Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Taksil na Asawa ni Hoseas
2 Nang unang magsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Hoseas, sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Humayo ka, mag-asawa ka ng isang bayarang babae[a] at magkaroon ka ng mga anak sa bayarang babae, sapagkat ang lupain ay gumagawa ng malaking kahalayan dahil sa pagtalikod nila sa Panginoon.”
3 Kaya't humayo siya, at kinuha niya si Gomer na anak ni Diblaim. At siya'y naglihi at nanganak sa kanya ng isang lalaki.
4 Sinabi(A) ng Panginoon sa kanya, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Jezreel, sapagkat ilang sandali na lang at aking parurusahan ang sambahayan ni Jehu dahil sa dugo ni Jezreel, at aking tatapusin ang kaharian ng sambahayan ni Israel.
5 Sa araw na iyon, aking babaliin ang busog ng Israel sa libis ng Jezreel.”
6 Siya'y muling naglihi, at nanganak ng isang babae. At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Lo-ruhama;[b] sapagkat hindi na ako mahahabag sa sambahayan ni Israel, ni patatawarin pa sila.
7 Ngunit ako'y maaawa sa sambahayan ni Juda, at ililigtas ko sila sa pamamagitan ng Panginoon nilang Diyos. Hindi ko sila ililigtas sa pamamagitan ng busog, o sa pamamagitan man ng tabak, o sa pamamagitan man ng digmaan, o sa pamamagitan man ng mga kabayo, o sa pamamagitan man ng mga mangangabayo.”
8 Nang maihiwalay niya sa pagsuso si Lo-ruhama, siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki.
9 At sinabi ng Panginoon, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Lo-ammi;[c] sapagkat kayo'y hindi ko bayan, at ako'y hindi ninyo Diyos.”
Ibabalik ang Israel
10 Gayunma'y(B) ang bilang ng mga anak ni Israel ay magiging parang buhangin sa dagat na hindi masusukat, o mabibilang man; at sa dakong sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi aking bayan,” ay sasabihin sa kanila, “Kayo'y mga anak ng Diyos na buháy.”
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
85 Panginoon, ikaw ay naging mabuti sa iyong lupain,
ibinalik mo ang kayamanan ng Jacob.
2 Pinatawad mo ang kasamaan ng iyong bayan,
pinatawad mo ang lahat nilang kasalanan. (Selah)
3 Inalis mo ang lahat ng poot mo,
tumalikod ka sa bangis ng galit mo.
4 O Diyos ng aming kaligtasan, muli mo kaming panumbalikin,
at alisin mo ang iyong galit sa amin.
5 Magagalit ka ba sa amin magpakailanman?
Ipagpapatuloy mo ba ang iyong galit sa lahat ng salinlahi?
6 Hindi ba kami ay muling bubuhayin mo,
upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?
7 O Panginoon, ipakita mo sa amin ang iyong tapat na pagsuyo,
at ipagkaloob mo sa amin ang pagliligtas mo.
8 Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
9 Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.
Kapuspusan ng Buhay kay Cristo
6 Kaya't kung paanong tinanggap ninyo si Cristo Jesus na Panginoon, ay lumakad kayong gayon sa kanya,
7 na nakaugat at nakatayo sa kanya, at matibay sa pananampalataya, gaya ng itinuro sa inyo, na sumasagana sa pasasalamat.
8 Kayo'y mag-ingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga simulain ng sanlibutan, at hindi ayon kay Cristo.
9 Sapagkat sa kanya'y naninirahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan,
10 at kayo'y napuspos sa kanya, na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapangyarihan.
11 Sa kanya ay tinuli rin kayo ng pagtutuling hindi gawa ng mga kamay, sa pamamagitan ng paghuhubad ng katawang laman sa pagtutuli ni Cristo;
12 nang(A) ilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo rin ay muling binuhay na kasama niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay.
13 At(B) kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan at sa di-pagtutuli ng inyong laman ay kanyang binuhay kayong kasama niya, nang ipinatawad niya sa inyo ang lahat ng mga kasalanan,
14 na(C) pinawi ang sulat-kamay[a] na laban sa atin na nasa mga tuntuning salungat sa atin, at ito'y kanyang inalis at ipinako sa krus.
15 Inalisan niya ng sandata ang mga pinuno at ang mga may kapangyarihan at sila'y ginawa niyang hayag sa madla, na nagtatagumpay sa kanila sa pamamagitan nito.
16 Kaya't(A) ang sinuman ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain at inumin, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o mga araw ng Sabbath,
17 na ang mga ito ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katawan ay kay Cristo.
18 Huwag ninyong hayaan na agawan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na pinanghahawakan ang mga bagay na kanyang nakita, na nagyayabang nang walang dahilan sa pamamagitan ng kanyang makalamang pag-iisip,
19 at(B) hindi kumakapit sa Ulo, na sa kanya'y ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasanib sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid ay lumalago ng paglagong mula sa Diyos.
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Panalangin(A)
11 Siya'y nanalangin sa isang lugar at nang siya'y makatapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin, gaya ni Juan na nagturo sa kanyang mga alagad.”
2 Sinabi niya sa kanila, “Kapag kayo'y nananalangin, inyong sabihin,
‘Ama,[a] sambahin nawa ang pangalan mo.
Dumating nawa ang kaharian mo.
3 Ibigay mo sa amin sa bawat araw ang aming pang-araw-araw na pagkain.
4 At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan,
sapagkat pinatatawad naman namin ang bawat nagkakautang sa amin,
at huwag mo kaming dalhin sa tukso.’”
5 Sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo ang mayroong kaibigan at kayo ay pumunta sa kanya nang hatinggabi at magsabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay;
6 sapagkat dumating ang isa kong kaibigan mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’
7 At siyang nasa loob ay sasagot, ‘Huwag mo akong abalahin. Nakasara na ang pinto, nasa higaan na kami ng aking mga anak. Hindi ako makakabangon upang mabigyan ka ng anuman!’
8 Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan, ngunit dahil sa kanyang pamimilit siya'y babangon at ibibigay ang anumang kailanganin niya.
9 At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makakakita; tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan.
10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang humahanap ay nakakatagpo, at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.
11 Mayroon ba sa inyong isang ama, na kung humingi ang kanyang anak ng[b] isda ay ahas ang ibibigay sa halip na isda?
12 O kung siya'y humingi ng itlog, bibigyan kaya niya ng alakdan?
13 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya?”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001