Add parallel Print Page Options

Ang Hapunang Pampaskuwa ni Jesus at ng Kanyang mga Alagad(A)

17 Nang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, at nagtanong, “Saan po ninyo nais na kami'y maghanda upang makakain kayo ng kordero ng Paskuwa?” 18 Sinabi niya, “Puntahan ninyo ang isang tao sa lungsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro: Malapit na ang oras ko. Sa iyong bahay ay gaganapin ko ang Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’ ” 19 Ginawa nga ng mga alagad ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus, at naghanda sila para sa Paskuwa. 20 Kinagabihan ay umupo siyang kasalo ng labindalawa. 21 Habang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Tinitiyak ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” 22 Labis nila itong ikinalungkot, at isa-isa silang nagsabi sa kanya, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?” 23 Sumagot (B) siya ng ganito, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nakasulat tungkol sa kanya, subalit kaysaklap ng sasapitin ng taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sanang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” 25 At si Judas na magkakanulo sa kanya ay sumagot at nagtanong, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Rabbi?” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi niyan.”

Ang Huling Hapunan(C)

26 Habang sila'y kumakain, si Jesus ay kumuha ng tinapay, ipinagpasalamat niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad. Sinabi niya, “Kumuha kayo, kainin ninyo. Ito ang aking katawan.” 27 At kumuha siya ng kopa at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila, at sinabi, “Uminom kayo nito, lahat kayo, 28 sapagkat (D) ito ang aking dugo ng tipan,[a] na ibinubuhos alang-alang sa marami, para sa kapatawaran ng mga kasalanan. 29 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasama kayo sa kaharian ng aking Ama.” 30 Pagkatapos nilang umawit ng imno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 26:28 Sa ibang mga manuskrito ay dugo ng bagong tipan.