Lucas 6
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)
6 Minsan isang Sabbath,[a] habang nagdaraan si Jesus sa isang triguhan, namitas ang kanyang mga alagad ng uhay at pagkaligis dito ng kanilang mga kamay ay kinain ang mga ito. 2 Ngunit ilan sa mga Fariseo ang nagsabi, “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal kung Sabbath?” 3 Kaya't sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? 4 Pumasok siya sa bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na ihinandog at kinain ito at ipinamigay pa sa kanyang mga kasama. Hindi ito ipinahihintulot kainin ninuman maliban ng mga pari.” 5 At sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.”
Ang Taong Paralisado ang Kamay(B)
6 Araw din ng Sabbath nang pumasok si Jesus sa sinagoga upang magturo. Naroroon ang isang lalaking paralisado ang kanang kamay. 7 Si Jesus ay minatyagang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo kung magpapagaling siya sa Sabbath. Nagnanais silang may maibintang laban sa kanya. 8 Ngunit alam niya ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” Tumindig ang lalaki at tumayo nga ito roon. 9 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo, dapat bang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa araw ng Sabbath? Ang magligtas ng buhay o pumuksa?” 10 At pagkalibot ng tingin sa kanilang lahat ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong mga kamay.” Ganoon nga ang ginawa ng lalaki at gumaling ang kanyang kamay. 11 Ngunit nagngitngit sila sa galit at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.
Ang Pagtawag sa Labindalawa(C)
12 Nang mga araw na iyon, umakyat sa bundok si Jesus upang manalangin. Magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya sa kanila ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. 14 Ang mga ito ay sina Simon na tinawag niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; sina Santiago at Juan; sina Felipe, Bartolome, 15 Mateo, at Tomas; si Santiago na anak ni Alfeo; si Simon na tinawag na Makabayan; 16 si Judas na anak ni Santiago; at si Judas Iscariote, na naging taksil.
Si Jesus ay Nagturo at Nagpagaling ng may Sakit(D)
17 At bumaba si Jesus kasama nila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang malaking pangkat ng kanyang mga alagad at ang napakaraming taong buhat sa buong Judea at sa Jerusalem at sa mga baybaying bayan ng Tiro at Sidon. 18 Pumunta sila roon upang mapakinggan siya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng maruruming espiritu. 19 Sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nagpapagaling sa lahat.
Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(E)
20 At tumingin si Jesus sa kanyang mga alagad, at sinabi niya,
“Pinagpala kayong mga dukha,
sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Pinagpala kayong ngayon ay nagugutom,
sapagkat kayo ay bubusugin.
Pinagpala kayong ngayon ay tumatangis,
sapagkat kayo ay hahalakhak.
22 Pinagpala kayo kung kinapopootan kayo ng mga tao, at kung ipinagtatabuyan kayo at inaalipusta, at kung kinasusuklaman na tila masama ang inyong pangalan dahil sa Anak ng Tao. 23 Magalak kayo sa araw na iyon at lumundag sa kagalakan sapagkat tiyak na malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
24 Subalit kaysaklap ng sasapitin ninyong mayayaman,
sapagkat tinamasa na ninyo ang inyong kaginhawahan.
25 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga busog ngayon,
sapagkat kayo ay magugutom.
Kaysaklap ng sasapitin ninyong tumatawa ngayon
sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis.
26 Kaysaklap ng sasapitin ninyo kapag lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”
Pag-ibig sa mga Kaaway(F)
27 “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig, ibigin ninyo ang inyong kaaway, at gawan ninyo ng kabutihan ang namumuhi sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo, at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag may sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit panloob. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo. At huwag mo nang bawiin pa ang iyong mga ari-arian sa umagaw nito. 31 Gawin mo sa iyong kapwa ang nais mong gawin nila sa iyo. 32 Kung ang mamahalin ninyo ay iyon lang mga nagmamahal sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagmamahal sa nagmamahal sa kanila. 33 Ano ang mapapala ninyo kung gagawa kayo ng mabuti doon lamang sa gumagawa sa inyo ng mabuti? Ganoon din ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 Kung kayo'y nagpapautang doon lamang sa mga taong inaasahan ninyong makababayad, ano ang mapapala ninyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapautang sa inaasahan nilang makapagbabayad. 35 Kaya't mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gumawa kayo ng mabuti, at magpahiram kayo nang hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo at kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan sapagkat siya ay mabait sa mga walang utang na loob at sa masasama. 36 Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama na mahabagin.”
Ang Paghatol sa Iba(G)
37 “Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Huwag kayong humusga upang hindi kayo mahusgahan. Magpatawad kayo at kayo ay patatawarin. 38 Magbigay kayo at kayo ay bibigyan. Husto ang sukat, siksik, liglig at umaapaw ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat ang panukat na ginamit ninyo ang siya ring gagamiting panukat sa inyo.” 39 Sinabi pa niya sa kanila ang isang talinghaga, “Maaari bang akayin ng bulag ang kapwa bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay? 40 Hindi makahihigit sa kanyang guro ang isang alagad; subalit ang sinumang sinanay nang lubos ay magiging tulad ng kanyang guro. 41 Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid gayong hindi mo napapansin ang troso sa iyong mata? 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ gayong ikaw mismo ay hindi nakakakita ng troso sa sarili mong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata at makakakita ka nang mabuti sa pag-alis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.”
Ang Punongkahoy at ang Bunga Nito(H)
43 “Walang mabuting punong namumunga ng masama. Gayon din naman, walang masamang punong namumunga ng mabuti. 44 Bawat puno ay nakikilala sa sarili nitong bunga. Sapagkat hindi makapipitas ng igos sa tinikan ni hindi rin makapipitas ng ubas sa dawagan. 45 Gumagawa ng kabutihan ang mabuting tao dahil sa mabuting kayamanan ng kanyang puso, ngunit ang masamang tao ay gumagawa ng masama dahil sa kanyang kasamaan. Sapagkat mula sa kayamanan ng puso ay nagsasalita ang bibig.”
Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(I)
46 “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon! Panginoon!’ gayong hindi naman ninyo sinusunod ang inuutos ko? 47 Ipapakita ko sa inyo kung saan maihahalintulad ang lahat ng nagsisilapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at gumagawa nito. 48 Siya ay tulad ng isang taong sa pagtatayo ng kanyang bahay ay naghukay nang malalim at naglagay ng pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumaan ang baha at humampas sa bahay na iyon ay hindi iyon natinag sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakarinig subalit hindi sumusunod sa mga ito at tulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay at itinayo ito sa lupang walang pundasyon. Kaya't nang hampasin ito ng agos ay agad na bumagsak. Malaki ang magiging sira ng bahay na iyon.”
Footnotes
- Lucas 6:1 Minsan isang Sabbath: Sa ibang manuskrito ay Noong ikalawang Sabbath.
Lucas 6
Ang Biblia (1978)
6 Nangyari nga (A)nang dumaraan siya sa mga trigohan nang isang sabbath, ay kumitil ng mga uhay ang mga alagad niya, at kinakain pagkaligis sa kanilang mga kamay.
2 Datapuwa't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, (B)Bakit ginagawa ninyo ang di matuwid gawin sa araw ng sabbath?
3 At pagsagot sa kanila ni Jesus ay sinabi, Hindi baga nabasa ninyo ang ginawa ni David, nang siya'y magutom, siya, at ang mga kasamahan niya;
4 Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain ng mga tinapay na handog, at binigyan pati ang kaniyang mga kasamahan; na hindi naaayon sa kautusan na kanin ninoman kundi ng mga saserdote lamang?
5 At sinabi niya sa kanila, Ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.
6 At (C)nangyari nang ibang sabbath, na siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo: at doo'y may isang lalake, at (D)tuyo ang kaniyang kanang kamay.
7 At (E)inaabangan siya ng mga eskriba at ng mga Fariseo, kung siya'y magpapagaling sa sabbath; upang makasumpong sila ng paraan na siya'y maisakdal.
8 Datapuwa't (F)nalalaman niya ang kanilang mga kaisipan; at sinabi niya sa lalake na tuyo ang kamay, Magtindig ka at tumayo ka sa gitna. At siya'y nagtindig at tumayo.
9 At sinabi sa kanila ni Jesus, Itinatanong ko sa inyo, Matuwid bagang gumawa ng magaling, o gumawa ng masama kung sabbath? magligtas ng isang buhay o pumuksa?
10 At (G)minamasdan niya silang lahat sa palibotlibot, at sinabi sa kaniya, Iunat mo ang iyong kamay. At ginawa niyang gayon; at gumaling ang kaniyang kamay.
11 Datapuwa't sila'y nangapuno ng galit; at (H)nangagsangusapan, kung ano ang kanilang magagawang laban kay Jesus.
12 At nangyari nang mga araw na ito, (I)na siya'y napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.
13 At nang araw na, ay (J)tinawag niya ang kaniyang mga alagad; (K)at siya'y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol:
14 Si Simon, na tinawag naman niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, at si Santiago at si Juan, at si Felipe at si Bartolome.
15 At si Mateo at si Tomas, at si Santiago anak ni Alfeo, at si Simon, na tinatawag na (L)Masikap,
16 At (M)si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging lilo;
17 At bumaba siya na kasama nila, at tumigil (N)sa isang patag na dako, at ang lubhang marami sa mga alagad niya, at ang (O)lubhang malaking bilang ng mga tao mula sa buong Judea at sa Jerusalem, at sa pangpangin ng dagat ng (P)Tiro at Sidon, na nangagsidalo upang magsipakinig sa kaniya, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit;
18 Ang mga pinahihirapan ng mga espiritung karumaldumal ay pinagagaling.
19 At pinagpipilitan ng buong karamihan na siya'y mahipo; sapagka't (Q)lumalabas sa kaniya ang makapangyarihang bisa, at nagpapagaling sa lahat.
20 At itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad, at sinabi, (R)Mapapalad kayong mga dukha: sapagka't inyo ang kaharian ng Dios.
21 Mapapalad kayong nangagugutom ngayon: sapagka't kayo'y bubusugin. Mapapalad kayong nagsisitangis ngayon: sapagka't kayo'y magsisitawa.
22 Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, at kung (S)kayo'y ihiwalay nila, at kayo'y alimurahin, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anak ng tao.
23 Mangagalak kayo sa araw na yaon, at magsilukso kayo sa kagalakan; sapagka't narito, ang ganti sa inyo'y malaki sa langit; sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga propeta.
24 Datapuwa't sa aba ninyong (T)mayayaman! sapagka't (U)tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.
25 Sa aba ninyo (V)mga busog ngayon! sapagka't kayo'y mangagugutom. Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon! sapagka't kayo'y magsisitaghoy at magsisitangis.
26 Sa aba ninyo, (W)pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa inyo! sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.
27 Datapuwa't sinasabi ko sa inyong nangakikinig, (X)Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo,
28 Pagpalain ninyo ang sa inyo'y sumusumpa at ipanalangin ninyo ang sa inyo'y lumalait.
29 (Y)Sa sumampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo naman ang kabila; (Z)at ang sa iyo'y magalis ng iyong balabal, huwag mong itanggi pati ng iyong tunika.
30 Bigyan mo ang bawa't sa iyo'y humihingi; at sa kumuha ng pagaari mo, ay huwag mong hinging muli.
31 At (AA)kung ano ang ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gayon din ang gawin ninyo sa kanila.
32 At kung kayo'y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ang mga makasalanan man (AB)ay nagsisiibig sa nagsisiibig sa kanila.
33 At kung magsigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ganito rin ang ginagawa ng mga makasalanan.
34 At kung kayo'y mangagpahiram (AC)doon sa mga inaasahan ninyong may tatanggapin, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? ang mga makasalanan man ay nangagpapahiram sa mga makasalanan, upang muling magsitanggap ng gayon din.
35 Datapuwa't ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti, at mangagpahiram kayo, na kailan man ay huwag mawawalan ng pagasa; at malaki ang sa inyo'y magiging ganti, at (AD)kayo'y magiging mga anak ng (AE)Kataastaasan: sapagka't siya'y magandang-loob sa mga walang turing at sa masasama.
36 Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain.
37 At huwag kayong mangagsihatol, (AF)at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo'y palalayain:
38 Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong (AG)kandungan. Sapagka't sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin.
39 At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: (AH)Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay?
40 (AI)Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa't ang bawa't isa, pagka naging sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro.
41 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa't hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata?
42 O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling mata, kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
43 Sapagka't walang mabuting punong kahoy (AJ)na nagbubunga ng masama; at wala rin naman masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti.
44 Sapagka't (AK)bawa't punong kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagka't ang mga tao ay di nangakapuputi ng mga igos sa mga dawag, at di nangakapuputi ng ubas sa mga tinikan.
45 Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan (AL)sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao'y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: (AM)sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.
46 At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, (AN)Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?
47 Ang bawa't lumalapit sa akin, (AO)at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa, ituturo ko sa inyo kung sino ang katulad:
48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka't natitirik na mabuti.
49 Datapuwa't ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa, (AP)na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at pagdaka'y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon.
Lucas 6
Ang Biblia, 2001
Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)
6 Isang(B) araw ng Sabbath habang bumabagtas si Jesus[a] sa mga triguhan, ang mga alagad niya ay pumitas ng mga uhay at pagkatapos ligisin sa kanilang mga kamay ay kinain ang mga ito.
2 Subalit sinabi ng ilan sa mga Fariseo, “Bakit ginagawa ninyo ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?”
3 Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David, nang siya at ang mga kasamahan niya ay nagutom?
4 Siya'y (C) (D) pumasok sa bahay ng Diyos, kinuha at kinain ang tinapay na handog,[b] at binigyan pati ang kanyang mga kasamahan na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang?”
5 At sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath.”
Ang Taong Tuyo ang Kamay(E)
6 Nang isa pang Sabbath, siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaki na tuyo ang kanang kamay.
7 Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay nagmamatyag sa kanya kung siya'y magpapagaling sa Sabbath upang makakita sila ng maibibintang laban sa kanya.
8 Subalit alam niya ang kanilang mga iniisip at sinabi niya sa lalaki na tuyo ang kamay, “Halika at tumayo ka sa gitna.” At siya'y tumindig at tumayo.
9 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Itinatanong ko sa inyo, ipinahihintulot ba sa kautusan na gumawa ng mabuti, o gumawa ng masama kung Sabbath? Magligtas ng buhay o pumuksa nito?”
10 At matapos niyang tingnan silang lahat ay sinabi sa kanya, “Iunat mo ang iyong kamay.” Gayon nga ang ginawa niya at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay.
11 Subalit sila'y napuno ng matinding galit at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.
Hinirang ni Jesus ang Labindalawang Apostol(F)
12 Nang mga araw na iyon, siya ay nagtungo sa bundok upang manalangin at ginugol ang buong magdamag sa pananalangin sa Diyos.
13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad at siya'y pumili mula sa kanila ng labindalawa na itinalaga niyang mga apostol:
14 si Simon, na tinawag niyang Pedro, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago, si Juan, si Felipe, si Bartolome,
15 si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na tinatawag na Masigasig,[c]
16 at si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.
Si Jesus ay Nagturo at Nanggamot(G)
17 Bumaba siya na kasama nila at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at sa Jerusalem at sa baybayin ng Tiro at Sidon, na pumaroon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit;
18 at ang mga pinahirapan ng masasamang espiritu ay pinagaling.
19 Pinagsikapan ng lahat na siya'y mahipo, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya at pinagaling niya ang lahat.
Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(H)
20 Tumingin siya sa kanyang mga alagad at sinabi,
“Mapapalad kayong mga dukha,
sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Mapapalad kayong nagugutom ngayon,
sapagkat kayo'y bubusugin.
Mapapalad kayong tumatangis ngayon
sapagkat kayo'y tatawa.
22 Mapapalad(I) kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, kung kayo'y layuan at kayo'y alipustain, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masama dahil sa Anak ng Tao.
23 Magalak(J) kayo sa araw na iyon at lumukso kayo sa tuwa, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
24 “Subalit kahabag-habag kayong mayayaman,
sapagkat tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.
25 “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
sapagkat kayo'y magugutom.
“Kahabag-habag kayong tumatawa ngayon,
sapagkat kayo'y magluluksa at magsisiiyak.
26 “Kahabag-habag kayo kapag ang lahat ng mga tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
Pag-ibig sa mga Kaaway(K)
27 “Subalit sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo,
28 pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo.
29 Sa sinumang sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo naman ang kabila, at sa sinumang umagaw ng iyong balabal, huwag mong ipagkait pati ang iyong tunika.
30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kapag inagaw ng sinuman ang iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin ang mga iyon.
31 Kung(L) ano ang ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.
32 Kung kayo'y umiibig sa mga umiibig sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay umiibig sa mga umiibig sa kanila.
33 At kung gumawa kayo ng mabuti sa mga gumagawa sa inyo ng mabuti, ano ang mapapala ninyo? Sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan.
34 Kung kayo'y magpahiram lamang sa mga taong mayroon kayong inaasahang tatanggapin, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay nagpapahiram sa mga makasalanan, upang tanggapin nilang muli ang gayunding halaga.
35 Subalit ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti, magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya'y mabait sa mga di-mapagpasalamat at sa masasama.
36 Maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama na maawain.
Paghatol sa Iba(M)
37 “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong humusga at hindi kayo huhusgahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin.
38 Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo—hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw, ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong ipanukat ay doon din kayo susukatin.
39 Sinabi(N) naman niya sa kanila ang isang talinghaga: “Maaari bang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay?
40 Ang(O) alagad ay hindi nakahihigit sa kanyang guro, subalit ang sinumang ganap na sinanay ay nagiging tulad na ng kanyang guro.
41 Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa iyong sariling mata?
42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid hayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso na nasa iyong sariling mata, at makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
Ang Punungkahoy at ang Bunga Nito(P)
43 “Sapagkat walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama, at wala rin namang masamang punungkahoy na mabuti ang bunga.
44 Sapagkat(Q) ang bawat punungkahoy ay nakikilala sa kanyang sariling bunga. Sapagkat ang mga igos ay di naaani mula sa mga tinikan at hindi napipitas ang mga ubas sa dawagan.
45 Ang(R) mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig.
Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(S)
46 “Bakit tinatawag ninyo akong, ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko?
47 Ipapakita ko sa inyo kung ano ang katulad ng bawat lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at ginagawa ang mga ito.
48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at inilagay ang pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumating ang isang baha, humampas ang tubig sa bahay na iyon, ngunit hindi ito natinag, sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito.[d]
49 Subalit ang nakikinig at hindi ginagawa ang mga ito ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang pundasyon. Nang ito'y hampasin ng ilog ay kaagad na nagiba at malaki ang pagkasira ng bahay na iyon.”
Footnotes
- Lucas 6:1 Sa Griyego ay siya .
- Lucas 6:4 o tinapay ng Presensiya .
- Lucas 6:15 MASIGASIG: Miyembro ng isang makabayang pangkat laban sa pamahalaang Romano.
- Lucas 6:48 Sa ibang mga kasulatan ay sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato .
Lucas 6
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
6 Isang Araw ng Pamamahinga, napadaan sina Jesus sa triguhan. Namitas ng trigo ang mga tagasunod niya at niligis[a] ito sa mga kamay nila, at pagkatapos ay kinain ang mga butil. 2 Kaya sinabi ng ilang Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” 3 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? 4 Pumasok siya sa bahay ng Dios at kumuha ng tinapay na inihandog sa Dios at kinain ito. Binigyan din niya ang mga kasamahan niya. Hindi sila nagkasala, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain niyon.” 5 At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(B)
6 Nang isa pang Araw ng Pamamahinga, pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio at nangaral. May isang lalaki roon na paralisado ang kanang kamay. 7 Binantayang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo si Jesus kung magpapagaling siya sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 8 Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Tumayo ka at lumapit dito sa harapan.” Lumapit nga ang lalaki at tumayo sa harapan. 9 Pagkatapos, sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” 10 Tiningnan silang lahat ni Jesus, at pagkatapos ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kamay niya at gumaling ito. 11 Pero galit na galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kaya pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin kay Jesus.
Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol(C)
12 Nang panahong iyon, pumunta si Jesus sa bundok at magdamag siyang nanalangin doon. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang mga tagasunod niya at pumili siya ng 12 mula sa kanila, at tinawag niya silang mga apostol. 14 Ito ay sina Simon (na tinawag niyang Pedro), Andres na kapatid nito, Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[b] 16 Judas na anak ng isa pang Santiago, at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus.
Nangaral at Nagpagaling si Jesus(D)
17 Pagkatapos niyang piliin ang mga apostol niya, bumaba sila mula sa bundok at tumigil sa isang patag na lugar. Naroon ang marami pa niyang tagasunod at ang mga taong nanggaling sa Judea, Jerusalem, at sa baybayin ng Tyre at Sidon. 18 Pumunta sila roon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Pinagaling din ni Jesus ang lahat ng pinahihirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinikap ng lahat ng tao roon na mahipo siya, dahil may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nakapagpapagaling sa lahat.
Ang Mapalad at ang Nakakaawa(E)
20 Tiningnan ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi sa kanila,
“Mapalad kayong mga mahihirap,
dahil kabilang kayo sa kaharian ng Dios.
21 Mapalad kayong mga nagugutom ngayon,
dahil bubusugin kayo.
Mapalad kayong mga umiiyak ngayon,
dahil tatawa kayo.
22 Mapalad kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin na Anak ng Tao ay kamuhian kayo, itakwil, insultuhin, at siraan ang inyong pangalan.
23 Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta noon. Kaya kung gawin ito sa inyo, magalak kayo at lumukso sa tuwa, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.
24 Ngunit nakakaawa kayong mga mayayaman,
dahil tinanggap na ninyo ang inyong kaligayahan.
25 Nakakaawa kayong mga busog ngayon,
dahil magugutom kayo.
Nakakaawa kayong mga tumatawa ngayon,
dahil magdadalamhati kayo at iiyak.
26 Nakakaawa kayo kung pinupuri kayo ng lahat ng tao,
dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”
Mahalin ang mga Kaaway(F)
27 “Ngunit sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway. Maging mabuti kayo sa mga galit sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang mga umaalipusta sa inyo. At idalangin ninyo ang mga nagmamalupit sa inyo. 29 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag may gustong kumuha ng balabal mo, ibigay mo. At kung pati ang damit mo ay kinukuha niya, ibigay mo na rin. 30 Bigyan mo ang sinumang humihingi sa iyo; at kapag may kumuha ng iyong ari-arian ay huwag mo na itong bawiin pa. 31 Gawin ninyo sa inyong kapwa ang gusto ninyong gawin nila sa inyo.
32 “Kung ang mamahalin lang ninyo ay ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Ginagawa rin iyan ng masasamang tao. 33 At kung ang gagawan lang ninyo ng mabuti ay ang mga taong mabuti sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Ginagawa rin iyan ng masasamang tao. 34 At kung ang pinahihiram lang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makakabayad sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Kahit ang masasamang tao ay nagpapahiram din sa kapwa nila masama sa pag-asang babayaran sila. 35 Ito ang inyong gawin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila. Kung magpapahiram kayo, magpahiram kayo nang hindi umaasa ng anumang kabayaran. At malaking gantimpala ang tatanggapin ninyo, at makikilala kayong mga anak ng Kataas-taasang Dios. Sapagkat mabuti siya kahit sa mga taong masama at walang utang na loob. 36 Maging maawain kayo tulad ng inyong Ama.”
Huwag Husgahan ang Kapwa(G)
37 “Huwag ninyong husgahan ang iba, upang hindi rin kayo husgahan ng Dios. Huwag kayong magsabi na dapat silang parusahan ng Dios, upang hindi rin niya kayo parusahan. Magpatawad kayo, upang patawarin din kayo ng Dios. 38 Magbigay kayo, upang bigyan din kayo ng Dios. Ibabalik sa inyo nang sobra-sobra at umaapaw ang ibinigay ninyo. Sapagkat kung paano kayo magbigay sa iba, ganoon din ang pagbibigay ng Dios sa inyo.”[c]
39 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila ang talinghaga na ito: “Hindi maaaring maging tagaakay ng bulag ang kapwa bulag, dahil pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa iyon. 40 Walang mag-aaral na mas higit sa kanyang guro. Ngunit kapag lubusan nang naturuan, magiging katulad siya ng kanyang guro. 41 Bakit mo pinupuna ang munting puwing sa mata ng kapwa mo, pero hindi mo naman pinapansin ang mala-trosong puwing sa mata mo? 42 Paano mo masasabi sa kanya, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nakikita ang mala-trosong puwing sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang mala-trosong puwing sa mata mo, nang sa ganoon ay makakita kang mabuti para maalis mo ang puwing sa mata ng kapwa mo.”
Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(H)
43 “Ang mabuting puno ay hindi namumunga ng masama, at ang masamang puno ay hindi namumunga ng mabuti. 44 Ang bawat puno ay nakikilala sa bunga nito. Ang matitinik na halaman ay hindi namumunga ng igos o ubas. 45 Ganoon din naman ang tao. Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti dahil puno ng kabutihan ang puso niya. Ngunit ang masamang tao ay nagsasalita ng masama dahil puno ng kasamaan ang puso niya. Sapagkat kung ano ang nasa puso ng isang tao, iyon din ang lumalabas sa kanyang bibig.”
Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay(I)
46 “Bakit ninyo ako tinatawag na Panginoon, gayong hindi naman ninyo sinusunod ang mga sinasabi ko? 47 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang kahalintulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig at sumusunod sa mga sinasabi ko: 48 Katulad siya ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at dinaanan ng malakas na agos ang bahay, hindi iyon nayanig dahil matibay ang pagkakatayo. 49 Ngunit ang nakikinig sa mga sinasabi ko pero hindi naman ito sinusunod ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay na walang matibay na pundasyon. Nang bumaha at dinaanan ng malakas na agos ang bahay, nagiba ito at lubusang nawasak.”
Luke 6
New American Bible (Revised Edition)
Chapter 6
Debates About the Sabbath.[a] 1 (A)While he was going through a field of grain on a sabbath, his disciples were picking the heads of grain, rubbing them in their hands, and eating them.(B) 2 Some Pharisees said, “Why are you doing what is unlawful on the sabbath?” 3 (C)Jesus said to them in reply, “Have you not read what David did when he and those [who were] with him were hungry? 4 [How] he went into the house of God, took the bread of offering,[b] which only the priests could lawfully eat, ate of it, and shared it with his companions.”(D) 5 Then he said to them, “The Son of Man is lord of the sabbath.”
6 (E)On another sabbath he went into the synagogue and taught, and there was a man there whose right hand was withered. 7 The scribes and the Pharisees watched him closely to see if he would cure on the sabbath so that they might discover a reason to accuse him.(F) 8 But he realized their intentions and said to the man with the withered hand, “Come up and stand before us.” And he rose and stood there.(G) 9 Then Jesus said to them, “I ask you, is it lawful to do good on the sabbath rather than to do evil, to save life rather than to destroy it?” 10 Looking around at them all, he then said to him, “Stretch out your hand.” He did so and his hand was restored. 11 But they became enraged and discussed together what they might do to Jesus.
The Mission of the Twelve.[c] 12 (H)In those days he departed to the mountain to pray, and he spent the night in prayer[d] to God. 13 When day came, he called his disciples to himself, and from them he chose Twelve,[e] whom he also named apostles: 14 (I)Simon, whom he named Peter,[f] and his brother Andrew, James, John, Philip, Bartholomew, 15 Matthew, Thomas, James the son of Alphaeus, Simon who was called a Zealot,[g] 16 and Judas the son of James, and Judas Iscariot,[h] who became a traitor.
Ministering to a Great Multitude.(J) 17 [i]And he came down with them and stood on a stretch of level ground. A great crowd of his disciples and a large number of the people from all Judea and Jerusalem and the coastal region of Tyre and Sidon 18 came to hear him and to be healed of their diseases; and even those who were tormented by unclean spirits were cured. 19 Everyone in the crowd sought to touch him because power came forth from him and healed them all.
Sermon on the Plain.(K) 20 [j]And raising his eyes toward his disciples he said:
“Blessed are you who are poor,[k]
for the kingdom of God is yours.
21 Blessed are you who are now hungry,
for you will be satisfied.
Blessed are you who are now weeping,
for you will laugh.(L)
22 Blessed are you when people hate you,
and when they exclude and insult you,
and denounce your name as evil
on account of the Son of Man.(M)
23 Rejoice and leap for joy on that day! Behold, your reward will be great in heaven. For their ancestors treated the prophets in the same way.(N)
24 But woe to you who are rich,
for you have received your consolation.(O)
25 But woe to you who are filled now,
for you will be hungry.
Woe to you who laugh now,
for you will grieve and weep.(P)
26 Woe to you when all speak well of you,
for their ancestors treated the false prophets in this way.(Q)
Love of Enemies.[l] 27 (R)“But to you who hear I say, love your enemies, do good to those who hate you,(S) 28 bless those who curse you, pray for those who mistreat you.(T) 29 To the person who strikes you on one cheek, offer the other one as well, and from the person who takes your cloak, do not withhold even your tunic. 30 Give to everyone who asks of you, and from the one who takes what is yours do not demand it back. 31 Do to others as you would have them do to you.(U) 32 For if you love those who love you, what credit is that to you? Even sinners love those who love them. 33 And if you do good to those who do good to you, what credit is that to you? Even sinners do the same. 34 If you lend money to those from whom you expect repayment, what credit [is] that to you? Even sinners lend to sinners, and get back the same amount.(V) 35 But rather, love your enemies and do good to them, and lend expecting nothing back; then your reward will be great and you will be children of the Most High, for he himself is kind to the ungrateful and the wicked.(W) 36 Be merciful, just as [also] your Father is merciful.
Judging Others.[m] 37 (X)“Stop judging and you will not be judged. Stop condemning and you will not be condemned. Forgive and you will be forgiven.(Y) 38 Give and gifts will be given to you; a good measure, packed together, shaken down, and overflowing, will be poured into your lap. For the measure with which you measure will in return be measured out to you.”(Z) 39 And he told them a parable, “Can a blind person guide a blind person? Will not both fall into a pit?(AA) 40 No disciple is superior to the teacher; but when fully trained, every disciple will be like his teacher.(AB) 41 Why do you notice the splinter in your brother’s eye, but do not perceive the wooden beam in your own? 42 How can you say to your brother, ‘Brother, let me remove that splinter in your eye,’ when you do not even notice the wooden beam in your own eye? You hypocrite! Remove the wooden beam from your eye first; then you will see clearly to remove the splinter in your brother’s eye.
A Tree Known by Its Fruit.(AC) 43 [n]“A good tree does not bear rotten fruit, nor does a rotten tree bear good fruit. 44 For every tree is known by its own fruit. For people do not pick figs from thornbushes, nor do they gather grapes from brambles. 45 A good person out of the store of goodness in his heart produces good, but an evil person out of a store of evil produces evil; for from the fullness of the heart the mouth speaks.
The Two Foundations. 46 (AD)“Why do you call me, ‘Lord, Lord,’ but not do what I command? 47 [o]I will show you what someone is like who comes to me, listens to my words, and acts on them.(AE) 48 That one is like a person building a house, who dug deeply and laid the foundation on rock; when the flood came, the river burst against that house but could not shake it because it had been well built. 49 But the one who listens and does not act is like a person who built a house on the ground without a foundation. When the river burst against it, it collapsed at once and was completely destroyed.”
Footnotes
- 6:1–11 The two episodes recounted here deal with gathering grain and healing, both of which were forbidden on the sabbath. In his defense of his disciples’ conduct and his own charitable deed, Jesus argues that satisfying human needs such as hunger and performing works of mercy take precedence even over the sacred sabbath rest. See also notes on Mt 12:1–14 and Mk 2:25–26.
- 6:4 The bread of offering: see note on Mt 12:5–6.
- 6:12–16 See notes on Mt 10:1–11:1 and Mk 3:14–15.
- 6:12 Spent the night in prayer: see note on Lk 3:21.
- 6:13 He chose Twelve: the identification of this group as the Twelve is a part of early Christian tradition (see 1 Cor 15:5), and in Matthew and Luke, the Twelve are associated with the twelve tribes of Israel (Lk 22:29–30; Mt 19:28). After the fall of Judas from his position among the Twelve, the need is felt on the part of the early community to reconstitute this group before the Christian mission begins at Pentecost (Acts 1:15–26). From Luke’s perspective, they are an important group who because of their association with Jesus from the time of his baptism to his ascension (Acts 1:21–22) provide the continuity between the historical Jesus and the church of Luke’s day and who as the original eyewitnesses guarantee the fidelity of the church’s beliefs and practices to the teachings of Jesus (Lk 1:1–4). Whom he also named apostles: only Luke among the gospel writers attributes to Jesus the bestowal of the name apostles upon the Twelve. See note on Mt 10:2–4. “Apostle” becomes a technical term in early Christianity for a missionary sent out to preach the word of God. Although Luke seems to want to restrict the title to the Twelve (only in Acts 4:4, 14 are Paul and Barnabas termed apostles), other places in the New Testament show an awareness that the term was more widely applied (1 Cor 15:5–7; Gal 1:19; 1 Cor 1:1; 9:1; Rom 16:7).
- 6:14 Simon, whom he named Peter: see note on Mk 3:16.
- 6:15 Simon who was called a Zealot: the Zealots were the instigators of the First Revolt of Palestinian Jews against Rome in A.D. 66–70. Because the existence of the Zealots as a distinct group during the lifetime of Jesus is the subject of debate, the meaning of the identification of Simon as a Zealot is unclear.
- 6:16 Judas Iscariot: the name Iscariot may mean “man from Kerioth.”
- 6:17 The coastal region of Tyre and Sidon: not only Jews from Judea and Jerusalem, but even Gentiles from outside Palestine come to hear Jesus (see Lk 2:31–32; 3:6; 4:24–27).
- 6:20–49 Luke’s “Sermon on the Plain” is the counterpart to Matthew’s “Sermon on the Mount” (Mt 5:1–7:27). It is addressed to the disciples of Jesus, and, like the sermon in Matthew, it begins with beatitudes (Lk 6:20–22) and ends with the parable of the two houses (Lk 6:46–49). Almost all the words of Jesus reported by Luke are found in Matthew’s version, but because Matthew includes sayings that were related to specifically Jewish Christian problems (e.g., Mt 5:17–20; 6:1–8, 16–18) that Luke did not find appropriate for his predominantly Gentile Christian audience, the “Sermon on the Mount” is considerably longer. Luke’s sermon may be outlined as follows: an introduction consisting of blessings and woes (Lk 6:20–26); the love of one’s enemies (Lk 6:27–36); the demands of loving one’s neighbor (Lk 6:37–42); good deeds as proof of one’s goodness (Lk 6:43–45); a parable illustrating the result of listening to and acting on the words of Jesus (Lk 6:46–49). At the core of the sermon is Jesus’ teaching on the love of one’s enemies (Lk 6:27–36) that has as its source of motivation God’s graciousness and compassion for all humanity (Lk 6:35–36) and Jesus’ teaching on the love of one’s neighbor (Lk 6:37–42) that is characterized by forgiveness and generosity.
- 6:20–26 The introductory portion of the sermon consists of blessings and woes that address the real economic and social conditions of humanity (the poor—the rich; the hungry—the satisfied; those grieving—those laughing; the outcast—the socially acceptable). By contrast, Matthew emphasizes the religious and spiritual values of disciples in the kingdom inaugurated by Jesus (“poor in spirit,” Mt 5:3; “hunger and thirst for righteousness,” Mt 5:6). In the sermon, blessed extols the fortunate condition of persons who are favored with the blessings of God; the woes, addressed as they are to the disciples of Jesus, threaten God’s profound displeasure on those so blinded by their present fortunate situation that they do not recognize and appreciate the real values of God’s kingdom. In all the blessings and woes, the present condition of the persons addressed will be reversed in the future.
- 6:27–36 See notes on Mt 5:43–48 and Mt 5:48.
- 6:37–42 See notes on Mt 7:1–12; 7:1; 7:5.
- 6:43–46 See notes on Mt 7:15–20 and 12:33.
- 6:47–49 See note on Mt 7:24–27.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Scripture texts, prefaces, introductions, footnotes and cross references used in this work are taken from the New American Bible, revised edition © 2010, 1991, 1986, 1970 Confraternity of Christian Doctrine, Inc., Washington, DC All Rights Reserved. No part of this work may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by any information storage and retrieval system, without permission in writing from the copyright owner.
