Mga Awit 25
Ang Biblia (1978)
Panalangin sa pagiingat. Pagbabantay, at patawad. Awit ni David.
25 Sa iyo, (A)Oh Panginoon, iginagawad ko ang aking kaluluwa.
2 Oh Dios ko (B)sa iyo'y tumiwala ako,
(C)Huwag nawa akong mapahiya;
Huwag nawang magtagumpay sa akin ang aking mga kaaway.
3 Oo, (D)walang naghihintay sa iyo na mapapahiya;
Sila'y mangapapahiya na nagsisigawa ng karayaan ng walang kadahilanan,
4 (E)Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Panginoon;
Ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
5 Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan, at ituro mo sa akin;
Sapagka't ikaw ay Dios ng aking kaligtasan;
Sa iyo'y naghihintay ako buong araw.
6 Iyong alalahanin, Oh Panginoon, ang iyong malumanay na mga kaawaan, at ang iyong mga kagandahang-loob;
(F)Sapagka't magpakailan man mula ng una.
7 (G)Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsalangsang:
Ayon sa iyong kagandahangloob ay alalahanin mo ako, Dahil sa iyong kabutihan, Oh Panginoon.
8 Mabuti at matuwid ang Panginoon:
Kaya't tuturuan niya ang mga makasalanan sa daan.
9 Ang maamo ay papatnubayan niya sa kahatulan:
At ituturo niya sa maamo ang daan niya.
10 Lahat na landas ng Panginoon ay kagandahang-loob at katotohanan
Sa mga gayon na nangagiingat ng kaniyang tipan at kaniyang mga patotoo.
11 (H)Dahil sa iyong pangalan, Oh Panginoon,
Iyong ipatawad ang aking kasamaan, (I)sapagka't malaki.
12 Anong tao siya na natatakot sa Panginoon?
Siya ang tuturuan niya ng daan na kaniyang pipiliin.
13 Ang kaniyang kaluluwa ay tatahan sa kaginhawahan;
At mamanahin ng kaniyang binhi ang lupain.
14 (J)Ang pakikipagibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa kaniya;
At ipakikilala niya sa kanila ang kaniyang tipan.
15 (K)Ang aking mga mata ay palaging na sa Panginoon;
Sapagka't (L)huhugutin niya ang aking mga paa (M)sa silo.
16 (N)Panumbalikan mo ako, at maawa ka sa akin;
Sapagka't ako'y nag-iisa at nagdadalamhati.
17 Ang kabagabagan ng aking puso ay lumaki:
Oh hanguin mo ako sa aking kapanglawan.
18 (O)Gunitain mo ang aking pagkapighati at aking damdam;
At ipatawad mo ang lahat kong mga kasalanan.
19 Masdan mo ang aking mga kaaway, sapagka't sila'y marami;
At pinagtataniman nila ako ng mabagsik na pagkagalit.
20 Oh ingatan mo ang aking kaluluwa, at iyong iligtas ako:
(P)Huwag nawa akong mapahiya, (Q)sapagka't nanganganlong ako sa iyo.
21 Magingat sa akin ang pagtatapat at katuwiran,
Sapagka't hinihintay kita.
22 (R)Tubusin mo ang Israel, Oh Dios, mula sa lahat na kaniyang kabagabagan.
Salmo 25
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Dalangin para Ingatan at Patnubayan
25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
3 Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
ngunit mapapahiya ang mga traydor.
4 Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
5 Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
Kayo ang lagi kong inaasahan.
6 Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
na inyong ipinakita mula pa noong una.
7 Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
mula pa noong aking pagkabata.
8 Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
9 Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.
11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[a] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12 Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran.
13 Mabubuhay sila ng masagana,
at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios.
14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo,
at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan.
15 Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon,
dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17 Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban.
Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan.
18 Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19 Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway
na galit na galit sa akin.
20 Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay!
Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.
21 Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo,
nawaʼy maging ligtas ako.
22 O Dios, iligtas nʼyo po ang Israel sa lahat ng kaguluhan.
Footnotes
- 25:11 inyong kabutihan: sa literal, inyong pangalan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.