Isaias 54
Ang Biblia, 2001
Ang Walang Hanggang Pag-ibig ng Diyos sa Israel
54 “Umawit(A) ka, O baog, ikaw na hindi nanganak;
    ikaw ay biglang umawit, at sumigaw nang malakas,
    ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak!
Sapagkat ang mga anak ng babaing iniwan ay magiging higit na marami
    kaysa mga anak ng may asawa, sabi ng Panginoon.
2 Palawakin mo ang lugar ng iyong tolda,
    at iladlad mo ang mga tabing ng iyong mga tahanan;
huwag kang umurong, habaan mo ang iyong mga lubid,
    at patibayin mo ang iyong mga tulos.
3 Sapagkat ikaw ay kakalat nang malayo sa kanan at sa kaliwa;
    at aangkinin ng iyong lahi ang mga bansa,
    at patitirahan ang mga bayang giba.
4 “Huwag kang matakot; sapagkat ikaw ay hindi mapapahiya;
    huwag kang malilito sapagkat hindi ka malalagay sa kahihiyan;
sapagkat iyong malilimutan ang kahihiyan ng iyong kabataan,
    at hindi mo na maaalala pa ang iyong pagkabalo na dala'y kasiraan.
5 Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay iyong asawa;
     Panginoon ng mga hukbo ay kanyang pangalan.
Ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos,
    ang Diyos ng buong lupa ang tawag sa kanya.
6 Sapagkat tinawag ka ng Panginoon,
    gaya ng asawang kinalimutan at nagdadalamhati ang espiritu,
parang asawa ng kabataan nang siya'y itakuwil,
    sabi ng iyong Diyos.
7 Sa ilang sandali ay kinalimutan kita;
    ngunit titipunin kita sa pamamagitan ng malaking pagkahabag!
8 Sa nag-uumapaw na poot nang sandali,
    ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo,
ngunit kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob,
    sabi ng Panginoon, na iyong Manunubos.
9 “Sapagkat(B) para sa akin ito ay parang tubig sa panahon ni Noe;
    gaya ng aking ipinangako,
    na ang tubig sa panahon ni Noe ay hindi na aapaw pa sa lupa,
gayon ako'y nangako na hindi ako magagalit sa iyo,
    at hindi ka na kagagalitan.
10 Sapagkat ang mga bundok ay maaaring umalis,
    at ang mga burol ay mapalipat;
ngunit ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo,
    o ang aking tipan ng kapayapaan ay hindi maaalis,
    sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.
Bagong Jerusalem
11 “O(C) ikaw na nagdadalamhati, na pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw,
    narito, aking ilalagay ang iyong mga bato na may magagandang kulay,
    at lalagyan ko ng mga zafiro ang iyong pundasyon.
12 At gagawin kong mga rubi ang iyong mga tore,
    at mga karbungko ang iyong mga pintuan,
    at mahahalagang bato ang lahat mong mga pader.
13 Lahat(D) ng iyong anak ay tuturuan ng Panginoon;
    at magiging malaki ang kasaganaan ng iyong mga anak.
14 Sa katuwiran ay matatatag ka.
    Ikaw ay malalayo sa pang-aapi sapagkat ikaw ay hindi matatakot,
    at sa pagkasindak, sapagkat ito'y hindi lalapit sa iyo.
15 Kung may magsimula ng alitan,
    ito'y hindi mula sa akin.
Sinumang makipag-away sa iyo
    ay mabubuwal dahil sa iyo.
16 Narito, ako ang lumalang sa panday
    na humihihip sa apoy ng mga baga,
    at naglalabas ng sandata para sa kanyang gawa.
Akin ding nilalang ang mangwawasak upang mangwasak.
17     Walang sandata na ginawa laban sa iyo ang magtatagumpay,
    at bawat dila na babangon laban sa iyo sa kahatulan, ay iyong hahatulan.
Ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon,
    at ang pagiging matuwid nila ay mula sa akin, sabi ng Panginoon.”
Isaias 54
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pag-ibig ng Dios sa Jerusalem
54 Sinabi ng Panginoon, “Umawit ka Jerusalem, ikaw na parang babaeng baog. Umawit ka at sumigaw sa tuwa, ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak. Sapagkat kahit na iniwan ka ng iyong asawa, mas marami ang iyong magiging anak kaysa sa babaeng kapiling ang asawa. 2 Gumawa ka ng mas malaki at matibay na tirahan.[a] Huwag mong liliitan. 3 Sapagkat lalawak ang iyong hangganan, sasakupin ng iyong mga mamamayan ang ibang mga bansa, at kanilang titirhan ang mga lungsod doon na iniwan. 4 Huwag kang matakot dahil hindi ka mapapahiya. Malilimutan mo na ang kahihiyan ng iyong kabataan at pagkabalo. 5 Sapagkat ako na lumikha sa iyo ay para mong asawa. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko. Ako ang Banal na Dios ng Israel, ang iyong Tagapagligtas. Tinatawag akong ‘Dios ng buong mundo.’
6 “Jerusalem, katulad ka ng isang kabataang babae na nag-asawa at nalulungkot dahil iniwan siya ng kanyang asawa. Pero ngayon, tinatawag kita para muling makapiling. 7 Iniwan kita sandali, pero dahil sa laki ng awa ko sa iyo ay muli kitang kukupkupin. 8 Dahil sa bugso ng galit ko sa iyo, iniwan kita sandali, pero dahil sa aking walang hanggang pag-ibig sa iyo, kaaawaan kita. Ako, ang Panginoon na inyong Tagapagligtas ang nagsasabi nito.
9 “Para sa akin, katulad ito noong panahon[b] ni Noe nang nangako akong hindi ko na gugunawin ang mundo. Ngayon naman, nangangako akong hindi na ako magagalit o magpaparusa sa inyo. 10 Gumuho man ang mga burol at bundok, ang pag-ibig ko sa iyoʼy hindi mawawala, maging ang kasunduan ko sa iyo na ilalagay kita sa magandang kalagayan. Ako, ang Panginoong naaawa sa iyo, ang nagsasabi nito.
11 “O Jerusalem, para kang binagyo. Nagdusa kaʼt walang umaliw at nagpalakas sa iyo. Pero muli kitang itatayo sa pundasyong gawa sa batong safiro, at gagamitin ko ang mamahaling mga bato para sa mga dingding ng bahay mo. 12 Gagamitin ko rin ang mga batong rubi sa iyong mga tore, at gagamitin ko rin ang mga naggagandahang mga bato sa paggawa ng iyong mga pinto at mga pader. 13 Ako ang magtuturo sa iyong mga mamamayan,[c] at magiging mabuti ang kanilang kalagayan. 14 Magiging matatag ka dahil mamumuhay nang matuwid ang mga mamamayan mo. Tatakas ang mga kaaway mo, kaya wala kang dapat katakutan. Hindi na makakalapit sa iyo ang mga kaaway mo para takutin ka. 15 Kung may lulusob sa iyo, hindi ko iyon kalooban. Susuko sila sa iyo. 16 Makinig ka! Ako ang lumikha ng mga panday na nagpapaningas ng apoy at gumagawa ng mga sandata. Ako rin ang lumikha ng mga sundalo na gumagamit ng mga sandatang ito para manglipol. 17 Walang anumang sandatang ginawa na magtatagumpay laban sa iyo, at masasagot mo ang anumang ibibintang laban sa iyo. Ito ang pamana ko sa aking mga lingkod. Bibigyan ko sila ng tagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Isaias 54
Ang Biblia (1978)
Ang pagpapalaki sa Sion.
54 Umawit ka, (A)Oh baog, ikaw na hindi nanganak; ikaw ay magbiglang umawit, at humiyaw ng malakas, ikaw na hindi nagdamdam ng panganganak: sapagka't higit ang mga anak ng binawaan kay sa mga anak ng (B)may asawa, sabi ng Panginoon.
2 Iyong palakhin ang dako (C)ng iyong tolda, at maladlad ang mga tabing ng iyong mga tahanan; huwag kang magurong: habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang iyong mga tulos.
3 Sapagka't ikaw ay lalago sa kanan at sa kaliwa; (D)at ang iyong lahi ay magaari ng mga bansa, at patatahanan ang mga gibang bayan.
4 Huwag kang matakot; sapagka't ikaw ay hindi mapapahiya: o malilito ka man; sapagka't hindi ka malalagay sa kahihiyan: sapagka't iyong kalilimutan ang kahihiyan ng iyong kabataan, at ang pula sa iyong pagkabao ay hindi mo maaalaala pa.
5 Sapagka't ang May-lalang sa iyo ay (E)iyong asawa; ang (F)Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan: at ang Banal ng Israel ay (G)iyong Manunubos, ang Dios ng buong lupa tatawagin siya.
6 Sapagka't tinawag ka ng Panginoon na parang asawang kinalimutan namamanglaw sa kalooban, parang (H)asawa ng kabataan, pagka siya'y itinatakuwil, sabi ng iyong Dios.
7 Sa sangdaling-sangdali ay kinalimutan (I)kita; nguni't pipisanin kita sa pamamagitan ng mga malaking kaawaan.
8 Sa kaunting pagiinit ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo sa isang sangdali; (J)nguni't kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob, sabi ng Panginoon, na iyong Manunubos.
9 Sapagka't ito ay (K)parang tubig ng panahon ni Noe sa akin; sapagka't kung paanong ako'y sumumpa, na ang tubig ng panahon ni Noe ay hindi na aahon pa sa lupa, gayon ako'y sumumpa na hindi ako magiinit sa iyo, o sasaway sa iyo.
10 Sapagka't ang mga bundok ay (L)mangapapaalis, at ang mga burol ay mangapapalipat; nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o (M)ang akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.
Ang lumalaking pagibig ng Panginoon sa Sion.
11 Oh ikaw na nagdadalamhati, na pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw, narito, aking ilalagay ang (N)iyong mga bato na may magandang mga kulay, at ilalapag ko ang iyong mga patibayan na may mga zafiro.
12 At gagawin kong mga rubi ang iyong mga dungawan, at mga karbungko ang iyong mga pintuang-bayan, at mga mahahalagang bato ang iyong lahat na hangganan.
13 At lahat mong anak ay (O)tuturuan ng Panginoon; at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak.
14 Sa katuwiran ay matatatag ka: ikaw ay malalayo sa kapighatian sapagka't yao'y hindi mo katatakutan; at sa kakilabutan, sapagka't hindi lalapit sa iyo.
15 Narito, sila'y magkakapisan, nguni't (P)hindi sa pamamagitan ko: sinomang magpipisan laban sa iyo ay mabubuwal dahil sa iyo.
16 Narito, aking nilalang ang panday na humihihip sa mga baga, at naglalabas ng kasangkapan para sa kaniyang gawa; at aking nilalang ang manglilipol upang manglipol.
17 Walang almas na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan at (Q)bawa't dila na gagalaw laban sa iyo sa kahatulan ay iyong hahatulan. Ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon, (R)at ang katuwiran nila ay sa akin, sabi ng Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
