Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagtutulungan
6 Mga kapatid, kung mayroon sa inyong mahulog sa pagkakasala, kayong mga espirituwal ang dapat na mahinahong magtuwid sa kanya. At mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. 2 Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng isa't isa, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. 3 Kung inaakala ng sinuman na siya'y mahalaga gayong wala naman siyang kabuluhan, dinadaya niya ang kanyang sarili. 4 Suriin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa. Sa gayon, masisiyahan siya kung mabuti ang kanyang ginagawa nang hindi ihinahambing ang sarili sa iba. 5 Sapagkat ang pananagutan ng bawat isa ay ang kanyang sariling pasanin. 6 Ang lahat ng pagpapalang tinatamasa ng mga tinuturuan ay dapat nilang ibahagi sa mga nagtuturo sa kanila ng salita ng Diyos.
7 Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi maaaring hamakin, sapagkat kung ano ang itinanim ng tao ay siya rin niyang aanihin. 8 Sapagkat ang nagtatanim ng mga bagay upang bigyang kasiyahan ang masasamang pagnanasa ng laman ay mag-aani ng kapahamakan. Subalit ang nagtatanim upang bigyan ng kasiyahan ang Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan. 9 Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo panghihinaan ng loob. 10 Kaya't habang may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.
Babala at Basbas
11 Pansinin ninyo kung gaano kalalaki ang mga titik ng sulat-kamay ko! Ako mismo ang sumulat nito! 12 Ang mga taong naghahangad na gumawa ng panlabas na kapurihan ang mga namimilit sa inyong kayo'y magpatuli. Ginagawa nila ito upang huwag na silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Ngunit kahit sila na mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad sa Kautusan. Gayunma'y nais nilang magpatuli kayo upang maipagmalaki nila ang pagpapatuli ninyo. 14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki. Ang tanging ipinagmamalaki ko ay ang krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kanyang krus, ang sanlibutan ay patay na sa akin, at ako'y patay na sa sanlibutan. 15 Sapagkat[a] hindi na mahalaga ang pagtutuli o ang di-pagtutuli, kundi ang pagiging bagong nilalang. 16 Kapayapaan at kahabagan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad ayon sa tuntuning ito, maging sa Israel ng Diyos.
Ang Pagsusugo ni Jesus ng Pitumpu't Dalawa
10 Pagkatapos ng mga ito, humirang ang Panginoon ng pitumpu't dalawa[a] at sila ay dala-dalawa niyang pinauna sa bawat bayan at pook na kanyang pupuntahan. 2 Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin, subalit kakaunti lamang ang manggagawa. Kaya idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng manggagawa sa kanyang aanihin. 3 Humayo kayo; isinusugo ko kayo na tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. 4 Huwag kayong magdala ng lalagyan ng salapi, o ng supot, o ng mga sandalyas. At huwag kayong bumati kaninuman sa daan. 5 Sa alinmang bahay na inyong tuluyan, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa sambahayang ito.’ 6 At kung mayroon doon na maibigin sa kapayapaan, mananatili sa kanya ang inyong kapayapaan. Kung wala naman, babalik sa inyo ang inyong basbas. 7 Manatili kayo sa iisang bahay at huwag magpalipat-lipat. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. 8 Sa alinmang bayan na inyong puntahan at tanggapin kayo ng mga tagaroon, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. 9 Pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Malapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos.’ 10 Subalit sa alinmang bayan na puntahan ninyo at hindi kayo tanggapin ng mga tagaroon, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 ‘Ipinapagpag namin laban sa inyo maging ang mga alikabok ng inyong bayan na kumapit sa aming paa. Subalit pakatandaan ninyong lumapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos.’
16 Sinabi niya sa mga alagad, “Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang mga ayaw tumanggap sa inyo ay ako ang ayaw nilang tanggapin. At ang ayaw tumanggap sa akin ay ayaw tumanggap sa nagsugo sa akin.”
Ang Pagbabalik ng Pitumpu't Dalawa
17 Bumalik ang pitumpu't dalawa[a] at nagagalak na nagsabi kay Jesus, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin dahil sa inyong pangalan!” 18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na bumulusok mula sa langit tulad ng kidlat. 19 Tingnan ninyo, binibigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at mangibabaw sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapananakit sa inyo. 20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak na nagpapasakop sa inyo ang mga espiritu. Sa halip, ikagalak ninyo na ang inyong pangalan ay nakasulat sa langit.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.