Add parallel Print Page Options

16 At nang makaraan ang sabbath, si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay nagsibili ng mga pabango, upang sila'y magsiparoon at siya'y pahiran.

At pagkaumagang-umaga nang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon sila sa libingan nang sikat na ang araw.

At kanilang pinaguusapan, Sino kaya ang ating mapagpapagulong ng bato mula sa pintuan ng libingan?

At pagkatingin, ay nakita nilang naigulong na ang bato: sapagka't yao'y totoong malaki.

At pagkapasok sa libingan, ay kanilang nakita ang isang binata na nakaupo sa dakong kanan, na nararamtan ng isang damit na maputi; at sila'y nangagitla.

At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya'y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya!

Datapuwa't magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.

At sila'y nagsilabas, at nagsitakas mula sa libingan; sapagka't sila'y nagsipangilabot at nangagitla: at hindi sila nangagsasabi ng anoman sa kanino man; sapagka't sila'y nangatatakot.

Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng sanglinggo, ay napakita muna siya kay Maria Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang pinalabas niya.

10 Siya'y yumaon at ipinagbigay alam sa mga naging kasamahan ni Jesus, samantalang sila'y nangahahapis at nagsisitangis.

11 At sila, nang kanilang mabalitaan na siya'y nabuhay, at nakita ni Magdalena, ay hindi sila nagsipaniwala.

12 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila, nang sila'y nangaglalakad na patungo sa bukid.

13 At sila'y nagsiyaon at ipinagbigay-alam ito sa mga iba: at kahit sa kanila'y hindi rin sila nagsipaniwala.

14 At pagkatapos siya'y napakita sa labingisa samantalang sila'y nangakaupong nagsisikain; at pinagwikaan sila sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagka't hindi sila nagsipaniwala sa nangakakita sa kaniya pagkatapos na siya'y magbangon.

15 At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.

16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.

17 At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya: mangagpapalabas sila ng mga demonio sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika;

18 Sila'y magsisihawak ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga may-sakit, at sila'y magsisigaling.

19 Ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na sila'y mangakausap niya, ay tinanggap sa itaas ng langit, at lumuklok sa kanan ng Dios.

20 At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon, at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip. Siya nawa.

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)

16 Pagkaraan ng araw ng Sabbath, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng pabango upang pahiran ang bangkay ni Jesus. Pagkasikat ng araw nang unang araw ng Linggo, maagang-maaga pa ay pumunta sila sa libingan. Nag-uusap-usap sila habang nasa daan, “Sino kaya ang mapapakiusapan nating maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” Ngunit natanaw nilang naigulong na ang napakalaking batong pantakip. Pagpasok nila sa libingan, nakita nila ang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit. Nakaupo ito sa gawing kanan. At natakot sila. Ngunit sinabi ng binata sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazareth, ang ipinako sa krus; wala na siya rito; Siya'y binuhay na muli! Tingnan ninyo ang lugar na pinaglagyan sa kanya! Humayo (B) kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, gaya ng sinabi niya sa inyo.’ ” Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis, nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot ay walang masabing anuman.

ANG MAIKLING PAGTATAPOS NI MARCOS

Sinabi ng mga babae kay Pedro at sa mga kasama nito ang lahat ng mga iniutos sa kanila. At pagkatapos, sinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad sa buong daigdig, na ipangaral nila ang banal at di lilipas na kapahayagan ng walang hanggang kaligtasan. Amen.

ANG MAHABANG PAGTATAPOS NI MARCOS

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(C)

[Nang siya'y muling mabuhay nang unang araw ng linggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, ang babaing pinalaya niya mula sa kapangyarihan ng pitong demonyo. 10 Pinuntahan niya ang mga alagad, na noo'y nagluluksa at tumatangis, at ibinalita sa mga ito ang kanyang nakita. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala sa ibinalita ni Maria na buháy si Jesus at nagpakita sa kanya.

Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(D)

12 Pagkatapos ng mga ito'y nagpakita si Jesus sa ibang anyo sa dalawang alagad habang sila'y naglalakad patungo sa bukid. 13 Bumalik sila at ipinagbigay-alam ito sa ibang alagad. Ngunit ang mga ito'y hindi naniwala sa kanila.

Pinagbilinan ni Jesus ang mga Alagad(E)

14 Hindi nagtagal at nagpakita siya sa labing-isa samantalang sila'y kumakain. Sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa hindi nila pagsampalataya at katigasan ng kanilang puso, sapagkat hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 15 Sinabi (F) niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo ang ebanghelyo[a] sa lahat ng tao. 16 Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas. Ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. 17 Ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga sumasampalataya: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking pangalan at magsasalita sila ng mga bagong wika; 18 walang mangyayaring masama sa kanila kahit makahawak sila ng mga ahas o makainom ng lason; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at gagaling ang mga ito.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(G)

19 Pagkatapos (H) magsalita sa kanila ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Humayo ang kanyang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Sinamahan sila ng Panginoon sa gawaing ito at pinatunayan ang kanyang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.][b]

Footnotes

  1. Marcos 16:15 o magandang balita.
  2. Marcos 16:20 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.