Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Mga Hari 5:1-14

Si Naaman nga, na punong kawal ng hukbo ng hari sa Siria, ay dakilang lalake sa kaniyang panginoon, at marangal, sapagka't sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria: siya rin nama'y malakas na lalake na may tapang, nguni't may ketong.

At ang mga taga Siria ay nagsilabas na mga pulupulutong, at nagdala ng bihag na mula sa lupain ng Israel na isang dalagita; at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.

At sinabi niya sa kaniyang babaing panginoon. Mano nawa ang aking panginoon ay humarap sa propeta na nasa Samaria! kung magkagayo'y pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.

At pumasok ang isa, at isinaysay sa kaniyang panginoon, na sinasabi, Ganito't ganito ang sabi ng dalagita na nagmula sa lupain ng Israel.

At sinabi ng hari sa Siria, Yumaon ka, yumaon ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari sa Israel. At siya'y yumaon, at nagdala siya ng sangpung talentong pilak, at anim na libong putol na ginto, at sangpung pangpalit na bihisan.

At kaniyang dinala ang sulat sa hari sa Israel, na sinasabi, At pagka nga dumating sa iyo ang sulat na ito, ay talastasin mo na aking sinugo si Naaman na aking lingkod sa iyo, upang iyong pagalingin siya sa kaniyang ketong.

At nangyari, nang mabasa ng hari sa Israel ang sulat, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot at nagsabi, Ako ba'y Dios upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ito sa kaniyang ketong? nguni't talastasin mo, isinasamo ko sa iyo, at tingnan mo kung paanong siya'y humahanap ng dahilan laban sa akin.

At nagkagayon, nang mabalitaan ni Eliseo na lalake ng Dios na hinapak ng hari sa Israel ang kaniyang suot, na siya'y nagsugo sa hari, na nagsabi: Bakit mo hinapak ang iyong mga kasuutan? paparituhin mo siya sa akin, at kaniyang malalaman na may isang propeta sa Israel.

Sa gayo'y naparoon si Naaman na dala ang kaniyang mga kabayo at ang kaniyang mga karo, at tumayo sa pintuan ng bahay ni Eliseo.

10 At si Eliseo ay nagsugo ng sugo sa kaniya, na nagsasabi, ikaw ay yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis.

11 Nguni't si Naaman ay naginit, at umalis, at nagsabi, Narito, aking inakalang, walang pagsalang lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, at pagagalawgalawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan, at mapapawi ang ketong.

12 Hindi ba ang Abana at ang Pharphar, na mga ilog ng Damasco, ay mainam kay sa lahat ng tubig sa Israel? hindi ba ako makapaliligo sa mga yaon, at maging malinis? Sa gayo'y pumihit siya at umalis sa paginit.

13 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsilapit, at nagsipagsalita sa kaniya, at nagsabi, Ama ko, kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?

14 Nang magkagayo'y lumusong siya at sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Dios: at ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.

Awit 30

30 Dadakilain kita, Oh Panginoon; sapagka't itinindig mo ako, at hindi mo pinagalak sa akin ang aking mga kaaway.

Oh Panginoon kong Dios, dumaing ako sa iyo, at ako'y pinagaling mo.

Oh Panginoon, iyong isinampa ang aking kaluluwa mula sa Sheol: iyong iningatan akong buhay, upang huwag akong bumaba sa hukay.

Magsiawit kayo ng pagpuri sa Panginoon, Oh kayong mga banal niya, at mangagpasalamat kayo sa kaniyang banal na pangalan.

Sapagka't ang kaniyang galit ay sangdali lamang; ang kaniyang paglingap ay habang buhay: pagiyak ay magtatagal ng magdamag, nguni't kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.

Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking kaginhawahan: hindi ako makikilos kailan man.

Ikaw, Panginoon, sa iyong paglingap ay pinatayo mong matibay ang aking bundok: iyong ikinubli ang iyong mukha; ako'y nabagabag.

Ako'y dumaing sa iyo, Oh Panginoon; at sa Panginoon ay gumawa ako ng pamanhik:

Anong pakinabang magkakaroon sa aking dugo, pagka ako'y mababa sa hukay? Pupuri ba sa iyo ang alabok? magsasaysay ba ito ng iyong katotohanan?

10 Iyong dinggin, Oh Panginoon, at maawa ka sa akin: Panginoon, maging saklolo nawa kita.

11 Iyong pinapaging sayaw sa akin ang aking tangis; iyong kinalag ang aking kayong magaspang, at binigkisan mo ako ng kasayahan:

12 Upang ang pagluwalhati ko ay umawit na pagpupuri sa iyo at huwag maging tahimik: Oh Panginoon kong Dios, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man.

Galacia 6:1-6

Mga kapatid, kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso.

Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.

Sapagka't kung ang sinoman ay nagaakala na siya'y may kabuluhan bagaman siya ay walang kabuluhan, ang kaniyang sarili ang dinadaya niya.

Nguni't siyasatin ng bawa't isa ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng kaniyang kapurihan tungkol sa kaniyang sarili lamang, at hindi tungkol sa kapuwa.

Sapagka't ang bawa't tao ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan.

Datapuwa't ang tinuturuan sa aral ng Dios ay makidamay doon sa nagtuturo sa lahat ng mga bagay na mabuti.

Galacia 6:7-16

Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka't ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.

Sapagka't ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa't ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan.

At huwag tayong mangapagod sa paggawa ng mabuti: sapagka't sa kapanahunan ay magsisipagani tayo, kung hindi tayo manganghihimagod.

10 Kaya nga, samantalang tayo'y may pagkakataon, ay magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, at lalong lalo na sa mga kasangbahay sa pananampalataya.

11 Tingnan ninyo kung gaano kalalaking mga titik ang isinulat ko sa inyo ng aking sariling kamay.

12 Yaong lahat na may ibig magkaroon ng isang mabuting anyo sa laman, ay siyang pumipilit sa inyo na mangagtuli; upang huwag lamang silang pagusigin dahil sa krus ni Cristo.

13 Sapagka't yaon mang nangatuli na ay hindi rin nagsisitupad ng kautusan; nguni't ibig nilang kayo'y ipatuli, upang sila'y mangagmapuri sa inyong laman.

14 Datapuwa't malayo nawa sa akin ang pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niyao'y ang sanglibutan ay napako sa krus sa ganang akin, at ako'y sa sanglibutan.

15 Sapagka't ang pagtutuli ay walang anoman, kahit man ang di-pagtutuli, kundi ang bagong nilalang.

16 At ang lahat na mangagsisilakad ayon sa alituntuning ito, kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanila, at sa Israel ng Dios.

Lucas 10:1-11

10 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay naghalal ng pitongpu pa, at sila'y sinugong daladalawa, sa unahan ng kaniyang mukha, sa bawa't bayan at dako na kaniyang paroroonan.

At sinabi niya sa kanila, Sa katotohana'y marami ang aanihin, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa: kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.

Magsiyaon kayo sa iyong lakad; narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga lobo.

Huwag kayong magsipagdala ng supot ng salapi, ng supot man ng pagkain, ng mga pangyapak man; at huwag kayong magsibati kanino mang tao sa daan.

At sa alin mang bahay na inyong pasukin, ay sabihin ninyo muna, Kapayapaan nawa sa bahay na ito.

At kung mayroon doong anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaa'y mananatili sa kaniya: datapuwa't kung wala, ay babalik ito sa inyong muli.

At magsipanatili kayo sa bahay ding yaon, na kanin at inumin ninyo ang mga bagay na kanilang ibigay: sapagka't ang manggagawa ay marapat sa kaniyang kaupahan. Huwag kayong mangagpalipatlipat sa bahaybahay.

At sa alin mang bayan na iyong pasukin, at kayo'y kanilang tanggapin, ay kanin ninyo ang mga bagay na ihain sa inyo:

At pagalingin ninyo ang mga maysakit na nangaroon, at sabihin ninyo sa kanila, Lumapit na sa inyo ang kaharian ng Dios.

10 Datapuwa't sa alin mang bayan na inyong pasukin, at hindi kayo tanggapin, magsilabas kayo sa kanilang mga lansangan at inyong sabihin,

11 Pati ng alabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa, ay ipinapagpag namin laban sa inyo: gayon ma'y inyong talastasin ito, na lumapit na ang kaharian ng Dios.

Lucas 10:16-20

16 Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig; at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil; at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki'y nagsugo.

17 At nagsipagbalik ang pitongpu na may kagalakan, na nangagsasabi, Panginoon, pati ang mga demonio ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan.

18 At sinabi niya sa kanila, Nakita ko si Satanas, na nahuhulog na gaya ng lintik, mula sa langit.

19 Narito, binigyan ko kayo ng kapamahalaan na inyong yurakan ang mga ahas at ang mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway: at sa anomang paraa'y hindi kayo maaano.

20 Gayon ma'y huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain