Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mga Bunga ng Pagiging Matuwid
5 Kaya't yamang tayo'y itinuring nang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon na tayong pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan din niya ay nabuksan ang daan upang tamasahin natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.[a] Dahil dito ay nagagalak tayo, dahil na rin sa pag-asang makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. 3 At hindi lamang iyan. Nagagalak din tayo sa mga pagdurusang ating nararanasan, sapagkat alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 Ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pag-asa. 5 Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat ibinuhos ng Diyos sa ating puso ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin.
12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo, subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin ngayon. 13 Kapag dumating siya, ang Espiritu ng katotohanan, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan; sapagkat hindi mula sa sarili ang kanyang sasabihin, kundi kung ano ang naririnig niya at ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako, sapagkat tatanggapin niya kung ano ang mula sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo. 15 Lahat ng sa Ama ay sa akin. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko na tatanggapin niya ang mula sa akin at sa inyo'y ipapahayag.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.