Exodo 3:1-10
Magandang Balita Biblia
Tinawag ng Diyos si Moises
3 Samantala, habang nagpapastol si Moises ng kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari sa Midian, itinawid niya ang kawan sa gawing kanluran ng disyerto at nakarating siya sa Sinai,[a] ang Bundok ng Diyos. 2 Doon,(A) ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kanya na parang apoy na nagmumula sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ang puno ngunit hindi nasusunog. 3 Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, “Nakakapagtaka naman ito! Titingnan ko ngang mabuti kung bakit hindi iyon natutupok gayong nagliliyab.”
4 Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ni Yahweh buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.”
“Ano po iyon?” sagot niya.
5 Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo. 6 Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos.
7 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. 8 Kaya't bumabâ ako upang sila'y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito'y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. 9 Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 10 Kaya't papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel.”
Read full chapterFootnotes
- Exodo 3:1 Sinai: o kaya'y Horeb .
Exodo 3:1-10
Ang Biblia (1978)
Ang nagniningas na puno.
3 Inalagaan nga ni Moises ang kawan ni Jethro na kaniyang biyanan, na saserdote sa Madian: at kaniyang pinatnubayan ang kawan sa likuran ng ilang, at napasa (A)bundok ng Dios, sa Horeb.
2 (B)At ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya, sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punong kahoy; at siya'y nagmasid, at, narito, ang kahoy ay nagniningas sa apoy, at ang kahoy ay hindi natutupok.
3 At sinabi ni Moises, Ako'y liliko ngayon, at titingnan ko itong dakilang panoorin, kung bakit ang kahoy ay hindi natutupok.
4 At nang makita ng Panginoon na panonoorin niya, ay tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punong kahoy, at sinabi, Moises, Moises. At kaniyang sinabi, Narito ako.
5 At sinabi, Huwag kang lumapit dito, (C)hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong mga paa, sapagka't ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.
6 Bukod dito ay sinabi, (D)Ako ang Dios ng iyong ama ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob. At si Moises nga ay nagtakip ng kaniyang mukha; (E)sapagka't siya'y natakot na tumingin sa Dios.
Sinugo ng Dios si Moises upang iligtas ang Israel.
7 At sinabi ng Panginoon, (F)Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga tagapagpaatag sa kanila; sapagka't talastas ko ang kanilang kapanglawan.
8 At ako'y bumaba upang (G)iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio at upang sila'y isampa sa isang mabuting (H)lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, sa isang lupaing (I)binubukalan ng gatas at pulot (J)sa dako ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo at ng Jebuseo.
9 (K)At ngayon narito, ang daing ng mga anak ni Israel ay umabot sa akin; saka aking nakita ang kapighatian na ipinipighati sa kanila ng mga Egipcio.
10 Halika nga ngayon, at ikaw ay aking susuguin kay Faraon, upang iyong ilabas sa Egipto ang aking bayan na mga anak ni Israel.
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978