Isaias 14:29-31
Magandang Balita Biblia
29 Huwag(A) mo munang ipagdiwang, bayang Filistia,
ang pagkabali ng pamalong inihampas sa iyo,
sapagkat sa lahi ng ahas maaaring lumitaw ang ulupong,
at mag-aanak ito ng lumilipad na dragon.
30 Ang mga mahihirap ay bibigyan ko ng pagkain,
at ang mga nangangailanga'y panatag na mamamahinga;
pababayaan kong mamatay ng gutom ang iyong lahi,
at lilipulin ko ang matitira.
31 Manangis kayo buong bayan, managhoy ang lahat ng mga lunsod ninyo;
manginig kayo sa takot, Filistia.
Pumapailanlang ang alikabok mula sa dakong hilaga,
sapagkat dumarating na ang matatapang na kawal.
Ezekiel 25:15-17
Magandang Balita Biblia
Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo
15 Ito(A) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa mga Filisteo: “Pinaghigantihan mo ang Israel at ibig mong lipulin dahil sa matagal na ninyong alitan. 16 Dahil dito, paparusahan ko kayo. Lilipulin ko ang mga taga-Creta pati ang naninirahan sa baybay-dagat. 17 Paparusahan ko sila nang mabigat bilang paghihiganti, at madarama nila ang tindi ng aking galit. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”
Read full chapter
Joel 3:4-8
Magandang Balita Biblia
4 “Ano(A) (B) ang ginagawa ninyo sa akin, kayong mga taga-Tiro, Sidon at Filistia? Sinusuhulan ba ninyo ako bilang kapalit ng isang bagay? Kung gayon, mabilis ko kayong gagantihan! 5 Kinuha ninyo ang aking pilak, ginto at mga kayamanan at dinala ang mga ito sa inyong mga templo.[a] 6 Binihag ninyo at inilayo sa kanilang bayan ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem at ipinagbili sa mga Griego. 7 Pauuwiin ko na sila mula sa mga dakong pinagtapunan ninyo sa kanila. Ipararanas ko naman sa inyo ang ginawa ninyo sa kanila. 8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda upang ipagbili naman nila sa mga Sabeo.” Iyan ang sinabi ni Yahweh.
Read full chapterFootnotes
- Joel 3:5 mga templo: o kaya'y mga palasyo .
Amos 1:6-8
Magandang Balita Biblia
Sa Filistia
6 Ganito(A) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Gaza,
kaya sila'y paparusahan ko.
Binihag nila ang isang bansa
at ipinagbili sa mga taga-Edom.
7 Susunugin ko ang mga pader ng Gaza;
tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
8 Aalisin ko ang mga pinuno ng Asdod,
at ang may hawak ng setro sa Ashkelon.
Hahanapin ko ang Ekron,
at lilipulin ko ang mga Filisteo roon.”
Zefanias 2:4-7
Magandang Balita Biblia
Hahatulan ang mga Bansa sa Paligid ng Israel
4 Walang(A) matitira sa lunsod ng Gaza,
at walang matitira sa lunsod ng Ashkelon.
Ang mga taga-Asdod ay palalayasin sa katanghaliang-tapat,
at itataboy ang mga taga-Ekron.
5 Kahabag-habag kayong naninirahan sa mga baybay-dagat,
kahabag-habag kayo, mga Queretita!
Ang salita ni Yahweh ay laban sa iyo,
O taga-Canaan, lupain ng mga Filisteo;
lilipulin kong lahat ang inyong mga mamamayan.
6 At ang baybay-dagat ay magiging pastulan,
tahanan ng mga pastol at silungan ng mga kawan.
7 Ang baybay-dagat ay titirhan
ng mga hindi namatay sa lahi ni Juda;
doon sila magpapastol,
at pagsapit ng gabi, sila'y matutulog sa mga bahay sa Ashkelon.
Sapagkat makakasama nila si Yahweh na kanilang Diyos
at ibabalik ang kanilang mga kayamanan.
Zacarias 9:5-7
Magandang Balita Biblia
5 “Makikita(A) ito ng Ashkelon at siya ay mangingilabot. Manginginig rin sa takot ang Gaza, at mawawalan ng pag-asa ang Ekron. Mawawalan ng hari ang Gaza at wala nang maninirahan pa sa Ashkelon. 6 Paghaharian ng mga dayuhan ang Asdod. Ibabagsak ko ang palalong Filistia. 7 Hindi na sila kakain ng dugo o anumang ipinagbabawal na pagkain. Ang matitira ay mapapabilang sa aking bayan at ituturing na isa sa mga angkan ni Juda. Ang mga taga-Ekron ay mapapabilang din sa aking bayan, tulad ng nangyari sa mga Jebuseo.
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.