Add parallel Print Page Options

Si Jesus at si Zaqueo

19 Pumasok at nagdaan si Jesus sa Jerico. May isang lalaki doon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay pinuno ng mga maniningil ng buwis at mayaman. Sinisikap niyang makita kung sino si Jesus, subalit dahil sa dami ng tao ay hindi niya ito makita sapagkat siya ay pandak. Kaya't patakbo siyang nauna at umakyat sa puno ng sikomoro, sapagkat si Jesus ay malapit nang dumaan doon. Pagdating ni Jesus sa tapat niyon, tumingala siya at sinabi kay Zaqueo, “Zaqueo, dalian mo, bumaba ka sapagkat ngayo'y kailangan kong tumuloy sa iyong bahay.” Kaya't nagmamadaling bumaba si Zaqueo at tuwang-tuwang pinatuloy si Jesus sa kanyang bahay. Ang lahat ng nakakita nito ay nagsimulang magbulungan, “Pumasok siya upang maging panauhin sa bahay ng isang makasalanan.” Tumayo si Zaqueo at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, masdan po ninyo, ibibigay ko sa mahihirap ang kalahati ng aking pag-aari. At kung mayroon man akong dinaya, ibabalik ko iyon nang apat na ulit.” At sinabi sa kanya ni Jesus, “Sa araw na ito, ang kaligtasan ay dumating sa bahay na ito, sapagkat ang taong ito ay anak din ni Abraham. 10 Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Ang Talinghaga ng Sampung Gintong Salapi(A)

11 Habang pinakikinggan nila ang mga ito, isinalaysay pa ni Jesus ang isang talinghaga, sapagkat malapit na siya sa Jerusalem at inaakala nilang ang paghahari ng Diyos ay kaagad mahahayag. 12 Kaya sinabi niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa malayong lugar upang maging hari, at pagkatapos ay bumalik. 13 Bago umalis, tinawag niya ang sampu niyang alipin, binigyan ang mga ito ng gintong salapi[a] at sinabi sa kanila, ‘Gamitin ninyo ito sa negosyo hanggang sa aking pagbabalik.’ 14 Ngunit kinapootan naman siya ng mga mamamayan at nagsugo ang mga ito ng kinatawan na nagsabing, ‘Ayaw naming maging hari ang taong ito.’ 15 At nang sumapit ang kanyang pagbabalik pagkatapos niyang maging hari, pinatawag niya ang kanyang mga aliping binigyan niya ng salapi upang alamin kung ano ang tinubo nila sa pangangalakal. 16 At lumapit ang una na nagsabi, ‘Panginoon, ang inyong gintong salapi ay tumubo ng sampu.’ 17 Kaya sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin! Sapagkat naging tapat ka sa kaunti, mamahala ka sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Panginoon, tumubo ng lima ang inyong gintong salapi.’ 19 At sinabi rin niya rito, ‘Ikaw naman, mamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi na aking ibinalot sa panyo. 21 Sapagkat natakot po ako sa inyo dahil kayo ay isang taong mahigpit. Kinukuha ninyo ang hindi ninyo itinabi, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’ 22 Sumagot ang hari, ‘Masamang alipin! Sa iyong bibig na rin nanggaling ang aking hatol sa iyo. Alam mo na palang ako ay mahigpit, na kinukuha ko ang hindi ko itinabi at inaani ko ang hindi ko itinanim, 23 bakit hindi mo man lang inilagay sa bangko ang salapi? Nang sa gayon, sa aking pagbabalik ay kumita man lang ako sa tubo nito.’ 24 At sinabi niya sa mga nakatayo roon, ‘Kunin ninyo sa taong ito ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, mayroon na po siyang sampu.’ 26 ‘Sinasabi ko sa inyo, bibigyan pa ang sinumang mayroon na, ngunit ang wala, kahit ang nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa aking mga kaaway na ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sila sa aking harapan.’ ”

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(B)

28 Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus sa pag-akyat sa Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Betfage at Betania, sa lugar na tinatawag na Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa sa mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok ninyo roo'y makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali na hindi pa nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 31 Kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan?’ ganito ang sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon.’ ” 32 Sumunod ang mga inutusan, at natagpuan nga nila ang asno ayon sa sinabi sa kanila. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno ay tinanong sila ng may-ari nito, “Bakit ninyo kinakalagan ang batang asno?” 34 Kaya't sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.” 35 Dinala nila ang batang asno kay Jesus at matapos ilagay sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya ay pinasakay nila dito. 36 Samantalang siya'y nakasakay sa batang asno, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang damit sa daan. 37 Nang malapit na siya sa daan pababa sa Bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagsimulang magsaya at magpuri sa Diyos nang pasigaw tungkol sa nasaksihan nilang mga kababalaghan. 38 Sinabi nila,

“Pinagpala ang Haring dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Kapayapaan sa langit at luwalhati sa kataas-taasan.”

39 Ilan sa mga Fariseo na nasa karamihan ay nagsabi sa kanya, “Guro! Sawayin mo ang iyong mga alagad.” 40 Ngunit sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo, kung tatahimik ang mga ito, magsisigawan ang mga bato.” 41 Nang papalapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung alam mo lang sana sa araw na ito kung ano ang magdudulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ngayon, itinago ang mga ito sa iyong mga mata. 43 Sapagkat darating sa iyo ang mga araw na magtatayo ng moog ang iyong mga kaaway at palilibutan ka nila at lulusubin ka nila sa bawat panig. 44 Ibabagsak ka nila sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Wala silang ititirang bato na nasa ibabaw ng ibang bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo ng Diyos.”

Nilinis ni Jesus ang Templo(C)

45 Pumasok si Jesus sa templo, at sinimulan niyang itaboy ang mga nagtitinda roon. 46 Sinasabi niya sa kanila, “Nasusulat,

‘Ang tahanan ko ay magiging bahay-dalanginan;’
    ngunit ginawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”

47 Araw-araw siyang nangangaral sa templo. Sinikap siyang patayin ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan, 48 ngunit wala silang matagpuang paraan upang maisagawa ito sapagkat ang mga tao ay nakatuon sa pakikinig sa kanya.

Tinanong ang Karapatan ni Jesus(D)

20 Isang araw, habang nagtuturo si Jesus sa mga tao sa templo at nangangaral ng ebanghelyo, lumapit sa kanya ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan kasama ang matatandang pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo sa amin kung ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang ito?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mayroon din akong itatanong sa inyo. Sagutin ninyo ako: Saan nagmula ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa langit ba o sa tao?” Kaya't sila'y nag-usap-usap. “Kung sasabihin nating, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niyang, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniniwalaan?’ Ngunit kung sasabihin naman nating, ‘Mula sa tao,’ babatuhin tayo ng taong-bayan, sapagkat naniniwala silang si Juan ay propeta.” Kaya't isinagot nilang hindi nila alam kung saan nagmula. At sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang karapatan kong gumawa ng mga ito.”

Ang Talinghaga ng mga Magsasaka sa Ubasan(E)

At sinimulan niyang isalaysay ang talinghagang ito sa mga taong-bayan: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at siya ay nangibang-bayan nang mahabang panahon. 10 Nang panahon na ng anihan, nagsugo siya ng alipin sa mga katiwala upang mabigyan siya ng parte niya mula sa ubasan. Ngunit binugbog ng mga katiwala ang kanyang sugo at pinauwing walang dala. 11 Muli siyang nagsugo ng isang alipin; ngunit ito man ay binugbog, hinamak, at pinauwing walang dala. 12 Ipinadala niya ang ikatlong sugo, ngunit kahit ito'y kanilang sinugatan at ipinagtabuyan. 13 Kaya't sinabi ng may-ari ng ubasan, ‘Ano ang gagawin ko? Isusugo ko ang aking mahal na anak. Baka naman siya'y igalang na nila.’ 14 Ngunit nang makita na ng mga katiwala ang anak ng may-ari, nag-usap-usap sila, at sinabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 15 At inilabas nila sa ubasan ang anak at doon pinatay. Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan? 16 Pupunta siya doon at papatayin ang mga katiwalang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba.” Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, “Huwag nawang loobin iyan ng Diyos!” 17 Tinitigan sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan nito na nasusulat:

‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo
    ang siyang naging batong-panulukan’?

18 Ang bawat mahulog sa batong ito ay magkakadurug-durog, at dudurugin nito ang sinumang kanyang mabagsakan.” 19 Nang mahalata ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga punong pari na sila ang pinatatamaan ng talinghagang iyon, tinangka nilang dakpin si Jesus, ngunit hindi nila nagawa dahil takót sila sa mga tao.

Pagbabayad ng Buwis sa Emperador(F)

20 Kaya minatyagan nila si Jesus at sila'y nagsugo ng mga espiya upang magkunwaring matatapat, nang sa gayo'y mahuli siya sa kanyang sasabihin at madala siya sa pamamahala at kapangyarihan ng gobernador. 21 Nagtanong ang mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming ikaw ay nagsasabi at nagtuturo nang tama at wala kang pinapanigang tao, sa halip ay itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. 22 Nararapat po bang magbayad ng buwis sa Emperador o hindi?” 23 Ngunit batid niya ang kanilang katusuhan kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Ipakita ninyo sa akin ang isang denaryo. Kaninong larawan at pangalan ang narito?” At sinabi nila, “Sa Emperador.” 25 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” 26 At hindi nila nagawang hulihin siya sa kanyang sinabi sa harap ng mga tao. Namangha sila sa kanyang mga sagot at sila'y tumahimik.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay(G)

27 Lumapit kay Jesus ang ilang Saduceo, ang mga hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. Siya'y kanilang tinanong, 28 na nagsasabi, “Guro, isinulat sa atin ni Moises na kung namatay ang lalaking kapatid ng isang lalaki, at ang asawa nito'y naiwang walang anak, dapat na pakasalan ng lalaking naiwan ang asawa nito upang mabigyan ng anak ang kanyang namatay na kapatid. 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Ang ikalawa 31 at ang ikatlo hanggang ikapito ay pinakasalan ang balo ngunit lahat ay namatay na walang iniwang anak. 32 Sa huli ay namatay na rin ang babae. 33 Sa muling pagkabuhay, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? Sapagkat ang pito ay naging asawa niya.” 34 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang mga tao sa kapanahunang ito ay nag-aasawa o pinag-aasawa. 35 Subalit ang mga karapat-dapat makabahagi sa kapanahunang iyon at sa muling pagkabuhay ay hindi mag-aasawa at pag-aasawahin. 36 Hindi na sila mamamatay, sapagkat para na silang mga anghel. Sila ay mga anak na ng Diyos at mga bunga ng muling pagkabuhay. 37 Ang muling pagkabuhay ng mga patay ay pinatunayan mismo ni Moises, sa kwento tungkol sa nagliliyab na mababang puno, nang tawagin niya ang Panginoon na ‘Diyos ni Abraham, at Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 38 Siya ay Diyos hindi ng mga patay kundi ng mga buháy sapagkat nabubuhay ang lahat sa kanya.” 39 Ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan ang nagsabi, “Guro, magaling ang iyong isinagot.” 40 Kaya, hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng kahit ano.

Ang Tanong tungkol sa Anak ni David(H)

41 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Paano nila nasasabing ang Cristo ay anak ni David? 42 Gayong si David mismo ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa aking kanan,
43     hanggang sa magawa kong tuntungan ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.” ’

44 Tinawag siya ni David na Panginoon. Paano siya naging anak ni David?”

Ang Babala tungkol sa mga Tagapagturo ng Kautusan(I)

45 Habang nakikinig ang lahat ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig maglakad na suot ang mahabang damit at gustung-gusto nilang pagpugayan sila sa mga pamilihan. Gustung-gusto rin nila ang mga pangunahing upuan sa sinagoga at mga upuang pandangal sa mga piging. 47 Kinakamkam nila ang mga tahanan ng mga babaing balo at kunwari'y nananalangin nang mahahaba. Mas matinding parusa ang tatanggapin ng mga taong iyan.”

Ang Handog ng Babaing Balo(J)

21 Nang tumingala siya, nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng kanilang handog sa kabang-yaman ng templo. Nakita rin niya ang isang mahirap na babaing balo na nag-alay ng dalawang kusing, kaya't sinabi niya, “Totoo ang sinasabi ko sa inyo: ang mahirap na babaing balong iyon ang nag-alay ng higit sa ihinandog ng lahat. Sapagkat lahat sila'y naghandog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit ang babaing ito, kahit sa kanyang kahirapan ay nag-alay ng buo niyang ikinabubuhay.”

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(K)

Samantalang nag-uusap ang ilan tungkol sa templo, kung paano ito nagagayakan ng magagandang bato at ng mga handog, sinabi ni Jesus, “Darating ang panahon na lahat ng nakikita ninyong ito ay iguguho, at walang bato na makikitang nasa ibabaw ng isa pang bato.”

Mga Tanda at Pag-uusig na Darating(L)

Tinanong ng mga alagad si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang mga ito? At ano ang magiging tanda na malapit nang mangyari ang mga ito?” At sinabi niya, “Mag-ingat kayo upang hindi mailigaw ng sinuman. Sapagkat marami ang darating na gumagamit ng aking pangalan at magsasabi, ‘Ako ang Cristo!’[b] at ‘Malapit na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. At kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong matakot, sapagkat kailangan munang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang wakas.” 10 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Makikidigma ang isang bansa laban sa isang bansa at ang isang kaharian laban sa isang kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, mga taggutom at mga salot sa iba't ibang dako; at mula sa langit ay lilitaw ang mga kakila-kilabot at dakilang tanda. 12 Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, dadakpin muna nila kayo at uusigin. Dadalhin nila kayo sa mga sinagoga at mga bilangguan, at dahil sa aking pangalan ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. 13 Magbibigay sa inyo ito ng pagkakataon upang magpatotoo. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag isipin kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili. 15 Sapagkat ako ang magkakaloob sa inyo ng sasabihin at karunungan na hindi matututulan o mapabubulaanan ng lahat ng mga sumasalungat sa inyo. 16 Ipagkakanulo kayo maging ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. 18 Ngunit kahit isang hibla ng buhok ninyo sa ulo ay hinding-hindi malalagas. 19 Makakamit ninyo ang inyong buhay dahil sa inyong pagtitiis.”

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagbagsak ng Jerusalem(M)

20 “Kapag nakita ninyong napalilibutan ng mga hukbo ang Jerusalem, alam ninyong malapit na ang pagkawasak nito. 21 Kaya't ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa bundok at ang mga nasa loob ng lungsod ay lumabas mula rito, at ang mga nasa bukid sa palibot nito ay huwag nang pumasok pa. 22 Sapagkat ito ang mga araw ng kaparusahan, bilang katuparan ng lahat ng mga naisulat. 23 Kaysaklap ng sasapitin ng mga nagdadalang-tao at nagpapasuso sa mga araw na iyon. Magkakaroon ng matinding pagdurusa sa lupain at poot laban sa bayang ito. 24 Mamamatay ang ilan sa pamamagitan ng patalim at ang iba'y dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa; at yuyurakan ng mga Hentil ang Jerusalem hanggang matupad ang mga panahon ng mga Hentil.”

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(N)

25 “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. At sa lupa, mababagabag ang mga bansa at ikalilito nila ang ugong at daluyong ng dagat. 26 Hihimatayin ang mga tao sa takot at mangangamba dahil sa mga darating sa daigdig sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalangitan. 27 Pagkatapos ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa alapaap at may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 28 At kapag nagsimula na ang mga ito, tumayo kayo at itingala ang inyong ulo sapagkat malapit na ang pagtubos sa inyo.”

Ang Aral tungkol sa Puno ng Igos(O)

29 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito, nakikita ninyo at nalalaman ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman kayo; kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, alam ninyong nalalapit na ang paghahari ng Diyos. 32 Tinitiyak ko sa inyo: hinding-hindi lilipas ang salinlahing ito hangga't hindi nagaganap ang lahat. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit hinding-hindi lilipas ang aking mga salita.”

Kailangang Magbantay

34 “Mag-ingat kayo upang hindi magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at paglalasing, at sa mga alalahanin sa buhay. Baka bigla na lang sumapit ang araw na iyon 35 na parang isang bitag. Sapagkat darating ito sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Idalangin ninyong magkaroon kayo ng lakas upang makatakas kayo sa lahat ng mangyayaring ito at tumayo sa harap ng Anak ng Tao.”

37 Si Jesus ay nagtuturo sa templo sa araw ngunit sa gabi ay nagpapalipas siya ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. 38 Maaga pa lang ay nagpupunta na sa templo ang mga tao upang mapakinggan siya.

Ang Pakana Laban kay Jesus(P)

22 Nalalapit na noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskuwa. Naghahanap ng paraan ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan kung paano nila siya mapapatay, bagaman natatakot sila sa mga tao. Pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa labindalawa. Umalis siya at nakipag-usap sa mga punong pari at mga pinuno ng mga bantay sa templo kung paano niya maipagkakanulo sa kanila si Jesus. Natuwa sila at nagkasundong bigyan ng salapi si Judas. Pumayag naman ito at naghanap ng pagkakataong ipagkanulo si Jesus sa kanila nang lingid sa maraming tao.

Ang Paghahanda para sa Paskuwa(Q)

Sumapit ang Araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa kung kailan kailangang magpatay ng isang kordero bilang alay para sa Paskuwa. Kaya't isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan at pinagbilinan, “Humayo kayo at ihanda ninyo ang pagkain para sa Paskuwa upang kainin natin.” At itinanong nila sa kanya, “Saan po ninyo nais na ihanda namin ito?” 10 Sinabi niya sa kanila, “Makinig kayo; pagpasok ninyo sa lungsod ay sasalubungin kayo ng isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukin. 11 At sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinatatanong sa iyo ng Guro, nasaan ang silid-panauhin na makakainan niya ng pagkaing Paskuwa kasama ng kanyang mga alagad?’ 12 Ituturo sa inyo ng taong iyon ang isang malaking silid sa itaas; may mga kagamitan na roon. Doon kayo maghanda.” 13 Pumunta nga sila at natagpuan nila ang lahat gaya ng sinabi ni Jesus; at inihanda nila ang pagkain para sa Paskuwa.

Ang Hapunan ng Panginoon(R)

14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag na kasama ang mga apostol. 15 Sinabi niya sa kanila, “Matagal ko nang inaasam na makasalo kayo sa hapunang ito ng Paskuwa bago ako magdusa. 16 Sapagkat sinasabi ko sa inyong hinding-hindi na ako kakain nito hanggang maganap ito sa paghahari ng Diyos.” 17 At kumuha siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat ay kanyang sinabi, “Kunin ninyo ito at pagsalu-saluhan. 18 Sapagkat sinasabi ko sa inyo na mula ngayon, hinding-hindi na ako iinom ng katas ng ubas hanggang sa dumating ang paghahari ng Diyos.” 19 Dumampot siya ng tinapay, at matapos magpasalamat ay pinagputul-putol ito at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na ibinibigay para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Matapos kumain, ganoon din ang ginawa niya sa kopa, sinabi niya, “Ang kopang ito ang bagong tipan sa aking dugo na nabubuhos para sa inyo. 21 Ngunit narito at kasalo ko sa hapag ang kamay ng magkakanulo sa akin. 22 Sapagkat ang Anak ng Tao nga ay tutungo ayon sa itinakda, subalit kaysaklap ng sasapitin ng taong magkakanulo sa kanya.” 23 Kaya't nagsimula silang magtanungan kung sino kaya sa kanila ang gagawa ng ganoon.

Ang Pagtatalu-talo tungkol sa Kadakilaan

24 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 25 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Ang pinuno ng mga Hentil ay naghahangad na sila'y paglingkuran bilang mga panginoon ng kanilang mga nasasakupan; at ang mga nasa kapangyarihan ay itinuturing nilang mga tagatangkilik. 26 Ngunit hindi ganoon sa inyo; sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang kailangang maging parang pinakabata, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. 27 Sapagkat sino ba ang higit na dakila? Ang nakaupo sa hapag o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Ngunit ako ay kasama ninyo bilang tagapaglingkod. 28 Kayo ang nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok. 29 At inilalaan ko sa inyo ang isang kaharian, kung paano rin inilaan ng Ama ang isang kaharian para sa akin, 30 upang kayo'y makakain at makainom sa aking hapag sa aking kaharian. At mauupo kayo sa mga trono bilang mga hukom sa labindalawang lipi ng Israel.”

Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(S)

31 “Simon, Simon, makinig ka! Hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng sa trigo. 32 Ngunit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya; at kapag nagbalik-loob ka na, dapat mong palakasin ang iyong mga kapatid.” 33 Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong sumama sa inyo hanggang sa bilangguan o sa kamatayan.” 34 Ngunit sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, sa araw na ito, bago pa tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo na akong naipagkaila.”

Walang Supot, Pagkain, Sandalyas

35 Sinabi niya sa kanila, “Nang isugo ko kayong walang lalagyan ng salapi, o baunan ng pagkain, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” At sinabi nila, “Hindi po.” 36 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, magdala kayo ng lalagyan ng salapi at ng pagkain. At ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng tabak. 37 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, ang bahaging ito ng Kasulatan ay kailangang matupad sa akin, ‘Ibinilang siya sa mga salarin.’ Natutupad na nga ang nasusulat tungkol sa akin.” 38 At sinabi ng mga alagad, “Panginoon, narito ang dalawang tabak.” Sumagot siya, “Tama na!”

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(T)

39 Gaya ng kanyang nakaugalian, lumabas si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo; sumunod naman sa kanya ang mga alagad. 40 Pagdating doon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” 41 At humiwalay siya sa kanila nang di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 “Ama,” wika niya, “kung mamarapatin mo, alisin mo sa akin ang kopang ito. Gayunpaman, huwag ang aking kalooban kundi ang sa iyo ang masunod.” [ 43 At nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit na nagpalakas sa kanya.[c] 44 Sa tindi ng paghihirap, pinaigting pa niya ang pananalangin. At nagmistulang patak ng dugong tumutulo sa lupa ang kanyang pawis.] 45 Pagtayo niya sa pananalangin, naratnan niyang natutulog ang mga alagad dahil sa kalungkutan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Ang Pagdakip kay Jesus(U)

47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming tao. Pinangungunahan ang mga ito ng taong tinatawag na Judas, isa sa Labindalawa. Lumapit ito kay Jesus upang siya'y hagkan. 48 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Judas, sa pamamagitan ba ng isang halik ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng Tao?” 49 Nang makita ng mga kasama niya ang nangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamit na ba kami ng tabak?” 50 At tinaga ng isa sa kanila ang lingkod ng Kataas-taasang Pari at natagpas ang kanang tainga nito. 51 Subalit sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Pagkatapos, hinipo niya ang tainga ng lingkod at ito ay pinagaling. 52 At sinabi ni Jesus sa mga punong pari, mga pinuno ng bantay ng templo at mga matatandang pinuno ng bayan na nagsadya sa kanya, “Sumugod kayo ritong may dalang mga tabak at pamalo, ako ba ay tulisan? 53 Araw-araw ninyo akong kasama sa templo ngunit ako'y hindi ninyo hinuhuli. Subalit ito na ang oras ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman.”

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(V)

54 Dinakip si Jesus, at dinala sa bahay ng Kataas-taasang Pari. Sa di-kalayuan naman ay sumunod si Pedro. 55 Ang mga tao ay nagpaningas ng apoy sa gitna ng patyo at naupong magkakasama. Nakiupo ring kasama nila si Pedro. 56 Isang babaing lingkod ang nakakita sa kanya na nakaupo malapit sa apoy. Pinagmasdan niyang mabuti si Pedro at sinabi, “Kasamahan din niya ang taong ito!” 57 Subalit itinanggi ito ni Pedro at sinabi, “Babae, hindi ko siya kilala!” 58 Hindi nagtagal at mayroon muling nakakita sa kanya at nagsabi, “Isa ka rin sa kanila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi.” 59 Makalipas ang halos isang oras, iginigiit ng isa pa, “Tiyak na kasamahan niya ang lalaking ito sapagkat siya ay taga-Galilea rin.” 60 At sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko alam ang sinasabi mo.” Hindi pa siya tapos sa pagsasalita nang biglang tumilaok ang tandang. 61 Lumingon ang Panginoon at tumitig kay Pedro; at naalala ni Pedro ang mga salita ng Panginoon nang sabihin nito sa kanya, “Sa araw na ito, bago pa tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo na akong naipagkaila.” 62 Kaya lumabas siya at umiyak nang buong kapaitan.

Kinutya at Binugbog si Jesus(W)

63 Sinimulan ng mga lalaking nagbabantay kay Jesus na siya'y kutyain at bugbugin. 64 Piniringan siya at tinanong ng ganito, “Hulaan mo! Sino ang sumuntok sa iyo?” 65 Marami pang ibang panlalait ang sinabi sa kanya.

Si Jesus sa Harapan ng Sanhedrin(X)

66 Kinaumagahan, nagtipun-tipon ang mga matatandang pinuno ng bayan, mga punong pari at maging ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinala si Jesus sa kanilang Sanhedrin. 67 Sinabi nila, “Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Sumagot siya sa kanila, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi naman kayo maniniwala. 68 At kung tatanungin ko kayo, hindi kayo sasagot. 69 Ngunit magmula ngayon, mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos ang Anak ng Tao.” 70 Sinabi nilang lahat, “Kung gayo'y ikaw ba ang Anak ng Diyos?” At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagsasabi na ako nga.” 71 At sinabi nila, “Bakit pa natin kailangan ng patunay? Tayo na mismo ang nakarinig mula sa kanyang bibig.”

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(Y)

23 Tumindig ang buong kapulungan at dinala si Jesus kay Pilato. Nagsimula sila na paratangan si Jesus. Sinabi nila, “Natagpuan namin ang taong ito na inililigaw ang aming bansa at ipinagbabawal ang pagbubuwis sa Emperador. Sinasabi rin niyang siya ang Cristo, ang hari.” Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot siya, “Ikaw ang may sabi n'yan.” Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan ng taong ito.” Ngunit nagpumilit sila at sinabi, “Sinusulsulan niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo sa buong Judea, mula Galilea hanggang sa lugar na ito.”

Si Jesus sa Harapan ni Herodes

Nang marinig ito ni Pilato, nagtanong siya kung ang taong iyon ay taga-Galilea. Nang malaman niya na ang taong ito ay sakop ni Herodes, ipinadala niya ito kay Herodes, na nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. Tuwang-tuwa si Herodes nang makita si Jesus, sapagkat matagal na niyang nais na makita ito dahil sa mga narinig niya tungkol dito. Umaasa rin siyang makakita ng himalang gagawin ni Jesus. Marami siyang itinanong dito, ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Nakatayo roon ang mga punong pari at tagapagturo ng Kautusan na walang tigil sa pagbibintang kay Jesus. 11 Kinutya siya at hinamak ni Herodes kasama ng mga kawal nito. Dinamitan siya ng magagandang kasuotan at pagkatapos ay ibinalik kay Pilato. 12 Kaya't ang dating magkagalit na sina Herodes at Pilato ay naging magkaibigan nang araw din na iyon.

Hinatulan ng Kamatayan si Jesus(Z)

13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga taong-bayan. 14 Sinabi niya sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na parang nang-uudyok sa taong-bayan na maghimagsik. Pakinggan ninyo: ako ang nagsiyasat sa kanya sa inyong harapan at hindi ko matagpuang nagkasala ang taong ito ng ano mang bintang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ibinalik niya ang taong ito sa atin. Ang taong ito'y walang ginawang nararapat sa parusang kamatayan. 16 Kaya ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain.” 17 [Tuwing Paskuwa, kailangang magpalaya siya ng isang bilanggo para sa kanila.][d] 18 Ngunit sabay-sabay silang sumigaw, “Patayin ang taong iyan! Palayain sa amin si Barabas.” 19 Si Barabas ay isang lalaking nabilanggo dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod at sa salang pagpaslang. 20 Sa kagustuhang mapalaya si Jesus, muling nagsalita sa kanila si Pilato. 21 Subalit nagsigawan ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” 22 Kaya't nagsalita siya sa kanila sa ikatlong pagkakataon, “Bakit? Ano'ng ginawang masama ng taong ito? Wala akong matagpuang sala sa kanya na karapat-dapat sa parusang kamatayan. Kaya matapos ko siyang ipahagupit, siya'y aking palalayain.” 23 Ngunit patuloy silang nagsigawan at nagpilit hinging ipako sa krus si Jesus. At nanaig ang kanilang mga tinig. 24 Kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. 25 Pinalaya niya ang taong kanilang hiniling, ang nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpaslang, at ibinigay niya si Jesus sa kanila gaya ng kanilang nais.

Ipinako sa Krus si Jesus(AA)

26 Habang dinadala nila si Jesus, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na galing noon sa bukid at ipinapasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus. 27 Sinusundan si Jesus ng napakaraming mga tao, kabilang ang mga babaing nagdadalamhati at nananaghoy para sa kanya. 28 Lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ako ang iyakan ninyo kundi ang inyong mga sarili at inyong mga anak. 29 Sapagkat tiyak na darating ang mga araw kung kailan sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog at ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa sandaling iyon ay magsisimula silang magsabi sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ginawa nila ang mga ito sa sariwang kahoy, ano ang mangyayari kung ito ay tuyo?”

32 Dalawa pang salarin ang kanilang dinala upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, doon nila siya ipinako sa krus kasama ng mga salarin, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 34 [At sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][e] Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghatian ang kanyang damit. 35 Nakatayong nanonood ang mga tao. Ngunit nilibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” 36 Nilibak din siya ng mga kawal, nilalapitan siya at inaalok ng maasim na alak. 37 Sinabi nila, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” 38 May nakasulat din sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” 39 Isa sa mga salaring nakapako ang nagpatuloy sa paglait sa kanya. Sinabi nito, “Hindi ba't ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili; iligtas mo rin kami.” 40 Ngunit sinaway siya ng isa, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos gayong ikaw ay pinarurusahan din gaya niya? 41 Tama lang tayong maparusahan sapagka't dapat nating pagbayaran ang ating ginawa; ngunit ang taong ito ay walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” 43 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo, ngayon di'y makakasama kita sa Paraiso.”

Ang Kamatayan ni Jesus(AB)

44 Noon ay magtatanghaling-tapat na,[f] at ang buong lupain ay nabalot ng dilim hanggang ikatlo ng hapon.[g] 45 Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng templo ay nahati sa dalawa. 46 Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa iyong mga kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito'y nalagutan siya ng hininga. 47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” 48 At nang makita ng lahat ng mga taong nagkakatipon doon ang nangyaring ito ay umuwi silang matindi ang kalungkutan. 49 Ngunit ang lahat ng mga kakilala niya, kabilang ang ilang kababaihan ay nakatayo sa di-kalayuan at pinagmamasdan ang mga pangyayari.

Ang Paglilibing kay Jesus(AC)

50 May isang lalaking mabuti at matuwid na ang pangalan ay Jose, na bagama't kabilang sa Sanhedrin, 51 ay hindi sang-ayon sa kanilang kapasyahan at ginawa. Siya ay taga-Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at naghihintay siya sa paghahari ng Diyos. 52 Lumapit ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinaba niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Doon ay wala pang naililibing. 54 Noon ay araw ng Paghahanda at malapit na ang Sabbath. 55 Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay. 56 Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira. Nang dumating ang Sabbath ay nagpahinga sila ayon sa Kautusan.

Footnotes

  1. Lucas 19:13 Sa Griyego, mina, ang katumbas ay humigit-kumulang sa tatlong buwang sahod ng isang karaniwang manggagawa.
  2. Lucas 21:8 Ako ang Cristo: Sa Griyego, Ako siya.
  3. Lucas 22:43 Sa ibang manuskrito wala ang mga talatang ito.
  4. Lucas 23:17 Sa ibang manuskrito ay wala ang bahaging ito.
  5. Lucas 23:34 Sa ibang naunang manuskrito ay wala ang bahaging ito.
  6. Lucas 23:44 Sa Griyego, mag-iikaanim na oras na.
  7. Lucas 23:44 Sa Griyego, ikasiyam na oras.

32 Dalawa pang salarin ang kanilang dinala upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, doon nila siya ipinako sa krus kasama ng mga salarin, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 34 [At sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][e] Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghatian ang kanyang damit. 35 Nakatayong nanonood ang mga tao. Ngunit nilibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” 36 Nilibak din siya ng mga kawal, nilalapitan siya at inaalok ng maasim na alak.