Mateo 15
Ang Biblia (1978)
15 Nang magkagayo'y (A)nagsilapit kay Jesus na mula sa Jerusalem ang mga Fariseo at ang mga eskriba, na nagsisipagsabi,
2 Bakit ang iyong mga alagad ay nagsisilabag sa sali't-saling sabi ng matatanda? sapagka't hindi sila nangaghuhugas ng kanilang mga kamay pagka nagsisikain sila ng tinapay.
3 At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo'y nagsisilabag sa utos ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi?
4 Sapagka't sinabi ng Dios, (B)Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, (C)Ang manungayaw sa ama at sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala.
5 Datapuwa't sinasabi ninyo, Sinomang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay hain ko na sa Dios:
6 Ay hindi niya igagalang ang kaniyang ama. At niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi.
7 Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi,
8 Ang bayang ito'y iginagalang ako (D)ng kanilang mga labi;
Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
Na nagtuturo ng kanilang (E)pinakaaral ang mga utos ng mga tao.
10 At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sa kanila'y sinabi, Pakinggan ninyo, at unawain.
11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang (F)nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao.
12 Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga alagad, at sa kaniya'y sinabi, Nalalaman mo bagang nangagdamdam ang mga Fariseo, pagkarinig nila ng pananalitang ito?
13 Datapuwa't sumagot siya at sinabi, (G)Ang bawa't halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin.
14 Pabayaan ninyo sila: (H)sila'y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay.
15 At sumagot si Pedro, at sinabi (I)sa kaniya, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.
16 At sinabi niya, Kayo baga nama'y wala pa ring pagiisip?
17 Hindi pa baga ninyo nalalaman, na ang anomang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?
18 Datapuwa't (J)ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling; at siyang nangakakahawa sa tao.
19 Sapagka't sa puso nanggagaling ang masasamang pagiisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di katotohanan, mga pamumusong:
20 Ito ang mga bagay na nangakakahawa sa tao; datapuwa't ang kumaing hindi maghugas (K)ng mga kamay ay hindi makakahawa sa tao.
21 At umalis doon si Jesus, at lumigpit sa mga sakop ng (L)Tiro at Sidon.
22 At narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na (M)Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonio.
23 Datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anomang salita sa kaniya. At nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at siya'y pinamanhikan, na nangagsasabi, (N)Paalisin mo siya; sapagka't nagsisisigaw siya sa ating hulihan.
24 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi, (O)Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.
25 Datapuwa't lumapit siya at (P)siya'y sinamba niya, na nagsasabi, Panginoon, saklolohan mo ako.
26 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga (Q)aso.
27 Datapuwa't sinabi niya, Oo, Panginoon: sapagka't ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon.
28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, (R)malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon.
29 At umalis si Jesus doon, at (S)naparoon sa tabi ng dagat ng Galilea; at umahon sa bundok, at naupo doon.
30 At lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga pingkaw, at iba pang marami, at sila'y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan; at sila'y pinagaling niya:
31 Ano pa't nangagtaka ang karamihan, nang mangakita nilang nangagsasalita ang mga pipi, nagsisigaling ang mga pingkaw, at nagsisilakad ang mga pilay, at nangakakakita ang mga bulag: at kanilang niluwalhati ang Dios ng Israel.
32 At pinalapit ni (T)Jesus sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi, (U)Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nagsisipanatili sa akin at wala silang makain: at di ko ibig na sila'y paalising nangagaayuno, baka sila'y manganglupaypay sa daan.
33 At sa kaniya'y sinabi ng mga alagad, Saan tayo mangakakakuha rito sa ilang ng sapat na daming tinapay na makabubusog sa ganyang lubhang napakaraming tao?
34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito, at ilang maliliit na isda.
35 At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa;
36 At kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; (V)at siya'y nagpasalamat at pinagputolputol, at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.
37 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at pinulot nila ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.
38 At silang nagsikain ay apat na libong lalake, bukod ang mga babae at mga bata.
39 At (W)pinayaon niya ang mga karamihan at lumulan sa daong, at napasa mga hangganan ng (X)Magdala.
Mateo 15
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mga Minanang Kaugalian(A)
15 Pagkatapos, dumating kay Jesus ang mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, 2 “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang kaugalian ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago kumain.” 3 Sumagot siya sa kanila, “At bakit nilalabag naman ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? 4 Sapagkat (B) iniutos ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina;’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay.’ 5 Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang mapapakinabangan mo mula sa akin ay ibinigay ko na sa Diyos, 6 at ang nagsabi niyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.’ Kaya't masunod lamang ang inyong kaugalian ay binabale-wala na ninyo ang salita[a] ng Diyos. 7 Kayong mapagkunwari! Angkop na angkop sa inyo ang ipinahayag ni Isaias nang sabihin niya,
8 ‘Iginagalang (C) ako ng mga taong ito sa kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’ ”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ninyo ito: 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang sanhi ng kanyang pagiging marumi.” 12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam ba ninyong nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang sinabi ninyong ito?” 13 Ngunit sumagot siya, “Bubunutin ang lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit. 14 Hayaan (E) ninyo sila. Sila'y mga bulag na tagaakay.[b] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot naman si Pedro, “Ipaliwanag mo po sa amin ang talinghaga.” 16 At sinabi niya, “Hanggang ngayon ba'y hindi pa rin kayo marunong umunawa? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi? 18 Ngunit (F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at iyon ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nagmumula ang masasamang pag-iisip, pagpaslang, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsisinungaling, at panlalait. 20 Ang mga ito ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, subalit ang kumain nang hindi nahugasan ang mga kamay nang ayon sa minanang turo ay hindi nakapagpaparumi sa sinuman.”
Ang Pananampalataya ng Babaing Taga-Canaan(G)
21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa karatig-pook ng Tiro at Sidon. 22 Naroon ang isang babaing taga-Canaan na mula sa lupaing iyon. Siya'y nagsisisigaw, “Maawa ka po sa akin, Panginoon, Anak ni David! Ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.” 23 Ngunit hindi man lamang siya sumagot sa babae. Lumapit ang mga alagad niya at nakiusap sa kanya, “Paalisin mo po siya, sapagkat nagsisisigaw siya sa hulihan natin.” 24 At sumagot siya, “Ako'y sinugo para lamang sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.” 25 Ngunit lumapit ang babae, lumuhod sa harapan niya at sinabi, “Panginoon, tulungan mo po ako.” 26 Sumagot si Jesus, “Hindi tamang kunin ang kinakain ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.” 27 Ngunit sagot ng babae, “Opo, Panginoon. Ngunit ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang mga amo.” 28 Kaya't sumagot si Jesus sa kanya, “Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari para sa iyo ang hinihiling mo.” At gumaling ang kanyang anak na babae sa oras ding iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Umalis doon si Jesus at bumagtas sa tabi ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Dumagsa sa kanya ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, mga paralitiko, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y kanyang pinagaling. 31 Namangha ang maraming tao nang makita nilang nakapagsasalita ang mga pipi, lumalakas ang mga paralitiko, nakalalakad ang mga piláy, at nakakikita ang mga bulag. At pinuri nila ang Diyos ng Israel.
Pinakain ang Apat na Libo(H)
32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Naaawa ako sa maraming taong ito, sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at ngayon ay wala silang pagkain. Ayaw ko naman silang paalising gutóm, at baka himatayin sila sa daan.” 33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na tinapay sa liblib na pook na ito upang ipakain sa ganito karaming tao?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilan ba ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo niya sa lupa ang mga tao, 36 kinuha ang pitong tinapay at ang mga isda at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao. 37 Silang lahat ay kumain at nabusog. At nakapagtipon sila ng pitong kaing na punô ng mga labis na pinagputul-putol na pagkain. 38 May apat na libong lalaki ang kumain bukod pa sa mga babae at sa mga bata. 39 Pagkatapos pauwiin ang maraming tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa nasasakupan ng Magadan.
Footnotes
- Mateo 15:6 Sa ibang matatandang manuskrito ay kautusan.
- Mateo 15:14 Sa ibang mga manuskrito may dagdag na ng bulag.
Mateo 15
Ang Biblia, 2001
Mga Minanang Turo(A)
15 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila,
2 “Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.”
3 Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?
4 Sapagkat(B) sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay.’
5 Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.’ Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.
6 Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita[a] ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.
7 Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya,
8 ‘Iginagalang(C) ako ng bayang ito sa kanilang mga labi,
ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Pinalapit ni Jesus[b] sa kanya ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ito at unawain.
11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi.”
12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam mo bang nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang pananalitang ito?”
13 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin.
14 Hayaan(E) ninyo sila; sila'y mga bulag na taga-akay.[c] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.”
15 Sumagot naman si Pedro at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.”
16 At sinabi niya, “Pati ba naman kayo'y wala pa ring pang-unawa?
17 Hindi pa ba ninyo nalalaman na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?
18 Ngunit(F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at siyang nagpaparumi sa tao.
19 Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan.
20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa tao; ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao.”
Ang Pananalig ng Babaing Cananea(G)
21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon.
22 May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, “Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.”
23 Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin.”
24 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.”
25 Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”
26 Siya'y sumagot at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso.”
27 Ngunit sinabi niya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.”
28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo.” At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Umalis si Jesus doon at dumaan sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon.
30 Lumapit sa kanya ang napakaraming tao na dala ang mga pilay, mga lumpo, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y pinagaling niya.
31 Kaya't namangha ang maraming tao nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, lumalakad ang mga pilay, at nakakita ang mga bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(H)
32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Nahahabag ako sa napakaraming taong ito, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain; at hindi ko nais na paalisin silang gutom, baka himatayin sila sa daan.”
33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan tayo kukuha sa ilang na lugar ng sapat na tinapay upang mapakain ang ganito karaming tao?”
34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito, at ilang maliliit na isda.”
35 Iniutos niya sa mga tao na umupo sa lupa.
36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; nang siya'y makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao.
37 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang natira sa mga pinagputul-putol at napuno pa ang pitong kaing.
38 Ang mga kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.
39 Pinaalis na niya ang maraming mga tao. Sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa nasasakupan ng Magdala.[d]
Footnotes
- Mateo 15:6 Sa ibang matatandang kasulatan ay kautusan .
- Mateo 15:10 Sa Griyego ay niya .
- Mateo 15:14 Sa ibang mga kasulatan ay may dagdag na ng bulag .
- Mateo 15:39 Sa ibang mga kasulatan ay Magadan .
Mateo 15
Ang Dating Biblia (1905)
15 Nang magkagayo'y nagsilapit kay Jesus na mula sa Jerusalem ang mga Fariseo at ang mga eskriba, na nagsisipagsabi,
2 Bakit ang iyong mga alagad ay nagsisilabag sa sali't-saling sabi ng matatanda? sapagka't hindi sila nangaghuhugas ng kanilang mga kamay pagka nagsisikain sila ng tinapay.
3 At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo'y nagsisilabag sa utos ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi?
4 Sapagka't sinabi ng Dios, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, Ang manungayaw sa ama at sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala.
5 Datapuwa't sinasabi ninyo, Sinomang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay hain ko na sa Dios:
6 Ay hindi niya igagalang ang kaniyang ama. At niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi.
7 Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi,
8 Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.
10 At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sa kanila'y sinabi, Pakinggan ninyo, at unawain.
11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao.
12 Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga alagad, at sa kaniya'y sinabi, Nalalaman mo bagang nangagdamdam ang mga Fariseo, pagkarinig nila ng pananalitang ito?
13 Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Ang bawa't halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin.
14 Pabayaan ninyo sila: sila'y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay.
15 At sumagot si Pedro, at sinabi sa kaniya, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.
16 At sinabi niya, Kayo baga nama'y wala pa ring pagiisip?
17 Hindi pa baga ninyo nalalaman, na ang anomang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?
18 Datapuwa't ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling; at siyang nangakakahawa sa tao.
19 Sapagka't sa puso nanggagaling ang masasamang pagiisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di katotohanan, mga pamumusong:
20 Ito ang mga bagay na nangakakahawa sa tao; datapuwa't ang kumaing hindi maghugas ng mga kamay ay hindi makakahawa sa tao.
21 At umalis doon si Jesus, at lumigpit sa mga sakop ng Tiro at Sidon.
22 At narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonio.
23 Datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anomang salita sa kaniya. At nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at siya'y pinamanhikan, na nangagsasabi, Paalisin mo siya; sapagka't nagsisisigaw siya sa ating hulihan.
24 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi, Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.
25 Datapuwa't lumapit siya at siya'y sinamba niya, na nagsasabi, Panginoon, saklolohan mo ako.
26 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga aso.
27 Datapuwa't sinabi niya, Oo, Panginoon: sapagka't ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon.
28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon.
29 At umalis si Jesus doon, at naparoon sa tabi ng dagat ng Galilea; at umahon sa bundok, at naupo doon.
30 At lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga pingkaw, at iba pang marami, at sila'y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan; at sila'y pinagaling niya:
31 Ano pa't nangagtaka ang karamihan, nang mangakita nilang nangagsasalita ang mga pipi, nagsisigaling ang mga pingkaw, at nagsisilakad ang mga pilay, at nangakakakita ang mga bulag: at kanilang niluwalhati ang Dios ng Israel.
32 At pinalapit ni Jesus sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi, Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nagsisipanatili sa akin at wala silang makain: at di ko ibig na sila'y paalising nangagaayuno, baka sila'y manganglupaypay sa daan.
33 At sa kaniya'y sinabi ng mga alagad, Saan tayo mangakakakuha rito sa ilang ng sapat na daming tinapay na makabubusog sa ganyang lubhang napakaraming tao?
34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito, at ilang maliliit na isda.
35 At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa;
36 At kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; at siya'y nagpasalamat at pinagputolputol, at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.
37 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at pinulot nila ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.
38 At silang nagsikain ay apat na libong lalake, bukod ang mga babae at mga bata.
39 At pinayaon niya ang mga karamihan at lumulan sa daong, at napasa mga hangganan ng Magdala.
Mateo 15
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang tungkol sa mga Tradisyon(A)
15 Pagkatapos noon, lumapit kay Jesus ang ilang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem. Tinanong nila si Jesus, 2 “Bakit nilalabag ng mga tagasunod mo ang tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” 3 Sumagot si Jesus sa kanila, “At kayo, bakit ninyo nilalabag ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Halimbawa, sinabi ng Dios, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[a] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[b] 5 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa kanyang mga magulang na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay nakalaan na sa Dios, 6 hindi na niya kailangang tumulong sa kanila. Pinawawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon. 7 Mga pakitang-tao! Tamang-tama ang sinabi ng Dios tungkol sa inyo sa pamamagitan ni Isaias:
8 ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
9 Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
sapagkat ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’ ”[c]
Ang Nagpaparumi sa Tao(B)
10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ang sasabihin ko. 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang mga lumalabas dito.”
12 Lumapit ngayon ang mga tagasunod niya at sinabi, “Alam nʼyo po ba na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?” 13 Sumagot siya, “Lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit ay bubunutin. 14 Hayaan ninyo sila. Mga bulag silang tagaakay. Kung ang bulag ang aakay sa kapwa niya bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot si Pedro, “Pakipaliwanag nʼyo po sa amin ang paghahalintulad na sinabi nʼyo kanina.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa rin ba ninyo naintindihan? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at idinudumi? 18 Ngunit ang lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso ng tao, at ito ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 19 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masasamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya para pumatay, mangalunya, gumawa ng sekswal na imoralidad, magnakaw, magsinungaling at manira ng kapwa. 20 Ang mga bagay na ito ang nagpaparumi sa isang tao. Ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”
Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio(C)
21 Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre at Sidon. 22 May isang Cananea na naninirahan doon. Lumapit siya kay Jesus at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, Anak ni David,[d] maawa kayo sa akin. Ang anak kong babae ay sinasaniban at lubhang pinahihirapan ng masamang espiritu.” 23 Pero hindi sumagot si Jesus. Kaya lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang babaeng iyan, dahil sunod siya nang sunod sa atin at nag-iingay.” 24 Sinabi ni Jesus sa babae, “Sinugo ako para lang sa mga Israelita na parang mga tupang naliligaw.” 25 Pero lumapit pa ang babae kay Jesus at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, tulungan nʼyo po ako.” 26 Sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 27 Sumagot naman ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso ay kumakain ng mga tirang nahuhulog mula sa mesa ng kanilang amo.” 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Napakalaki ng pananampalataya mo! Mangyayari ang ayon sa hinihiling mo.” At nang sandaling iyon ay gumaling ang anak ng babae.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Mula roon, pumunta si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, komang, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Jesus at pinagaling niya silang lahat. 31 Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga komang, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Dios ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(D)
32 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 34 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. 38 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 4,000 maliban pa sa mga babae at mga bata.
39 Matapos pauwiin ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
