Joel 3
Magandang Balita Biblia
Hahatulan ni Yahweh ang mga Bansa
3 Sinabi ni Yahweh,
“Pagsapit ng araw na iyon,
pasasaganain kong muli ang Juda at ang Jerusalem.
2 Titipunin ko ang lahat ng bansa
at dadalhin sa Libis ng Jehoshafat.[a]
Doon ko sila hahatulan
ayon sa ginawa nila sa aking bayan.
Pinangalat nila sa iba't ibang bansa ang mga Israelita
at pinaghati-hatian ang aking lupain.
3 Nagpalabunutan sila upang magpasya
kung kanino mapupunta ang mga bihag.
Ipinagbili nila ang mga bata bilang mga alipin
upang ang pinagbilhan ay ibili naman ng alak at ibayad sa mga babaing parausan.
4 “Ano(A) (B) ang ginagawa ninyo sa akin, kayong mga taga-Tiro, Sidon at Filistia? Sinusuhulan ba ninyo ako bilang kapalit ng isang bagay? Kung gayon, mabilis ko kayong gagantihan! 5 Kinuha ninyo ang aking pilak, ginto at mga kayamanan at dinala ang mga ito sa inyong mga templo.[b] 6 Binihag ninyo at inilayo sa kanilang bayan ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem at ipinagbili sa mga Griego. 7 Pauuwiin ko na sila mula sa mga dakong pinagtapunan ninyo sa kanila. Ipararanas ko naman sa inyo ang ginawa ninyo sa kanila. 8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda upang ipagbili naman nila sa mga Sabeo.” Iyan ang sinabi ni Yahweh.
9 “Ipahayag mo ito sa mga bansa:
Humanda kayo sa isang digmaan.
Tawagin ninyo ang inyong mga mandirigma,
tipunin ninyong lahat ang inyong mga kawal at sumalakay kayo!
10 Gawin(C) ninyong tabak ang inyong mga araro
at gawing sibat ang mga panggapas.
Pati ang mahihina ay kailangang makipaglaban.
11 Pumarito kayo agad,
lahat ng bansa sa paligid,
at magtipon kayo sa libis.”
O Yahweh, ipadala mo ang iyong mga hukbo.
12 “Kailangang humanda ang mga bansa
at magtungo sa Libis ng Jehoshafat.
Akong si Yahweh ay uupo roon
upang hatulan ang lahat ng bansa sa paligid.
13 Ubod(D) sila ng sama;
gapasin ninyo silang parang uhay
sa panahon ng anihan.
Durugin ninyo silang parang ubas sa pisaan
hanggang sa umagos ang katas.”
14 Libu-libo ang nasa Libis ng Jehoshafat,
hindi magtatagal at darating doon ang araw ni Yahweh.
15 Hindi na magliliwanag ang araw at ang buwan,
at hindi na rin kikislap ang mga bituin.
Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan
16 Dumadagundong(E) mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh,
mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig;
nanginginig ang langit at lupa.
Subalit ipagtatanggol niya ang kanyang bayan.
17 “Sa gayon, malalaman mo, O Israel, na ako si Yahweh ay iyong Diyos!
Ang aking tahanan ay ang Zion, ang banal na bundok.
Magiging banal na lunsod ang Jerusalem;
hindi na ito muling masasakop ng mga dayuhan.
18 Sa panahong iyon, mapupuno ng ubasan ang mga kabundukan;
bakahan ang makikita sa bawat burol,
at sasagana sa tubig ang buong Juda!
Dadaloy mula sa Templo ni Yahweh ang isang batis,
na didilig sa Libis ng Sitim.
19 “Magiging disyerto ang Egipto,
at magiging tigang ang lupain ng Edom,
sapagkat sinalakay nila ang lupain ng Juda
at pinatay ang mga mamamayang walang kasalanan.
20-21 Ipaghihiganti ko[c] ang lahat ng nasawi;
paparusahan ko ang sinumang nagkasala.
Ang Juda at ang Jerusalem ay pananahanan magpakailanman,
at ako ay mananatili sa Bundok ng Zion.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.