Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Magmahalan Tayo
11 Ito ang mensaheng narinig ninyo mula pa noong una: dapat tayong magmahalan. 12 Hindi tayo dapat maging katulad ni Cain na kakampi ng Masama. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit niya ito pinaslang? Sapagkat ang mga gawa niya ay masasama, at ang mga gawa naman ng kanyang kapatid ay matutuwid. 13 Huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung napopoot sa inyo ang sanlibutan. 14 Nalalaman nating nakatawid na tayo mula sa kamatayan tungo sa buhay, sapagkat minamahal natin ang mga kapatid. Ang hindi nagmamahal ay nananatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao. Alam ninyo na hindi nananatili ang buhay na walang hanggan sa mamamatay-tao. 16 Ganito natin nakikilala ang pag-ibig: ibinigay niya ang kanyang buhay alang-alang sa atin; at dapat din nating ibigay ang ating mga buhay alang-alang sa mga kapatid. 17 Paanong mananatili ang pag-ibig ng Diyos sa sinumang may kaya sa buhay sa sanlibutang ito kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito pinakikitaan ng habag?
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.