Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Cristo na Ipinako sa Krus
2 Mga kapatid, nang pumunta ako sa inyo, hindi ako dumating na nagbabalita sa inyo ng hiwaga[a] ng Diyos ayon sa kahusayan ng pananalita o ng karunungan. 2 Sapagkat napagpasyahan ko noong kasama ninyo ako na walang anumang makilala, maliban kay Jesu-Cristo, siya na ipinako sa krus. 3 Ako nga'y nakasama ninyo nang may kahinaan, may takot, at matinding panginginig. 4 Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mga mapanghikayat na salita ng karunungan, kundi sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Espiritu, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi mapasalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang Pagpapahayag ng Banal na Espiritu ng Diyos
6 Ngunit sa mga nasa hustong gulang ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, o ng mga pinuno sa kapanahunang ito, na pawang mawawalan ng kabuluhan. 7 Sa halip, ang sinasabi namin ay ang hiwaga at itinagong karunungan ng Diyos, na kanyang itinalaga bago pa nagkaroon ng mga panahon para sa kaluwalhatian natin. 8 Wala ni isa man sa mga pinuno ng kapanahunang ito ang nakaalam nito, sapagkat kung ito'y nalaman nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit tulad ng nasusulat,
“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
at hindi pumasok sa puso ng tao,
ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”
10 Ngunit ipinahayag ito sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng bagay, pati ang malalalim na bagay tungkol ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakaaalam ng mga iniisip ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Gayundin naman, walang nakaaalam ng mga iniisip ng Diyos, kundi ang Espiritu ng Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.