Add parallel Print Page Options

22 “Pakinggan ninyo ito, mga Israelita. Itong si Jesus na taga-Nazareth ay pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat naganap ang mga ito sa gitna ninyo. 23 Sa mula't mula pa'y alam na at ipinasya na ng Diyos na ibigay sa inyo si Jesus. At ipinako ninyo siya sa krus at ipinapatay sa mga makasalanan. 24 Subalit ang Diyos ang muling bumuhay sa kanya, at nagpalaya sa kanya mula sa pagdurusa ng kamatayan, dahil wala naman itong kakayahang maghari sa kanya. 25 Gaya nga ng sinabi ni David tungkol sa kanya:

‘Noon pa'y nakita kong lagi kong kapiling ang Panginoon;
    Siya'y kasama ko[a] kaya't hindi ako matitinag.
26 Dahil dito'y nagalak ang aking puso at sa dila ko'y nag-umapaw ang tuwa,
    at ang aking katawan ay mabubuhay sa pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y hindi mo hahayaan sa kamatayan[b];
    o ipahihintulot man lang na ang iyong Banal ay makaranas ng kabulukan.
28 Ipinakita mo sa akin ang mga daan ng buhay,
    at sa piling mo'y mapupuno ako ng kagalakan.’

29 Mga kapatid, buong katiyakang sasabihin ko sa inyo na ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing. At ang libingan niya'y nasa atin hanggang ngayon. 30 Palibhasa'y propeta si David noong nabubuhay pa, nalalaman niya ang taimtim na pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa mula sa kanyang angkan. 31 Nakita na at ipinahayag na ni David na muling bubuhayin ng Diyos ang Cristo nang kanyang sabihin:

    ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; ni ang katawan niya'y makaranas ng kabulukan.’

32 Ngayon, kaming lahat ay mga saksi na ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos. 33 Dahil iniluklok siya sa kanan ng Diyos, at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Banal na Espiritu, nakikita at naririnig ninyo ito na ibinuhos sa amin ngayon. 34 Sapagkat hindi si David ang umakyat sa langit, subalit sinabi niya: Ang Panginoon ang nagsabi sa aking Panginoon: ‘Maupo ka sa aking kanan, 35 hanggang mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.’ 36 Kaya't dapat malaman ng buong sambahayan ng Israel, na itong si Jesus na inyong ipinako sa krus ay itinalaga ng Diyos na Panginoon at Cristo.” 37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig nila ang sinabi ni Pedro, kaya't nagtanong sila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro, “Talikuran ninyo ang inyong kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang patawarin kayo, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat para sa inyo ang pangako, at para sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, at sa lahat ng tatawagin ng ating Panginoong Diyos tungo sa kanya.” 40 Marami pang sinabi si Pedro bilang patunay upang sila'y himukin. Nakiusap siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa masamang lahing ito.” 41 Kaya't nagpabautismo ang tumanggap sa kanyang sinabi. At nang araw na iyon, may tatlong libong katao ang nadagdag sa mga alagad. 42 Masigasig silang nanatili sa mga turo ng apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa pananalangin.

Ang Buhay ng Magkakapatid

43 Naghari sa lahat ang takot, at maraming kababalaghan at himala ang naganap sa pamamagitan ng mga apostol. 44 At (A) nagsama-sama ang lahat ng mga mananampalataya at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw silang nagsasama-sama sa templo, at nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay. Ginagawa nila ang mga ito nang may galak at bukás na kalooban. 47 Habang nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng mga tao, ay araw-araw namang idinaragdag ng Panginoon sa kanila ang kanyang mga inililigtas.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mga Gawa 2:25 Sa Griyego, nasa kanan ko.
  2. Mga Gawa 2:27 Sa Griyego, sa Hades, lugar ng kamatayan.