ng mga lansangan at kahit sinong makita ninyo ay anyayahan ninyo sa pagdiriwang ng kasal.’ 10 Lumabas nga ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat ng natagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang pinagdarausan ng kasalan.

11 “Subalit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, napansin niya roon ang isang taong hindi nakasuot ng damit pangkasalan. 12 At sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang taong iyon. 13 Kaya't (B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang kanyang mga paa't mga kamay, at ihagis ninyo siya sa labas, doon sa kadiliman. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’ 14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”

Ang Pagbabayad ng Buwis(C)

15 Pagkatapos nito'y umalis ang mga Fariseo at nagbalak kung paanong mabibitag si Jesus sa kanyang salita. 16 Sinugo nila sa kanya ang kanilang mga alagad, kasama ng mga kakampi ni Herodes. Kanilang sinabi, “Guro, alam naming ikaw ay totoo, at nagtuturo ka ng daan ng Diyos batay sa katotohanan at wala kang kinikilingang sinuman, sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo sa amin, ano sa palagay mo, sang-ayon ba sa batas na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” 18 Subalit alam ni Jesus ang kanilang masamang balak, kaya't sinabi niya, “Bakit inilalagay ninyo ako sa pagsubok? Kayong mga mapagkunwari! 19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.” At iniabot sa kanya ang isang denaryo. 20 Sila'y tinanong niya, “Kaninong larawan at pangalan ang nakasulat dito?” 21 Sinabi nila sa kanya, “Sa Emperador.” Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” 22 Nang marinig nila ito ay napahanga sila. Siya'y kanilang iniwan at sila'y umalis.

Katanungan tungkol sa Muling Pagkabuhay(D)

23 Nang (E) araw ding iyon ay lumapit kay Jesus (F) ang mga Saduceo. Sa paniniwala nilang walang muling pagkabuhay, 24 sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang lalaking walang anak, dapat pakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang kanyang asawa, at magkaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.’ 25 ‘Mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. At dahil hindi siya nagkaroon ng anak ay naiwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. 27 At pagkamatay nilang lahat, namatay ang babae. 28 Sa muling pagkabuhay, sino kaya sa pito ang magiging asawa ng babae, gayong siya'y naging asawa nilang lahat?” 29 Sumagot si Jesus sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay, ang mga tao ay hindi na mag-aasawa o pag-aasawahin pa kundi sila'y magiging katulad ng mga anghel sa langit. 31 At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi pa ba ninyo nababasa ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, 32 ‘Ako (G) ang Diyos ni Abraham, at ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.” 33 Nang marinig ito ng maraming tao, sila'y namangha sa kanyang itinuturo.

Ang Dakilang Utos(H)

34 Subalit nang mabalitaan ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, sila'y nagpulong. 35 At isa sa kanila, na isang dalubhasa sa Kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin. 36 “Guro, alin po ba ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” 37 At (I) sinabi niya sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. 38 Ito ang dakila at pangunahing utos. 39 At katulad nito (J) ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ 40 Nakabatay sa (K) dalawang utos na ito ang buong Kautusan at ang mga propeta.”

Nagtanong si Jesus tungkol sa Anak ni David(L)

41 Habang nagkakatipon ang ilang mga Fariseo ay nagtanong sa kanila si Jesus. 42 Sabi niya, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kanino ba siyang anak?” Sumagot sila, “Kay David.” 43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit noong si David ay nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,

44 ‘Sinabi (M) ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway” ’?

45 Kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siya magiging anak nito?” 46 Walang nakasagot sa kanya ni isa mang salita, at mula nang araw na iyon ay wala na ring nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman.