Add parallel Print Page Options

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)

19 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, nilisan niya ang Galilea at pumunta sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan. Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at doon, sila'y kanyang pinagaling. May mga Fariseong lumapit sa kanya at upang subukin siya, sila'y nagtanong, “Naaayon ba sa batas na paalisin ng isang tao ang kanyang asawa at hiwalayan ito sa anumang kadahilanan?” Sumagot (B) siya, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila noong pasimula ay ‘lumikha sa kanilang lalaki at babae,’ at (C) sinabi rin, ‘Kaya nga iiwan ng isang tao ang kanyang ama at ina at ibubuklod sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isang laman’? Sa gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Kaya't ang pinagbuklod na ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao.” Nagtanong (D) sila sa kanya, “Kung gayon, bakit ipinag-utos sa amin ni Moises na magbigay ng kasulatan ng pagpapaalis at hiwalayan ang babae?” Sumagot siya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan kayo ni Moises na hiwalayan ang inyong mga asawang babae; subalit noong pasimula ay hindi ganoon. Sinasabi (E) ko sa inyo: sinumang magpaalis at makipaghiwalay sa kanyang asawa, liban na lamang kung pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya. At sinumang nakipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.”[a] 10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng isang taong may asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.” 11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi ito kayang tanggapin ng lahat maliban sa kanila na pinagkalooban nito. 12 Sapagkat may mga taong hindi makapag-asawa[b] dahil sa kanilang kapansanan buhat pa nang sila'y isilang. May mga tao namang hindi makapag-asawa dahil sa kagagawan ng ibang tao. At may mga taong nagpasyang hindi na mag-asawa alang-alang sa kaharian ng langit. Ang may kayang tumanggap nito ay hayaang tumanggap nito.”

Ang Pagbasbas ni Jesus sa Maliliit na Bata(F)

13 Pagkatapos nito ay inilapit sa kanya ang maliliit na bata, upang kanyang ipatong sa kanila ang mga kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga taong nagdala ng mga bata. 14 Subalit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila nakalaan ang kaharian ng langit.” 15 Pagkatapos niyang ipatong sa kanila ang kanyang mga kamay ay umalis na siya roon.

Ang Kabataang Mayaman(G)

16 May isang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po bang mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Subalit kung nais mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.” 18 Sumagot (H) ito sa kanya, “Alin po sa mga iyon?” Sinabi ni Jesus, “Huwag kang papaslang; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; 19 Igalang (I) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Nasunod ko po ang lahat ng ito;[c] ano pa kaya ang kulang sa akin?” 21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung nais mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod sa akin.” 22 Subalit nang marinig ng kabataang lalaki ang salitang ito, umalis siyang napakalungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian. 23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tinitiyak ko sa inyo, napakahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit. 24 At inuulit ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom, kaysa pumasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng Diyos.” 25 Labis na nagtataka ang mga alagad nang marinig nila ito, kaya't sila'y nagtanong, “Sino, kung gayon, ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng mga tao, ngunit ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 27 Sumagot si Pedro sa kanya, “Tingnan ninyo, tinalikuran namin ang lahat upang sumunod sa inyo. Ano naman po ang makukuha namin?” 28 Sumagot (J) si Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, sa panahon ng pagpapanibago ng lahat ng bagay, sa pag-upo ng Anak ng Tao sa trono ng kanyang kaluwalhatian, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono bilang mga hukom sa labindalawang lipi ng Israel. 29 At sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, ng ama, o ina, ng mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng makaisandaang ulit ng mga bagay na ito at magkakamit ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit (K) maraming mga nauna ang máhuhulí, at mga náhulí ang mauuna.

Ang mga Manggagawa sa Ubasan

20 “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang taong may-ari ng lupain, isang umaga, maaga siyang lumabas upang kumuha ng mauupahang mga manggagawa para sa kanyang ubasan. Pagkatapos silang magkasundo ng mga manggagawa sa halagang isang denaryo sa isang araw, pinapunta niya ang mga ito sa kanyang ubasan. At paglabas niya nang mag-iikasiyam ng umaga,[d] nakakita siya sa pamilihan ng ibang taong nakatayo lamang at walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at ibibigay ko sa inyo kung anuman ang nararapat.’ At pumunta nga sila. Sa paglabas niyang muli nang magtatanghaling-tapat na[e] at nang ikatlo ng hapon,[f] ay ganoon din ang ginawa niya. At nang malapit na ang ikalima ng hapon,[g] muli siyang lumabas at nakakita ng iba pang nakatayo. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo rito at walang ginagawa?’ ‘Wala po kasing umuupa sa amin,’ sagot nila. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’ (L) Papalubog na ang araw, nang sabihin ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at ibigay mo sa kanila ang sahod nila, buhat sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’ Nang lumapit ang mga nagsimulang magtrabaho nang mag-iikalima ng hapon, ang bawat isa sa kanila'y tumanggap ng isang denaryo. 10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y mas malaki ang kanilang matatanggap; ngunit tumanggap din silang lahat ng tig-iisang denaryo. 11 Pagkatapos nilang tanggapin ito ay nagreklamo sila sa may-ari ng lupain. 12 Sinabi nila, ‘Silang huling dumating ay isang oras lamang nagtrabaho, ngunit ang ibinayad mo sa kanila ay pareho lang ng sa amin na maghapong nagtiis ng hirap at matinding init.’ 13 Ngunit sumagot siya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginagawang masama sa iyo. Di ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14 Kunin mo ang nauukol sa iyo at umalis ka na. Napagpasyahan kong ibigay sa huling manggagawa ang katulad ng ibinigay ko sa iyo. 15 Wala ba akong karapatang gawin ang naisin ko sa sarili kong lupain? O minamasama mo ba ang aking kabutihang-loob?’ 16 Kaya nga (M) ang hulí ay mauuna, at ang una ay máhuhulí.”[h]

Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(N)

17 Habang umaakyat si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila, 18 “Tandaan ninyo, umaahon tayo patungong Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. At siya'y hahatulan nila ng kamatayan. 19 At siya'y ipauubaya nila sa mga Hentil upang hamakin, hagupitin, at ipako sa krus. Ngunit sa ikatlong araw, siya'y muling bubuhayin.”

Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(O)

20 Pagkatapos nito, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus at may hiniling sa kanya. 21 Tanong ni Jesus sa kanya, “Ano ang nais mo?” Sagot ng babae, “Sabihin po ninyong itong dalawa kong anak na lalaki ay uupo sa inyong kaharian, ang isa sa inyong kanan, at ang isa naman ay sa kaliwa.” 22 Subalit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nauunawaan ang inyong hinihiling. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman?” Sagot nila, “Kaya po namin.” 23 Sinabi niya sa kanila, “Iinuman nga ninyo ang aking kopa, ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay. Ito ay para sa kanila na pinaglaanan ng aking Ama.” 24 Nang ito'y marinig ng sampu pang alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Subalit (P) tinawag sila ni Jesus at sa kanila'y sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahangad na sila'y paglingkuran bilang mga panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga taong nasa katungkulan ay nagsasamantala sa kanila gamit ang kapangyarihan. 26 Hindi (Q) ganyan ang dapat mangyari sa inyo. Kundi ang sinuman sa inyo na naghahangad na maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At sinuman sa inyo na naghahangad na maging pangunahin ay dapat maging alipin ninyo, 28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ialay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

Pinagaling ang Dalawang Bulag(R)

29 Habang sila'y lumalabas sa Jerico ay sumunod sa kanya ang napakaraming tao. 30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabing-daan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Maawa po kayo sa amin, Panginoon Anak ni David!” 31 Ngunit pinagsabihan sila ng mga tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw sa pagsasabi, “Mahabag po kayo sa amin, Panginoon, Anak ni David!” 32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Ano'ng nais ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, buksan po ninyo ang aming mga mata.” 34 Nahabag sa kanila si Jesus at hinipo ang kanilang mga mata. Kaagad silang nakakitang muli, at pagkatapos, sumunod sila sa kanya.

Matagumpay na Pumasok si Jesus sa Jerusalem(S)

21 Nang malapit na sila sa Jerusalem at nakarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, si Jesus ay nagsugo ng dalawang alagad. Sinasabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon, at kaagad kayong makakakita ng isang inahing asno na nakatali at may kasamang isang bisiro. Kalagan ninyo at dalhin dito sa akin. Kung may magsasabi sa inyo ng anuman, sabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala ang mga iyon.” Nangyari ito upang matupad ang pinahayag sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,

“Sabihin (T) ninyo sa anak na babae ng Zion,
    Pagmasdan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo,
mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno,
    at sa bisiro ng isang inahing asno.”

Pumunta nga ang mga alagad at ginawa kung ano ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus. Dinala nila ang inahing asno at ang bisiro at isinapin nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal. At doon ay naupo siya. Karamihan sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga sa mga puno at ikinalat ang mga ito sa daan. At (U) ang napakaraming taong nauuna sa kanya pati ang mga sumusunod sa kanya ay nagsigawan, na sinasabi, “Hosanna sa Anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosanna sa kataas-taasan!” 10 Pagpasok niya sa Jerusalem ay nagkagulo sa buong lungsod. “Sino ba ang taong ito?” tanong ng mga tao. 11 Sinabi ng marami, “Siya ang propetang si Jesus, na taga-Nazareth ng Galilea.”

Nilinis ni Jesus ang Templo(V)

12 Pumasok si Jesus sa templo,[i] at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo. Pinagbabaligtad niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. 13 Sinabi (W) niya sa kanila, “Nasusulat,

‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan,’
    ngunit ginagawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”

14 Lumapit sa kanya sa templo ang mga bulag at ang mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. 15 Subalit nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga kamangha-manghang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo, nagsasabing, “Hosanna sa Anak ni David.” 16 At (X) sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Oo. Hindi pa ba ninyo nababasa,

    ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga musmos,
    naghanda ka para sa iyong sarili ng papuring lubos?’ ”

17 Pagkatapos niyang iwan sila, lumabas siya sa lungsod papuntang Betania, at doon ay nagpalipas ng gabi.

Sinumpa ang Puno ng Igos(Y)

18 Nang kinaumagahan, habang pabalik siya sa lungsod ay nagutom siya. 19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang natagpuang kahit ano roon, kundi mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Hindi ka na muling mamumunga kahit kailan!” At biglang natuyo ang puno ng igos. 20 Nang ito'y makita ng mga alagad, nagtaka sila at nagtanong, “Paano nangyaring biglang natuyo ang puno ng igos?” 21 Sumagot (Z) si Jesus at sinabi sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at walang pag-aalinlangan, hindi lamang ang nagawa sa puno ng igos ang inyong magagawa, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka diyan at itapon mo ang sarili sa dagat,’ ito ay mangyayari. 22 At anumang hingin ninyo sa panalangin, kung may kalakip na pananampalataya, ay inyong tatanggapin.”

Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(AA)

23 Pagpasok ni Jesus sa templo ay lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan. Habang siya'y nagtuturo ay nagtanong sila, “Ano'ng awtoridad mo at ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?” 24 Sumagot si Jesus sa kanila, “Mayroon din akong katanungan sa inyo, at kung sasagutin ninyo ay sasabihin ko sa inyo kung ano ang awtoridad ko sa paggawa ng mga bagay na ito. 25 Saan ba nagmula ang bautismo ni Juan? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At ito'y pinagtalunan nila, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ 26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ takot naman tayo sa maraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang aking awtoridad sa paggawa ko ng mga bagay na ito.

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 “Ano sa palagay ninyo? May isang taong may dalawang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’ 29 Subalit siya'y sumagot at nagsabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin. 30 Lumapit din siya sa pangalawa, at gayundin ang sinabi. ‘Pupunta po ako’, ang sabi nito, ngunit hindi naman pumunta. 31 Alin sa dalawa ang sumunod sa kagustuhan ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang masasamang babae ay nauuna pa sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat (AB) dumating sa inyo si Juan upang ipakita ang daan ng katuwiran, gayunma'y hindi kayo naniwala sa kanya; subalit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang masasamang babae. At kahit nakita ninyo ito ay hindi pa rin kayo nagbago ng pag-iisip at naniwala sa kanya.

Ang Talinghaga ng Ubasan at mga Katiwala(AC)

33 “Dinggin (AD) ninyo ang isa pang talinghaga: May isang taong pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng ubas sa kanyang bukirin, at binakuran niya ang palibot nito. Naglagay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan. 34 Nang malapit na ang panahon ng pamimitas ng bunga, pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kumuha ng mga bunga para sa kanya. 35 Subalit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin. Binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa. 36 Muli siyang nagpadala ng iba pang mga alipin na mas marami pa sa nauna; subalit ganoon din ang ginawa nila sa kanila. 37 Sa kahuli-hulihan ay pinapunta niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki. Wika niya, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 38 Subalit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya nang makuha natin ang kanyang mana.’ 39 Kaya't siya'y kinuha nila, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay. 40 Kaya't pagdating ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang kanyang gagawin sa mga magsasakang iyon?” 41 Sinabi nila sa kanya, “Papatayin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakila-kilabot na paraan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa mga takdang panahon.” 42 Sinabi (AE) ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa mga kasulatan,

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong panulukan;
Ito'y gawa ng Panginoon,
    at kahanga-hangang pagmasdan’?

43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng mga bunga nito.’ 44 [Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”[j]

45 Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, naunawaan nilang tungkol sa kanila ang kanyang mga sinasabi. 46 At nang balak na sana nilang dakpin si Jesus, natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala nila na siya'y isang propeta.

Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(AF)

22 At muling nagsalita si Jesus sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay maihahalintulad dito: May isang haring naghanda ng isang malaking salu-salo para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Nagsugo siya ng kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa pagdiriwang ng kasalan; subalit ayaw dumalo ng mga inanyayahan. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin. Ibinilin sa kanila, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking piging. Ang aking mga baka at matatabang guya ay kinatay na at nakahanda na ang lahat. Halina kayo sa pagdiriwang para sa kasal.’ Ngunit hindi nila ito pinansin, sa halip ay umalis, ang isa'y pumunta sa kanyang bukirin, at ang isa nama'y sa kanyang pangangalakal. Bigla namang hinawakan ng iba ang mga alipin ng hari, ipinahiya ang mga ito at pinagpapatay. Ikinagalit ito ng hari, kaya't sinugo niya ang kanyang mga kawal, nilipol ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lungsod. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang piging ng kasal, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya pumunta kayo sa mga panulukan ng mga lansangan at kahit sinong makita ninyo ay anyayahan ninyo sa pagdiriwang ng kasal.’ 10 Lumabas nga ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat ng natagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang pinagdarausan ng kasalan.

11 “Subalit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, napansin niya roon ang isang taong hindi nakasuot ng damit pangkasalan. 12 At sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang taong iyon. 13 Kaya't (AG) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang kanyang mga paa't mga kamay, at ihagis ninyo siya sa labas, doon sa kadiliman. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’ 14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”

Ang Pagbabayad ng Buwis(AH)

15 Pagkatapos nito'y umalis ang mga Fariseo at nagbalak kung paanong mabibitag si Jesus sa kanyang salita. 16 Sinugo nila sa kanya ang kanilang mga alagad, kasama ng mga kakampi ni Herodes. Kanilang sinabi, “Guro, alam naming ikaw ay totoo, at nagtuturo ka ng daan ng Diyos batay sa katotohanan at wala kang kinikilingang sinuman, sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo sa amin, ano sa palagay mo, sang-ayon ba sa batas na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” 18 Subalit alam ni Jesus ang kanilang masamang balak, kaya't sinabi niya, “Bakit inilalagay ninyo ako sa pagsubok? Kayong mga mapagkunwari! 19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.” At iniabot sa kanya ang isang denaryo. 20 Sila'y tinanong niya, “Kaninong larawan at pangalan ang nakasulat dito?” 21 Sinabi nila sa kanya, “Sa Emperador.” Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” 22 Nang marinig nila ito ay napahanga sila. Siya'y kanilang iniwan at sila'y umalis.

Katanungan tungkol sa Muling Pagkabuhay(AI)

23 Nang (AJ) araw ding iyon ay lumapit kay Jesus (AK) ang mga Saduceo. Sa paniniwala nilang walang muling pagkabuhay, 24 sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang lalaking walang anak, dapat pakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang kanyang asawa, at magkaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.’ 25 ‘Mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. At dahil hindi siya nagkaroon ng anak ay naiwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. 27 At pagkamatay nilang lahat, namatay ang babae. 28 Sa muling pagkabuhay, sino kaya sa pito ang magiging asawa ng babae, gayong siya'y naging asawa nilang lahat?” 29 Sumagot si Jesus sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay, ang mga tao ay hindi na mag-aasawa o pag-aasawahin pa kundi sila'y magiging katulad ng mga anghel sa langit. 31 At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi pa ba ninyo nababasa ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, 32 ‘Ako (AL) ang Diyos ni Abraham, at ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.” 33 Nang marinig ito ng maraming tao, sila'y namangha sa kanyang itinuturo.

Ang Dakilang Utos(AM)

34 Subalit nang mabalitaan ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, sila'y nagpulong. 35 At isa sa kanila, na isang dalubhasa sa Kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin. 36 “Guro, alin po ba ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” 37 At (AN) sinabi niya sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. 38 Ito ang dakila at pangunahing utos. 39 At katulad nito (AO) ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ 40 Nakabatay sa (AP) dalawang utos na ito ang buong Kautusan at ang mga propeta.”

Nagtanong si Jesus tungkol sa Anak ni David(AQ)

41 Habang nagkakatipon ang ilang mga Fariseo ay nagtanong sa kanila si Jesus. 42 Sabi niya, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kanino ba siyang anak?” Sumagot sila, “Kay David.” 43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit noong si David ay nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,

44 ‘Sinabi (AR) ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway” ’?

45 Kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siya magiging anak nito?” 46 Walang nakasagot sa kanya ni isa mang salita, at mula nang araw na iyon ay wala na ring nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman.

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo(AS)

23 Pagkatapos nito ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad. Wika niya, “Nakaupo sa upuan ni Moises ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Fariseo. Kaya't inyong isagawa at sundin ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa, sapagkat iba ang kanilang ginagawa sa kanilang sinasabi. Nagtatali sila ng mabibigat na dalahin [at mahirap pasanin,][k] at ipinabubuhat nila sa mga tao; ngunit sila mismo ay ayaw man lamang humipo sa mga ito. Ang lahat ng kanilang ginagawa ay upang ipakita lamang sa mga tao.(AT) Pinapalapad nila ang kanilang mga pilakteria,[l] at pinahahaba ang laylayan ng kanilang mga damit. Mahilig silang umupo sa mga upuang-pandangal sa mga piging at sa mga pangunahing upuan sa sinagoga. Nais nilang pagpugayan sila ng mga tao sa pamilihan at tawagin silang ‘Rabbi’. Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ninyo ang sinuman sa lupa; sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na tagapanguna, sapagkat iisa ang inyong tagapanguna, ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.(AU) 12 Ang nagtataas sa sarili (AV) ay ibababa, at ang nagbababa sa sarili ay itataas.

13 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat isinasara ninyo ang kaharian ng langit sa harap ng mga tao; palibhasa, kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga nagnanais pumasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok. 14 [Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at idinadahilan pa ninyo ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa.][m] 15 Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang makahikayat ng kahit isa, at kapag nahikayat na siya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno na doble pang masahol kaysa inyong mga sarili.

16 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga bulag na tagaakay. Sinasabi ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng templo, ay wala iyong kabuluhan. Subalit kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng gintong nasa templo, siya ay mananagot.’ 17 Mga hangal at mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpabanal sa ginto? 18 At sinasabi pa ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa pamamagitan ng dambana, wala iyong kabuluhan; subalit kung sinuma'y manumpa sa pamamagitan ng alay na nasa ibabaw ng dambana, siya ay mananagot.’ 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang alay o ang dambana na nagpabanal sa alay? 20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw niyon. 21 At ang nanunumpa sa ngalan ng templo ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa kanya na naninirahan doon. 22 Ang (AW) nanunumpa sa ngalan ng langit ay nanunumpa sa harapan ng trono ng Diyos at sa kanyang nakaupo roon.

23 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (AX) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng inyong mga gulayin gaya ng yerbabuena, ng anis at ng komino, subalit kinakaligtaan ninyo ang mas mahahalagang bagay ng Kautusan tulad ng katarungan, kahabagan, at katapatan. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, nang hindi pinababayaan ang iba. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang niknik, nilulunok naman ninyo ang kamelyo!

25 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punung-puno ang mga ito ng katakawan at kalayawan. 26 Bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[n] at magiging malinis din ang labas nito.

27 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (AY) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga bangkay at ng sari-saring kabulukan. 28 At ganyan din kayo! Sa labas ay parang mga banal kung pagmasdan, ngunit sa loob ay punung-puno kayo ng pagkukunwari at kabuktutan.

29 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Ipinagtatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta, at pinagaganda ang mga bantayog ng mga matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung nabuhay kami noong panahon ng aming mga ninuno, hindi kami sasali sa kanila sa pagpapadanak ng dugo ng mga propeta.’ 31 Kaya't kayo na rin ang nagpapatotoo laban sa inyong mga sarili, na kayo'y kalahi ng mga pumaslang sa mga propeta. 32 Punuin na ninyo ang salop ng inyong mga ninuno. 33 Mga (AZ) ahas! Mga anak ng mga ulupong! Paano ninyo matatakasan ang parusa sa impiyerno?[o] 34 Tandaan ninyo, dahil dito'y nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng matatalino, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus. Ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at tutugisin sa bayan-bayan. 35 Sa gayong paraan (BA) ay mabubuntong lahat sa inyo ang walang salang dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa, mula sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias, anak ni Baraquias, na inyong pinaslang sa pagitan ng dakong banal at ng dambana. 36 Tinitiyak ko sa inyo, ang lahat ng mga ito ay sasapit sa salinlahing ito.

Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem(BB)

37 “Jerusalem, Jerusalem! Ang lungsod na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Ilang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo! 38 Tingnan (BC) ninyo, sa inyo'y iniiwang giba ang inyong bahay. 39 At (BD) sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita hanggang sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(BE)

24 Si Jesus ay lumabas sa templo at paalis na nang lapitan siya ng kanyang mga alagad upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo. Sumagot siya sa kanila, “Hindi ba't nakikita ninyo ang lahat ng mga ito? Tinitiyak ko sa inyo, wala ritong maiiwan kahit isang bato na nasa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ng mga ito'y pawang ibabagsak.”

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(BF)

Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, nilapitan siya nang sarilinan ng kanyang mga alagad. Sinabi nila, “Sabihin mo po sa amin, kailan magaganap ang mga bagay na ito at ano ang palatandaan ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong palilinlang kaninuman. Sapagkat maraming darating na gagamit ng aking pangalan, na magsasabing sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. At makaririnig kayo ng mga digmaan at ng usap-usapan ng mga digmaan. Mag-ingat kayo at huwag kayong mabahala, sapagkat kailangang mangyari ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Lulusob ang mga bansa laban sa ibang bansa, at magdidigmaan ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa iba't ibang dako. Subalit ang lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng paghihirap na katulad ng sa panganganak.

“Pagkatapos (BG) ay dadakpin kayo upang pahirapan at kayo'y papatayin. Kayo'y kamumuhian ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Maraming tatalikod sa pananampalataya, magkakanulo sa isa't isa at mapopoot sa isa't isa. 11 Maglilitawan ang maraming huwad na propeta at lilinlangin nila ang marami. 12 Dahil sa paglaganap ng kasamaan, marami ang manlalamig sa kanilang pag-ibig. 13 Ngunit (BH) ang matirang matibay hanggang wakas ay maliligtas. 14 At ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating ang wakas.

Ang Matinding Paghihirap(BI)

15 “Kaya, (BJ) kapag nakita ninyong nakatayo sa banal na dako ang kasuklam-suklam na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel,—unawain ng bumabasa—, 16 ang mga nasa Judea ay tumakas na at pumunta sa mga bundok. 17 Huwag nang bumaba ang (BK) nasa ibabaw ng bahay upang kumuha ng anuman sa loob ng kanyang bahay. 18 At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal. 19 Ngunit kay saklap para sa mga buntis at mga nagpapasuso ang mga araw na iyon! 20 Kaya't ipanalangin ninyo na ang pagtakas ninyo ay hindi matapat sa taglamig o sa araw ng Sabbath. 21 Sapagkat (BL) sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding kapighatiang hindi pa nangyari mula sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na kailanman mangyayari pa. 22 At malibang paiikliin ang mga araw na iyon, ang lahat ng laman ay mapapahamak. Ngunit alang-alang sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon. 23 At kapag may nagsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 24 Sapagkat may magsisilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta, at magpapakita ng mga kahanga-hangang himala at mga kababalaghan, na dahil dito'y maililihis, kung maaari, pati ang mga pinili. 25 Tandaan ninyo, sinabi ko na sa inyo bago pa man ito mangyari. 26 Kaya, (BM) kapag sinabi nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroon siya sa ilang,’ huwag kayong lumabas. Kung sabihin nila, ‘Tingnan ninyo, nasa loob siya ng mga silid,’ huwag kayong maniwala. 27 Sapagkat kung paano dumarating ang kidlat mula sa silangan at gumuguhit hanggang sa kanluran, sa gayunding paraan ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Kung (BN) nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.[p]

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(BO)

29 “At (BP) kasunod agad ng kapighatian sa mga araw na iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig. 30 Pagkatapos (BQ) ay lilitaw sa langit ang palatandaan ng Anak ng Tao, at magluluksa ang lahat ng mga lipi sa lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap sa himpapawid, taglay ang kapangyarihan at maringal na kaluwalhatian. 31 At isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na hudyat ng trumpeta. Titipunin nila ang kanyang mga pinili mula sa apat na ihip ng hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabila.

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(BR)

32 “Ngayon ay matuto kayo ng aral mula sa puno ng igos: kapag malambot na ang sanga nito at sumisibol na ang mga dahon, nalalaman ninyong malapit na ang tag-init. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga pangyayaring ito, alam ninyong ito[q] ay malapit na, nasa may pintuan na. 34 Tinitiyak ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang hindi nagaganap ang lahat ng mga ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit hindi kailanman lilipas ang aking mga salita.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(BS)

36 “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, (BT) maliban sa Ama. 37 Kung paano noong kapanahunan ni Noe, gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 38 Sapagkat kung paano noong mga araw na iyon bago dumating ang baha, ang mga tao'y kumakain at umiinom, nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. 39 At (BU) wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat. Gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon ay may dalawang taong pupunta sa bukid, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 41 May dalawang babaing gumigiling ng butil sa gilingan. Kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 42 Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw[r] darating ang inyong Panginoon. 43 (BV) Unawain ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang malooban ang kanyang bahay. 44 Dahil dito'y maging handa rin kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo aakalain.

Ang Tapat at ang Di-tapat na Alipin(BW)

45 “Sino nga ba ang mapagkakatiwalaan at matalinong alipin? Hindi ba't siya na pinagbilinan ng kanyang panginoon na mamahala sa kanyang sambahayan, upang mamahagi sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? 46 Pinagpala ang alipin na sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siyang ganoon nga ang ginagawa. 47 Tinitiyak ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 48 Subalit kung masama ang aliping iyon at magsabi sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang aking panginoon,’ 49 magsisimula siyang manakit ng mga kapwa niya alipin. At makisalo at makipag-inuman pa sa mga lasenggo. 50 Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya akalain at sa oras na hindi niya nalalaman. 51 Siya'y pagpuputul-putulin ng kanyang panginoon at ilalagay sa lugar ng mga mapagpanggap, at doo'y magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga

25 “Ang (BX) kaharian ng langit ay maihahalintulad sa sampung dalaga na kumuha ng kani-kanilang ilawan at lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Lima sa kanila'y mga hangal at ang lima'y matatalino. Ang mga hangal ay kumuha ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagdala ng langis. Subalit ang matatalino ay nagbaon ng langis sa mga lalagyan, kasama ng kanilang mga ilawan. Habang natatagalan pa ang pagdating ng lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo at salubungin siya.’ Ang lahat ng mga dalagang iyon ay nagsibangon at inihanda ang kanilang mga ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Pahingi naman ng langis ninyo, namamatay na kasi ang aming mga ilawan.’ Ngunit ganito ang sagot ng mga matalinong babae, ‘Malamang na hindi maging sapat ito para sa amin at sa inyo. Pumunta na lang kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.’ 10 Habang sila'y pumupunta upang bumili, siya namang pagdating ng lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay kasama niyang pumasok sa pagdiriwang ng kasalan, at pagkatapos ay isinara ang pintuan. 11 Di nagtagal (BY) ay dumating naman ang ibang mga dalaga. ‘Panginoon, panginoon! Pagbuksan mo po kami,’ pakiusap nila. 12 Ngunit ito ang tugon niya: ‘Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo kilala.’ 13 Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras man.

Ang Talinghaga tungkol sa mga Talento(BZ)

14 “Sapagkat (CA) maihahalintulad dito ang kaharian ng Diyos: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin, at pinagbilinan sila tungkol sa kanyang mga ari-arian. 15 Ang isa ay binigyan niya ng limang talento,[s] ang isa ay dalawa, at ang isa naman ay isa. Binigyan ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan. Pagkatapos ay sumulong na siya. 16 Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ginamit ang mga iyon sa kalakal. At kumita siya ng lima pang talento. 17 Sa gayunding paraan, ang tumanggap ng dalawang talento ay kumita pa ng dalawa. 18 Ngunit ang tumanggap ng isa ay umalis. Naghukay siya sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon. 19 Pagkaraan ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at kanyang inalam kung ano na ang nangyari sa kanyang salapi. 20 Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagsulit ng lima pang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, pinagkatiwalaan mo ako ng limang talento. Narito po, kumita ako ng lima pang talento.’ 21 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Maganda ang ginawa mo! Mahusay at maaasahang alipin. Napagkatiwalaan ka sa kaunting bagay, kaya't pamamahalain kita sa maraming bagay. Makigalak ka sa iyong panginoon.’ 22 Lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, pinagkatiwalaan mo ako ng dalawang talento. Narito po, kumita ako ng dalawa pang talento.’ 23 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Maganda ang ginawa mo! Mahusay at maaasahang alipin! Napagkatiwalaan ka sa kaunting bagay, kaya't pamamahalain kita sa maraming bagay. Makigalak ka sa iyong panginoon.’ 24 Lumapit din ang tumanggap ng isang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, alam ko pong kayo ay taong malupit. Gumagapas kayo sa hindi naman ninyo hinasikan, at umaani kayo sa hindi naman ninyo pinunlaan. 25 Kaya natakot ako at umalis. Ibinaon ko sa lupa ang inyong talento. Narito na po ang salapi ninyo.’ 26 Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mo, tamad na alipin! Alam mo palang ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at umaani sa hindi ko pinunlaan. 27 Kung gayo'y bakit hindi mo inilagak ang aking salapi sa bangko, at nang sa aking pagbabalik ay matanggap ko sana kung ano ang akin kasama na ang tubo nito. 28 Kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa may sampung talento! 29 Sapagkat (CB) ang sinumang mayroon ay bibigyan pa at siya'y mananagana, subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin pa. 30 At (CC) ang walang silbing alipin na ito ay itapon ninyo sa labas, doon sa kadiliman. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’

Ang Paghuhukom sa mga Bansa

31 “Pagdating (CD) ng Anak ng Tao taglay ang kanyang kaluwalhatian, kasama ang lahat ng kanyang mga anghel, siya'y luluklok sa kanyang maluwalhating trono. 32 Sa kanyang harapan ay titipunin ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, ngunit ang mga kambing naman ay sa kaliwa. 34 Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo! mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang itatag ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y nagutom at ako'y inyong pinakain. Ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom. Ako'y naging isang dayuhan, at ako'y inyong pinatuloy. 36 Ako'y naging hubad at ako'y inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.’ 37 Pagkatapos ay itatanong sa kanya ng mga matuwid, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at ika'y pinakain, o kaya'y uhaw, at aming pinainom? 38 Kailan ka namin nakitang isang dayuhan at pinatuloy ka, o kaya'y hubad, at dinamitan ka? 39 At kailan ka namin nakitang maysakit, o nakabilanggo at dinalaw ka namin?’ 40 At sasagot sa kanila ang Hari ng ganito: ‘Tinitiyak ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’ 41 Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Magsilayas kayo, mga sinumpa! Doon kayo sa walang hanggang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga anghel. 42 Sapagkat ako'y nagutom, at ako'y hindi ninyo pinakain. Ako'y nauhaw, at ako'y hindi ninyo pinainom. 43 Ako'y naging dayuhan, at ako'y hindi ninyo pinatuloy. Hubad, ngunit ako'y hindi ninyo dinamitan; maysakit at nakabilanggo, ngunit hindi ninyo dinalaw.’ 44 Pagkatapos ay magtatanong din sila, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang dayuhan, hubad, maysakit, o nasa bilangguan, at hindi kami naglingkod sa iyo?’ 45 At siya'y sasagot sa kanila ng ganito, ‘Tinitiyak ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakahamak na ito, ay hindi nga ninyo ito ginawa sa akin.’ 46 At (CE) ang mga ito'y magsisialis patungo sa parusang walang hanggan, subalit ang mga matutuwid ay patungo sa buhay na walang hanggan.”

Ang Balak Laban kay Jesus(CF)

26 Matapos isalaysay ni Jesus ang lahat ng ito ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Gaya ng inyong nalalaman,(CG) dalawang araw pa at sasapit na ang Paskuwa, at ipagkakanulo ang Anak ng Tao upang ipako sa krus.” Pagkatapos nito, ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan ay nagpulong sa palasyo ng Kataas-taasang Pari, na nagngangalang Caifas. At nagsabwatan silang palihim na dakpin at patayin si Jesus. Subalit kanilang sinabi, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga taong-bayan.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(CH)

Samantalang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, lumapit (CI) sa kanya ang isang babaing may dalang isang lalagyang alabastro na may lamang mamahaling pabango. Ibinuhos niya ito sa ulo ni Jesus, habang ito'y nakahilig sa may hapag. Ganoon na lamang ang pagkagalit ng mga alagad nang ito'y kanilang makita. Itinanong nila, “Para sa ano ang pag-aaksayang ito? Sapagkat maipagbibili sana ang pabangong ito sa malaking halaga, at maipamimigay sa mga dukha.” 10 Subalit alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit ginagambala ninyo ang babae? Isang magandang bagay ang ginawa niya sa akin. 11 Palagi (CJ) ninyong makakasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo palaging makakasama. 12 Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan ay inihahanda na niya ako sa paglilibing. 13 Tinitiyak ko sa inyo, saan man ipahayag ang Magandang Balitang ito sa buong sanlibutan, ang kanyang ginawa ay babanggitin din bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(CK)

14 Pagkatapos nito, isa sa labindalawa na nagngangalang Judas Iscariote ang pumunta sa mga punong pari, 15 at (CL) nagtanong, “Ano'ng ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?” At siya'y binayaran nila ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus.[t]

Ang Hapunang Pampaskuwa ni Jesus at ng Kanyang mga Alagad(CM)

17 Nang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, at nagtanong, “Saan po ninyo nais na kami'y maghanda upang makakain kayo ng kordero ng Paskuwa?” 18 Sinabi niya, “Puntahan ninyo ang isang tao sa lungsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro: Malapit na ang oras ko. Sa iyong bahay ay gaganapin ko ang Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’ ” 19 Ginawa nga ng mga alagad ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus, at naghanda sila para sa Paskuwa. 20 Kinagabihan ay umupo siyang kasalo ng labindalawa. 21 Habang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Tinitiyak ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” 22 Labis nila itong ikinalungkot, at isa-isa silang nagsabi sa kanya, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?” 23 Sumagot (CN) siya ng ganito, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nakasulat tungkol sa kanya, subalit kaysaklap ng sasapitin ng taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sanang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” 25 At si Judas na magkakanulo sa kanya ay sumagot at nagtanong, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Rabbi?” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi niyan.”

Ang Huling Hapunan(CO)

26 Habang sila'y kumakain, si Jesus ay kumuha ng tinapay, ipinagpasalamat niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad. Sinabi niya, “Kumuha kayo, kainin ninyo. Ito ang aking katawan.” 27 At kumuha siya ng kopa at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila, at sinabi, “Uminom kayo nito, lahat kayo, 28 sapagkat (CP) ito ang aking dugo ng tipan,[u] na ibinubuhos alang-alang sa marami, para sa kapatawaran ng mga kasalanan. 29 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasama kayo sa kaharian ng aking Ama.” 30 Pagkatapos nilang umawit ng imno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.

Sinabi ang Pagtatatwa ni Pedro(CQ)

31 Pagkatapos (CR) ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Tatalikuran ninyo akong lahat sa gabing ito. Sapagkat nakasulat, ‘Hahampasin ko ang pastol, at magtatakbuhan ang mga tupa ng kawan.’ 32 Ngunit (CS) matapos na ako'y maibangon na, mauuna ako sa inyo sa pagpunta sa Galilea.” 33 Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Talikuran man kayo ng lahat, hinding-hindi ko kayo tatalikuran.” 34 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tinitiyak ko sa iyo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ay tatlong ulit mo na akong naipagkakaila.” 35 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit na kailangan pang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ipagkakaila.” Ganoon din ang sinabi ng iba pang mga alagad.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(CT)

36 Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama ang mga alagad sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanila, “Maupo kayo rito. Pupunta muna ako sa banda roon at mananalangin.” 37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Noon ay nagsimula siyang malungkot at mabagabag. 38 At sinabi niya sa kanila, “Punung-puno ng kalungkutan ang aking kaluluwa na halos ikamatay ko. Dito muna kayo at makipagpuyat sa akin.” 39 Lumakad pa siya sa di-kalayuan, at doon ay nagpatirapa at nanalangin, na sinasabi, “Aking Ama, kung maaari, lumampas sa akin ang kopang ito. Gayunma'y hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang masunod.” 40 Bumalik siya sa mga alagad, at nadatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba ninyo kayang makipagpuyat sa akin kahit isang oras lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin, upang hindi kayo malagay sa tukso. Tunay na ang espiritu ay nagnanais ngunit ang laman ay mahina.” 42 Sa ikalawang pagkakataon ay muli siyang umalis at nanalangin ng ganito, “Aking Ama, kung hindi maaaring lumampas ang kopang ito, malibang ito'y aking inuman, masunod nawa ang iyong kalooban.” 43 Bumalik na naman siya at naratnan silang natutulog, sapagkat mabigat na ang mga mata nila sa antok. 44 Kaya't muli niya silang iniwan; umalis siya, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na gayunding mga salita ang binibigkas. 45 Nilapitan niyang muli ang mga alagad at sinabi sa kanila, “Hanggang ngayon ay natutulog pa rin kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 46 Bangon na! Umalis na tayo. Tingnan ninyo, dumarating na ang nagkakanulo sa akin.”

Dinakip si Jesus(CU)

47 Habang nagsasalita pa siya ay dumating si Judas, na isa sa labindalawa. Kasama niya ang napakaraming taong may mga tabak at mga pamalo; mula sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan. 48 Nagbigay sa kanila ng palatandaan ang nagkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Ang halikan ko ay siya na nga. Dakpin ninyo siya.” 49 Nilapitan niya agad si Jesus, at sinabi, “Magandang gabi po,[v] Rabbi.” At kanyang hinagkan ito. 50 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo ang sadya mo rito.” Pagkatapos ay lumapit sila at hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip. 51 Ngunit ang isa sa mga kasamahan ni Jesus ay biglang bumunot ng tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari at natagpas ang tainga nito. 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ibalik mo sa kaluban ang iyong tabak, sapagkat ang lahat ng gumagamit ng tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Sa palagay mo ba'y hindi ako maaaring humingi sa aking Ama, at ngayon din ay padadalhan niya ako ng higit pa sa labindalawang batalyon[w] ng mga anghel? 54 Subalit kung magkakagayon ay paano magaganap ang isinasaad ng mga kasulatan, na ganito ang kailangang mangyari?” 55 Sa (CV) sandaling iyon ay sinabi ni Jesus sa maraming taong naroon, “Isa bang tulisan ang inyong pinuntahan at may mga dala pa kayong tabak at mga pamalo upang ako'y hulihin? Araw-araw akong nakaupo at nagtuturo sa templo ngunit hindi ninyo ako dinarakip. 56 Subalit nagaganap ang lahat ng ito upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.” Sa sandaling iyon ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y nagsitakas.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(CW)

57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, ang Kataas-taasang Pari, sa pinagpupulungan ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. 58 Ngunit sinundan siya ni Pedro sa may kalayuan, hanggang sa bakuran ng Kataas-taasang Pari. Pumasok siya at umupong kasama ng mga tanod upang tingnan kung ano ang kahihinatnan ng lahat. 59 Naghanap ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ng huwad na katibayan laban kay Jesus upang siya'y kanilang maipapatay. 60 Subalit wala silang natagpuan bagama't maraming mga sinungaling na saksi ang nagdatingan. Sa bandang huli ay may dalawang humarap, 61 at (CX)sinabi nila, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.” 62 Tumindig ang Kataas-taasang Pari at sinabi sa kanya, “Hindi ka ba man lamang sasagot? Ano ba itong ipinaparatang ng mga ito laban sa iyo?” 63 Subalit hindi nagsalita si Jesus. Sinabi ng Kataas-taasang Pari sa kanya, “Manumpa ka sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” 64 Sinabi (CY) ni Jesus sa kanya, “Kayo na ang nagsabi niyan, ngunit sinasabi ko sa inyo, pagkatapos nito ay makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap ng himpapawid.” 65 Dahil (CZ) dito'y pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang mga damit, at sinabi, “Paglapastangan ang sinasabi niya. Ano pang patotoo ang kailangan natin? Ayan, narinig na ninyo ang kanyang paglapastangan. 66 Ano'ng masasabi ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.” 67 Pagkatapos (DA) ay kanilang dinuraan siya sa mukha at pinagsusuntok. Sinampal din siya ng iba, 68 sabay ang pagsasabi, “Di ba't isa kang propeta, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?”

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(DB)

69 Noon ay nakaupo si Pedro sa labas ng bakuran nang lapitan siya ng isang aliping babae, na nagsabi, “Kasama ka rin niyang si Jesus na taga-Galilea.” 70 Ngunit itinanggi niya ito sa harap nilang lahat. Sabi niya, “Wala akong alam sa sinasabi mo.” 71 Paglabas niya sa tarangkahan ay nakita siya ng isa pang alipin na nagsabi sa ibang naroon, “Ang taong ito ay kasamahan din ni Jesus na taga-Nazareth.” 72 At muli niyang itinanggi ito na may kasama pang panunumpa, “Talagang hindi ko kilala ang taong iyon.” 73 Pagkaraan pa ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, “Sigurado kaming ikaw ay isa rin sa kanila. Halatang-halata naman sa iyong pananalita.” 74 Kaya't nagsimula siyang magsalita ng masama at sumumpang, “Hindi ko kilala ang taong iyon.” At kaagad tumilaok ang manok. 75 Noon ay naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok ay tatlong ulit mo na akong naipagkakaila.” At siya'y lumabas at buong kapaitang umiyak.

Iniharap si Jesus kay Pilato(DC)

27 Kinaumagahan, ang lahat ng mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan ay nagsanggunian kung paano maipapapatay si Jesus. Siya'y ginapos nila, dinala sa labas, at iniharap sa gobernador na si Pilato.

Nagpakamatay si Judas(DD)

Nang makita (DE) ng nagkanulong si Judas na si Jesus ay nahatulan na, siya'y nagsisi at isinauli niya ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at sa matatandang pinuno. Wika niya, “Nagkasala ako sa pagkakanulo sa dugong walang sala.” Ngunit sinabi nila, “Ano iyon sa amin? Bahala ka sa sarili mo.” At inihagis ni Judas ang mga piraso ng pilak sa loob ng templo at siya'y lumabas. Umalis siya at nagbigti. Pinulot ng mga punong pari ang mga piraso ng pilak at sinabi nila, “Hindi nararapat na ilagay ang mga ito sa kabang-yaman, sapagkat dugo ang katumbas nito.” Kaya't napagkasunduan nilang gamitin iyon upang bilhin ang bukid ng magpapalayok, na gagawing libingan ng mga dayuhan. Dahil dito, ang bukid na iyon ay tinawag na Bukid ng Dugo hanggang sa araw na ito. Kaya't (DF) natupad ang sinabi sa pamamagitan ni Propeta Jeremias,[x] “At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, na inihalaga sa kanya ng ilang anak ng Israel, 10 at ang mga iyon ay ipinambayad nila sa bukid ng magpapalayok, gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.”

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(DG)

11 Samantala, tumayo si Jesus sa harap ng gobernador at tinanong siya nito, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Ikaw ang nagsasabi niyan,” sagot ni Jesus. 12 Subalit nang magparatang sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ay wala siyang sinabing anuman. 13 At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang ibinibintang nila sa iyo?” 14 Ngunit ni isa mang kataga ay hindi siya sumagot sa kanya, na lubhang ipinagtaka ng gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus(DH)

15 Nakaugalian na noon ng gobernador na sa tuwing kapistahan ng Paskuwa ay nagpapalaya siya para sa mga taong-bayan ng sinumang bilanggo na kanilang maibigan. 16 Nang panahong iyon ay mayroong isang bilanggo na kilabot sa kasamaan, na nagngangalang Jesus Barabas.[y] 17 Kaya't nang magkasama-sama ang mga tao ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas ba, o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Sinabi niya ito sapagkat nahalata niyang dahil sa inggit ay iniharap nila si Jesus sa kanya. 19 At habang nakaupo siya sa upuan ng paghuhukom, ipinasabi sa kanya ng kanyang asawa ang ganito, “Huwag mong gagawan ng anuman ang taong iyan na walang sala, sapagkat labis akong pinahirapan sa panaginip ko sa araw na ito dahil sa kanya.” 20 Ngunit inudyukan ng mga punong pari at ng matatandang pinuno ang mga taong-bayan na kanilang hilingin si Barabas at patayin naman si Jesus. 21 Muling sumagot ang gobernador at sinabi sa kanila, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko sa inyo?” Sila'y sumagot, “Si Barabas!” 22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At ano naman ang gagawin ko rito kay Jesus, ang tinatawag na Cristo?” Lahat sila'y nagsabi, “Ipako siya sa krus!” 23 At sinabi niya, “Bakit, ano ba'ng ginawa niyang masama?” Ngunit lalo silang nagsisigaw, “Ipako siya sa krus!” 24 Kaya't (DI) nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa, at sa halip ay mayroon nang namumuong isang malaking kaguluhan, kumuha siya ng tubig at hinugasan niya ang kanyang mga kamay sa harap ng madla, at kanyang sinabi, “Wala akong kinalaman sa pagdanak ng dugo ng taong ito.[z] Kayo ang may kagagawan nito.” 25 Sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Hayaang panagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.” 26 Pagkatapos ay pinalaya niya sa kanila si Barabas. Subalit si Jesus ay ipinahagupit niya at ipinaubaya upang ipako sa krus.

Tinuya ng mga Kawal si Jesus(DJ)

27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong batalyon ng mga kawal sa harapan niya. 28 Siya'y kanilang hinubaran at isinuot sa kanya ang isang balabal na matingkad na pula. 29 Gumawa sila ng isang koronang tinik at ipinatong sa kanyang ulo. Ipinahawak nila sa kanang kamay niya ang isang tambo at sila'y lumuhod sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, sa pagsasabing, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y kanilang dinuraan. Kinuha nila ang tambo at paulit-ulit na inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos siyang kutyain, hinubaran siya ng balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. Pagkatapos, siya ay kanilang inilabas upang ipako sa krus.

Si Jesus ay Ipinako sa Krus(DK)

32 Habang lumalabas sila sa lungsod, nakasalubong nila ang isang lalaking taga-Cirene, na nagngangalang Simon. Pinilit nila itong magpasan ng kanyang krus. 33 Dumating sila sa isang pook na tinatawag na Golgotha (na ang ibig sabihin ay “Ang Pook ng Bungo”). 34 Doon, siya ay kanilang binigyan (DL) ng maiinom na alak na may halong apdo. Subalit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin. 35 At (DM) nang siya'y maipako nila sa krus, nagpalabunutan sila upang mapaghati-hatian ang kanyang mga damit. 36 Pagkatapos, umupo sila at nagbantay sa kanya roon. 37 Sa itaas ng kanyang ulo ay kanilang inilagay ang paratang sa kanya, na may ganitong nakasulat: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 39 Ang mga nagdaraan (DN) ay nangungutya sa kanya at pailing-iling 40 na (DO) nagsasabi, “Ikaw na magwawasak sa templo, at sa ikatlong araw ay muling magtatayo nito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” 41 Sa gayunding paraan ay kinutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. Wika nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya raw ang Hari ng Israel. Bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya. 43 Nagtiwala (DP) siya sa Diyos. Tingnan natin ngayon kung ililigtas siya ng Diyos, kung gusto niya, sapagkat sinabi niyang siya ang Anak ng Diyos.” 44 Kinutya rin siya ng mga tulisang ipinako sa krus na kasama niya.

Namatay si Jesus(DQ)

45 Mula sa katanghaliang-tapat[aa] hanggang sa ikatlo ng hapon[ab] ay nagdilim sa buong lupain. 46 At (DR) nang malapit na ang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang napakalakas, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 47 Nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.” 48 Agad na tumakbo (DS) ang isa sa kanila, kumuha ng isang espongha at isinawsaw sa suka,[ac] ikinabit sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin. 49 Ngunit ang iba'y nagsabi, “Hayaan muna ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y iligtas.” 50 Muling sumigaw si Jesus nang napakalakas at nalagot ang kanyang hininga. 51 At (DT) biglang napunit sa dalawa ang tabing ng templo, mula itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan, at maraming katawan ng mga taong banal na namatay ang muling nabuhay. 53 Lumabas ang mga ito sa mga libingan at pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doon ay nakita ng maraming tao. 54 Nang makita ng senturyon at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga pangyayari, kinilabutan sila, at nagsabi, “Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.”[ad] 55 At (DU) maraming babaing naroroon din ang nakatanaw mula sa malayo. Sumunod sila kay Jesus mula pa sa Galilea upang maglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

Inilibing si Jesus(DV)

57 Nang magdadapit-hapon na ay dumating ang isang mayamang lalaking taga-Arimatea, na nagngangalang Jose, na naging alagad din ni Jesus. 58 Ang taong ito ay pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na iyon ay ibigay kay Jose. 59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot sa isang malinis na telang lino, 60 at inilagay ito sa sarili niyang bagong libingan, na kanyang ipinaukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan, at siya'y umalis. 61 Naroon at nakaupo si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa tapat ng libingan.

Naglagay ng mga Bantay sa Libingan

62 Nang sumunod na araw, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, nagpulong sa harapan ni Pilato ang mga punong pari at ang mga Fariseo. 63 Kanilang sinabi, (DW) “Ginoo, natatandaan naming sinabi ng bulaang iyon noong siya'y nabubuhay pa na siya raw ay muling mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw. 64 Kaya't pabantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw; baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin siya, at ipagsabi sa mga tao na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Kapag nagkagayon, magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.” 65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay;[ae] pumunta kayo roon at tiyakin ninyong hindi iyon mabubuksan.” 66 Pumunta nga sila roon, at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan. Sinelyuhan nila ito at mahigpit na pinabantayan.

Footnotes

  1. Mateo 19:9 Sa ibang mga manuskrito wala ang huling pangungusap ng talatang ito.
  2. Mateo 19:12 Sa Griyego, eunuko.
  3. Mateo 19:20 Sa ibang mga manuskrito may ganitong karugtong, mula sa pagkabata.
  4. Mateo 20:3 o ikatlong oras sa pagbilang ng oras ng mga Judio
  5. Mateo 20:5 o ikaanim na oras sa pagbilang ng mga Judio sa oras.
  6. Mateo 20:5 o ikasiyam na oras sa pagbilang ng mga Judio ng oras.
  7. Mateo 20:6 o ikalabing-isang oras sa pagbilang ng mga Judio ng oras.
  8. Mateo 20:16 Sa ibang mga manuskrito may karugtong na, “Sapagkat marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.”
  9. Mateo 21:12 Sa ibang mga manuskrito may salitang ng Diyos.
  10. Mateo 21:44 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.
  11. Mateo 23:4 Sa ibang manuskrito wala ang mga salitang ito.
  12. Mateo 23:5 Ang pilakteria ay sisidlang balat kung saan inilalagay ang sipi ng Exodo 13:1-6 at Deuteronomio 6:4-9; 11:13-21. Bilang pagsunod sa Kautusan, itinatali ito sa noo o sa kaliwang braso malapit sa puso.
  13. Mateo 23:14 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.
  14. Mateo 23:26 Sa ibang mga manuskrito wala ang katagang at ng pinggan.
  15. Mateo 23:33 Sa Griyego, Gehenna.
  16. Mateo 24:28 o agila.
  17. Mateo 24:33 o siya.
  18. Mateo 24:42 Sa ibang mga manuskrito ay oras.
  19. Mateo 25:15 Ang isang talento ay katumbas ng higit sa labinlimang taong sahod ng manggagawa.
  20. Mateo 26:16 Sa Griyego, siya.
  21. Mateo 26:28 Sa ibang mga manuskrito ay dugo ng bagong tipan.
  22. Mateo 26:49 Sa Griyego, masayang pagbati.
  23. Mateo 26:53 BATALYON: Sa hukbong Romano ay lehiyon na binubuo ng 3,000 hanggang 6,000 kawal.
  24. Mateo 27:9 Sa ibang mga manuskrito ay Zacarias o Isaias.
  25. Mateo 27:16 Sa ibang mga manuskrito ay walang Jesus.
  26. Mateo 27:24 Sa ibang mga manuskrito ay dugo ng matuwid na taong ito.
  27. Mateo 27:45 o ikaanim na oras sa pagbilang ng oras ng mga Judio.
  28. Mateo 27:45 ++ 45, 46 o ikasiyam na oras sa pagbilang ng oras ng mga Judio.
  29. Mateo 27:48 o maasim na alak.
  30. Mateo 27:54 o isang anak ng Diyos.
  31. Mateo 27:65 o Magkaroon kayo ng bantay.

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)

19 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, nilisan niya ang Galilea at pumunta sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan. Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at doon, sila'y kanyang pinagaling. May mga Fariseong lumapit sa kanya at upang subukin siya, sila'y nagtanong, “Naaayon ba sa batas na paalisin ng isang tao ang kanyang asawa at hiwalayan ito sa anumang kadahilanan?” Sumagot (B) siya, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila noong pasimula ay ‘lumikha sa kanilang lalaki at babae,’ at (C) sinabi rin, ‘Kaya nga iiwan ng isang tao ang kanyang ama at ina at ibubuklod sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isang laman’? Sa gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Kaya't ang pinagbuklod na ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao.” Nagtanong (D) sila sa kanya, “Kung gayon, bakit ipinag-utos sa amin ni Moises na magbigay ng kasulatan ng pagpapaalis at hiwalayan ang babae?” Sumagot siya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan kayo ni Moises na hiwalayan ang inyong mga asawang babae; subalit noong pasimula ay hindi ganoon. Sinasabi (E) ko sa inyo: sinumang magpaalis at makipaghiwalay sa kanyang asawa, liban na lamang kung pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya. At sinumang nakipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.”[a] 10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng isang taong may asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.” 11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi ito kayang tanggapin ng lahat maliban sa kanila na pinagkalooban nito. 12 Sapagkat may mga taong hindi makapag-asawa[b] dahil sa kanilang kapansanan buhat pa nang sila'y isilang. May mga tao namang hindi makapag-asawa dahil sa kagagawan ng ibang tao. At may mga taong nagpasyang hindi na mag-asawa alang-alang sa kaharian ng langit. Ang may kayang tumanggap nito ay hayaang tumanggap nito.”

Ang Pagbasbas ni Jesus sa Maliliit na Bata(F)

13 Pagkatapos nito ay inilapit sa kanya ang maliliit na bata, upang kanyang ipatong sa kanila ang mga kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga taong nagdala ng mga bata. 14 Subalit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila nakalaan ang kaharian ng langit.” 15 Pagkatapos niyang ipatong sa kanila ang kanyang mga kamay ay umalis na siya roon.

Ang Kabataang Mayaman(G)

16 May isang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po bang mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Subalit kung nais mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.” 18 Sumagot (H) ito sa kanya, “Alin po sa mga iyon?” Sinabi ni Jesus, “Huwag kang papaslang; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; 19 Igalang (I) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Nasunod ko po ang lahat ng ito;[c] ano pa kaya ang kulang sa akin?” 21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung nais mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod sa akin.” 22 Subalit nang marinig ng kabataang lalaki ang salitang ito, umalis siyang napakalungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian. 23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tinitiyak ko sa inyo, napakahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit. 24 At inuulit ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom, kaysa pumasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng Diyos.” 25 Labis na nagtataka ang mga alagad nang marinig nila ito, kaya't sila'y nagtanong, “Sino, kung gayon, ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng mga tao, ngunit ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 27 Sumagot si Pedro sa kanya, “Tingnan ninyo, tinalikuran namin ang lahat upang sumunod sa inyo. Ano naman po ang makukuha namin?” 28 Sumagot (J) si Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, sa panahon ng pagpapanibago ng lahat ng bagay, sa pag-upo ng Anak ng Tao sa trono ng kanyang kaluwalhatian, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono bilang mga hukom sa labindalawang lipi ng Israel. 29 At sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, ng ama, o ina, ng mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng makaisandaang ulit ng mga bagay na ito at magkakamit ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit (K) maraming mga nauna ang máhuhulí, at mga náhulí ang mauuna.

Ang mga Manggagawa sa Ubasan

20 “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang taong may-ari ng lupain, isang umaga, maaga siyang lumabas upang kumuha ng mauupahang mga manggagawa para sa kanyang ubasan. Pagkatapos silang magkasundo ng mga manggagawa sa halagang isang denaryo sa isang araw, pinapunta niya ang mga ito sa kanyang ubasan. At paglabas niya nang mag-iikasiyam ng umaga,[d] nakakita siya sa pamilihan ng ibang taong nakatayo lamang at walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at ibibigay ko sa inyo kung anuman ang nararapat.’ At pumunta nga sila. Sa paglabas niyang muli nang magtatanghaling-tapat na[e] at nang ikatlo ng hapon,[f] ay ganoon din ang ginawa niya. At nang malapit na ang ikalima ng hapon,[g] muli siyang lumabas at nakakita ng iba pang nakatayo. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo rito at walang ginagawa?’ ‘Wala po kasing umuupa sa amin,’ sagot nila. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’ (L) Papalubog na ang araw, nang sabihin ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at ibigay mo sa kanila ang sahod nila, buhat sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’ Nang lumapit ang mga nagsimulang magtrabaho nang mag-iikalima ng hapon, ang bawat isa sa kanila'y tumanggap ng isang denaryo. 10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y mas malaki ang kanilang matatanggap; ngunit tumanggap din silang lahat ng tig-iisang denaryo. 11 Pagkatapos nilang tanggapin ito ay nagreklamo sila sa may-ari ng lupain. 12 Sinabi nila, ‘Silang huling dumating ay isang oras lamang nagtrabaho, ngunit ang ibinayad mo sa kanila ay pareho lang ng sa amin na maghapong nagtiis ng hirap at matinding init.’ 13 Ngunit sumagot siya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginagawang masama sa iyo. Di ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14 Kunin mo ang nauukol sa iyo at umalis ka na. Napagpasyahan kong ibigay sa huling manggagawa ang katulad ng ibinigay ko sa iyo. 15 Wala ba akong karapatang gawin ang naisin ko sa sarili kong lupain? O minamasama mo ba ang aking kabutihang-loob?’ 16 Kaya nga (M) ang hulí ay mauuna, at ang una ay máhuhulí.”[h]

Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(N)

17 Habang umaakyat si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila, 18 “Tandaan ninyo, umaahon tayo patungong Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. At siya'y hahatulan nila ng kamatayan. 19 At siya'y ipauubaya nila sa mga Hentil upang hamakin, hagupitin, at ipako sa krus. Ngunit sa ikatlong araw, siya'y muling bubuhayin.”

Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(O)

20 Pagkatapos nito, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus at may hiniling sa kanya. 21 Tanong ni Jesus sa kanya, “Ano ang nais mo?” Sagot ng babae, “Sabihin po ninyong itong dalawa kong anak na lalaki ay uupo sa inyong kaharian, ang isa sa inyong kanan, at ang isa naman ay sa kaliwa.” 22 Subalit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nauunawaan ang inyong hinihiling. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman?” Sagot nila, “Kaya po namin.” 23 Sinabi niya sa kanila, “Iinuman nga ninyo ang aking kopa, ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay. Ito ay para sa kanila na pinaglaanan ng aking Ama.” 24 Nang ito'y marinig ng sampu pang alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Subalit (P) tinawag sila ni Jesus at sa kanila'y sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahangad na sila'y paglingkuran bilang mga panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga taong nasa katungkulan ay nagsasamantala sa kanila gamit ang kapangyarihan. 26 Hindi (Q) ganyan ang dapat mangyari sa inyo. Kundi ang sinuman sa inyo na naghahangad na maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At sinuman sa inyo na naghahangad na maging pangunahin ay dapat maging alipin ninyo, 28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ialay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

Pinagaling ang Dalawang Bulag(R)

29 Habang sila'y lumalabas sa Jerico ay sumunod sa kanya ang napakaraming tao. 30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabing-daan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Maawa po kayo sa amin, Panginoon Anak ni David!” 31 Ngunit pinagsabihan sila ng mga tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw sa pagsasabi, “Mahabag po kayo sa amin, Panginoon, Anak ni David!” 32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Ano'ng nais ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, buksan po ninyo ang aming mga mata.” 34 Nahabag sa kanila si Jesus at hinipo ang kanilang mga mata. Kaagad silang nakakitang muli, at pagkatapos, sumunod sila sa kanya.

Matagumpay na Pumasok si Jesus sa Jerusalem(S)

21 Nang malapit na sila sa Jerusalem at nakarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, si Jesus ay nagsugo ng dalawang alagad. Sinasabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon, at kaagad kayong makakakita ng isang inahing asno na nakatali at may kasamang isang bisiro. Kalagan ninyo at dalhin dito sa akin. Kung may magsasabi sa inyo ng anuman, sabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala ang mga iyon.”

Footnotes

  1. Mateo 19:9 Sa ibang mga manuskrito wala ang huling pangungusap ng talatang ito.
  2. Mateo 19:12 Sa Griyego, eunuko.
  3. Mateo 19:20 Sa ibang mga manuskrito may ganitong karugtong, mula sa pagkabata.
  4. Mateo 20:3 o ikatlong oras sa pagbilang ng oras ng mga Judio
  5. Mateo 20:5 o ikaanim na oras sa pagbilang ng mga Judio sa oras.
  6. Mateo 20:5 o ikasiyam na oras sa pagbilang ng mga Judio ng oras.
  7. Mateo 20:6 o ikalabing-isang oras sa pagbilang ng mga Judio ng oras.
  8. Mateo 20:16 Sa ibang mga manuskrito may karugtong na, “Sapagkat marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.”