Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia
8 Kayo'y alipin ng mga diyus-diyosan noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos. 9 Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihing, kilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik na naman sa mahihina at hamak na mga espiritung iyan? Bakit ibig ninyong muling maalipin ng mga iyon? 10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon! 11 Nangangamba akong ang mga pagpapagal ko para sa inyo'y mawalan ng kabuluhan.
12 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, gayahin ninyo ako, sapagkat ako nama'y gaya rin ninyo noon. Wala kayong ginawang masama sa akin. 13 Alam naman ninyong kaya ako nakapangaral ng ebanghelyo sa inyo ay dahil nagkaroon ako ng karamdaman. 14 At kahit na ako'y naging malaking pasanin sa inyo dahil sa aking karamdaman, hindi pa rin ninyo ako hinamak o tinanggihan. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang isang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! 15 Nasaan na ang kagalakang iyon ngayon?[a] Ano na ang nangyari? Ako mismo ang makapagpapatotoo na kung maaari lang ay dudukutin ninyo noon ang inyong mga mata maibigay lang ito sa akin. 16 Naging kaaway ba ninyo ako ngayon dahil sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan? 17 Masigasig ang mga taong iyan upang mahikayat kayo, subalit hindi mabuti ang kanilang layunin. Ang naisin nila ay ang ilayo kayo sa akin, upang kayo'y sa kanila maging masigasig. 18 Mabuti naman ang maging laging masigasig, basta para sa mabuting layunin. Gawin ninyo lagi ito at hindi lamang kapag kaharap ninyo ako! 19 Minamahal kong mga anak! Para sa inyo'y muli akong dumaranas ng hirap gaya ng isang babaing nanganganak, hanggang hindi nabubuo sa inyo ang pagkatao ni Cristo. 20 Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ko ang tono ng aking pagsasalita. Labis akong nag-aalala para sa inyo!
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.