Add parallel Print Page Options

Ang Kaban ng Tipan ay Kinuha sa Lunsod ng Jearim(A)

13 Sumangguni si David sa mga pinuno ng mga pangkat ng libu-libo at daan-daang kawal. Sinabi niya sa buong sambayanan ng Israel, “Kung sumasang-ayon kayo, at kung ito'y ayon sa kalooban ni Yahweh na ating Diyos, anyayahan natin dito ang mga kapatid nating wala rito, pati ang mga pari at mga Levitang nasa mga lunsod na may pastulan. Pagkatapos, kunin nating muli ang Kaban ng Tipan na napabayaan natin noong panahon ni Saul.” Sumang-ayon ang lahat sa magandang panukalang ito.

Kaya't(B) tinipon ni David ang mga Israelita mula sa Sihor sa Egipto hanggang sa pasukan ng Hamat upang kunin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan at dalhin sa Jerusalem. Pumunta(C) silang lahat sa Baala papuntang Lunsod ng Jearim sa Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan ng Diyos na si Yahweh, na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Pagdating nila sa bahay ni Abinadab, isinakay nila ang Kaban ng Tipan sa isang bagong kariton na inaalalayan nina Uza at Ahio. Si David at ang buong Israel ay sumasayaw at umaawit sa saliw ng tugtugan ng mga lira, alpa, tamburin, pompiyang at trumpeta.

Ngunit pagsapit nila sa giikan sa Quidon, natisod ang mga bakang humihila sa kariton kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan upang hindi mahulog. 10 Dahil dito, nagalit sa kanya si Yahweh kaya't namatay siya noon din. 11 Nagalit si David dahil pinarusahan ng Diyos si Uza, kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza[a] mula noon.

12 Subalit(D) natakot rin si David sa Diyos kaya't nasabi niya, “Paano ko ngayon iuuwi ang Kaban ng Tipan?” 13 Sa halip na iuwi ito sa Jerusalem, dinala niya ang Kaban sa bahay ni Obed-edom na taga-lunsod ng Gat. 14 Tatlong(E) buwan doon ang Kaban. At pinagpala ni Yahweh ang sambahayan ni Obed-edom, pati na ang lahat ng kanyang ari-arian.

Footnotes

  1. 11 PEREZ-UZA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y “parusa kay Uza”.
'1 Paralipomeno 13 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang kaban ay dinala sa bahay ni Obed-edom.

13 At sumangguni si David sa mga pinunong kawal ng mga lilibuhin, at mga dadaanin, sa bawa't tagapamatnugot.

At sinabi ni David sa buong kapisanan ng Israel, Kung inaakala ninyong mabuti, at kung sa Panginoon nating Dios, ay pasuguan natin sa bawa't dako ang ating mga kapatid na nangaiwan sa buong lupain ng Israel, na makasama nila ang mga saserdote at mga Levita sa kanilang mga bayan na may mga nayon, upang sila'y mapapisan sa atin;

At (A)ating dalhin uli ang kaban ng ating Dios sa atin: (B)sapagka't hindi natin hinanap ng mga kaarawan ni Saul.

At ang buong kapulungan ay nagsabi na kanilang gagawing gayon: sapagka't ang bagay ay matuwid sa harap ng mga mata ng buong bayan.

(C)Sa gayo'y pinisan ni David ang buong Israel, mula sa Sihor, na batis ng Egipto hanggang sa pasukan sa Hamath, upang dalhin ang kaban ng Dios mula sa (D)Chiriath-jearim.

At si David ay (E)umahon, at ang buong Israel sa (F)Baala, sa makatuwid baga'y sa Chiriath-jearim, na nauukol sa Juda, upang iahon mula roon ang kaban ng Dios, ng Panginoon na nauupo sa mga querubin, na tinatawag ayon sa Pangalan.

At kanilang dinala ang kaban ng Dios na nakasakay sa isang bagong karo, at inilabas sa bahay ni Abinadab: at pinalakad ni Uzza at ni Ahio ang karo.

At si David at ang buong Israel ay tumugtog sa harap ng Dios ng kanilang buong lakas: sa pamamagitan ng mga awit, at ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta at ng mga simbalo, at ng mga pakakak.

(G)At nang sila'y dumating sa giikan ng Chidon, ay iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay upang hawakan ang kaban; sapagka't ang mga baka ay natisod.

10 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Uzza, at sinaktan niya siya, sapagka't kaniyang iniunat ang kaniyang kamay sa kaban; at doo'y namatay siya sa harap ng Dios.

11 At sumama ang loob ni David, sapagka't nagalit ang Panginoon kay Uzza: at kaniyang tinawag ang dakong yaon na Perez-uzza hanggang sa araw na ito.

12 At si David ay natakot sa Dios nang araw na yaon, na nagsasabi, Paanong aking iuuwi ang kaban ng Dios?

13 Sa gayo'y hindi inilipat ni David ang kaban sa kaniya sa bayan ni David, kundi nilihisan ang daan at dinala sa bahay ni Obed-edom na Getheo.

14 At ang kaban ng Dios ay naiwan sa sangbahayan ni Obed-edom sa kaniyang bahay na tatlong buwan: at (H)pinagpala ng Panginoon ang sangbahayan ni Obed-edom, at ang buo niyang tinatangkilik.