Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sina Pablo at Silas sa Bilangguan ng Filipos
16 Minsang papunta kami sa dakong dalanginan, sinalubong kami ng isang batang babaing alipin na may espiritu ng panghuhula. Malaki ang pakinabang ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Sinusundan-sundan niya kami nina Pablo, habang sumisigaw ng ganito, “Ang mga taong ito'y mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo ang daan ng kaligtasan.” 18 Ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mainis na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa kanya.” At lumabas ang espiritu nang oras ding iyon. 19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sa pamilihan upang iharap sa mga pinuno. 20 Pinaratangan sila ng ganito sa harap ng mga hukom, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang bilang mga Romano'y hindi natin nararapat gawin at tanggapin.” 22 Sinunggaban sila ng maraming tao, pinunit ang kanilang mga damit at ipinahagupit. 23 Pagkatapos hagupitin nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinabantayang mabuti. 24 Nang matanggap ng bantay ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy. 25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umawit ng mga himno sa Diyos, habang nakikinig naman ang ibang bilanggo. 26 Biglang lumindol nang malakas, at nayanig ang mga pundasyon ng bilangguan. Agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nalagot ang mga tanikala ng lahat ng mga bilanggo. 27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at nagtangkang magpakamatay. 28 Ngunit sumigaw nang malakas si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Naririto kaming lahat!” 29 Humingi ng ilaw ang bantay at tumakbo paloob, at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Nang sila'y dalhin sa labas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” 31 At kanilang sinabi, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang tahanan. 33 Nang oras ding iyon ng gabi, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, kasama ang kanyang buong sambahayan. 34 Matapos na patuluyin sa kanyang tahanan, sila'y ipinaghanda niya ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya sa Diyos.
12 “Tingnan (A) mo, ako'y malapit nang dumating; dala ko ang aking gantimpala, upang gantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa. 13 Ako (B) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”
14 Pinagpala (C) ang mga naghuhugas ng kanilang mga damit, upang magkaroon sila ng karapatan sa puno ng buhay at makapasok sa mga pintuan ng lungsod.
16 “Akong (A) si Jesus ang nagsugo ng aking anghel sa inyo upang magpatotoo sa mga bagay na ito sa harap ng mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”
17 Sinasabi (B) ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halika.”
Magsabi ang bawat nakikinig, “Halika.”
Lumapit ang nauuhaw.
Ang sinumang may nais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.
20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, malapit na akong dumating.”[a]
Amen. Dumating ka nawa, Panginoong Jesus! 21 Pagpalain nawa ng Panginoong Jesus ang lahat. Amen.
20 “Nakikiusap ako hindi lamang para sa mga taong ito, kundi para rin sa mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, 21 upang silang lahat ay maging isa, tulad mo, Ama, na nasa akin at ako'y nasa iyo, na sila rin ay mapasaatin, upang ang sanlibutan ay maniwala na ako'y isinugo mo. 22 Ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 23 Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa, at malaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at minahal mo sila kung paanong minahal mo ako.
24 “Ama, hinahangad kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa man maitatag ang sanlibutan. 25 Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at alam ng mga taong ito na isinugo mo ako. 26 Ipinakilala ko ang pangalan mo sa kanila, at ipapakilala ko pa, upang ang pagmamahal na iniukol mo sa akin ay mapasakanila, at ako rin ay mapasakanila.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.