Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kalayaan kay Cristo
5 Pinalaya tayo ni Cristo upang patuloy na tamasahin ang kalayaang ito; kaya't magpakatatag kayo at huwag na muling magpaalipin.
13 Tinawag kayo upang maging malaya, mga kapatid. Kaya lang, huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang pagbigyan ang hilig ng laman. Sa halip, maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat (A) ito ang buod ng Kautusan: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayu-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.
Ang mga Gawa ng Laman
16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu, at huwag na huwag kayong susunod sa hilig ng laman. 17 Sapagkat (B) ang mga hilig ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa mga hilig ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang nais ninyong gawin. 18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. 19 Hindi naman maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, karumihan, kahalayan, 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi, 21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng babala ko noon, na ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
Ang Bunga ng Espiritu
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, 23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. 24 Ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makalamang pagkatao, kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito. 25 Yamang binigyan na tayo ng Espiritu ng bagong-buhay, lumakad tayo ayon sa kanyang patnubay.
Hindi Tinanggap si Jesus
51 Nang papalapit na ang araw ng pagtanggap sa kanya sa langit ay itinuon niya ang kanyang sarili sa pagpunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga sugo na mauuna sa kanya. Umalis ang mga ito at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya. 53 Ngunit hindi siya tinanggap ng mga tagaroon sapagkat siya'y nagpasya nang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang makita ito ng mga alagad na sina Santiago at Juan ay sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan tayo ng apoy mula sa langit upang tupukin sila?” 55 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sila'y sinaway. 56 Pumunta sila sa ibang nayon.
Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(A)
57 Habang naglalakbay sila ay may nagsabi sa kanya, “Susunod ako sa inyo saan man kayo magtungo.” 58 Sinabi sa kanya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad naman ang mga ibon ng himpapawid, ngunit ang Anak ng Tao ay walang sariling matitirahan.” 59 Sinabi niya sa isa, “Sumunod ka sa akin!” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan muna ninyo akong umalis upang ilibing ko ang aking ama.” 60 Ngunit sinabi niya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing sa sarili nilang patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang paghahari ng Diyos.” 61 Sinabi naman sa kanya ng isa pa, “Susunod po ako sa inyo Panginoon, ngunit hayaan muna ninyo akong makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” 62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sinumang humawak sa araro at lingon nang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.