Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pananampalataya at Gawa
14 Mga kapatid, ano ang pakinabang kung sabihin man ng isang tao na mayroon siyang pananampalataya, ngunit hindi naman ito nakikita sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15 Halimbawang ang isang kapatid ay walang maisuot at walang makain sa araw-araw, 16 at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanya, “Pagpalain ka ng Diyos; magbihis ka't mabusog,” ngunit hindi naman ninyo ibinibigay ang mga kailangan ng kanyang katawan, ano'ng pakinabang niyon? 17 Gayundin naman, ang pananampalatayang walang kalakip na gawa ay patay. 18 Ngunit may magsasabi: Mayroon kang pananampalataya, at mayroon naman akong gawa. Ipakita mo sa akin ang pananampalataya mong walang kalakip na gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Sumasampalataya kang iisa ang Diyos? Mabuti! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya at nanginginig pa. 20 Nais mo ba ng katibayan, O taong hangal, na walang kabuluhan ang pananampalataya na walang kasamang gawa? 21 Hindi (A) ba't kinalugdan ng Diyos ang ating amang si Abraham dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac? 22 Dito'y makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at kanyang mga gawa, at naging ganap ang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. 23 Natupad (B) ang sinasabi ng Kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring na matuwid,” at tinawag siyang kaibigan ng Diyos. 24 Dito ninyo makikita na ang tao'y itinuturing na matuwid dahil sa kanyang mga gawa at hindi dahil sa kanyang pananampalataya lamang. 25 Gayundin, (C) hindi ba't ang masamang babaing si Rahab[a] ay itinuring na matuwid dahil sa mga gawa, nang patuluyin niya ang mga espiya at nagturo ng ibang daan upang makatakas? 26 Sapagkat kung paanong ang katawang walang espiritu ay patay, ang pananampalatayang walang kalakip na gawa ay patay.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.