Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagtawag kay Saulo(A)
9 Samantala, sumisidhi ang pagnanais ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Kaya pumunta siya sa Kataas-taasang Pari. 2 Humingi siya sa Kataas-taasang Pari ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, maging lalaki o babae, ay dadalhin niyang bihag sa Jerusalem. 3 Sa kanyang paglalakbay papalapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit. 4 Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?” 5 Sinabi niya, “Sino po ba kayo, panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig. 6 Tumayo ka at pumasok sa lungsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.”
7 Hindi makapagsalita ang mga taong naglalakbay na kasama niya, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit wala silang nakikitang sinuman. 8 Tumayo si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata ay wala siyang makita. Kaya't inakay siya ng kanyang mga kasama at ipinasok sa Damasco. 9 Tatlong araw siyang hindi makakita, at hindi rin kumain o uminom. 10 Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sumagot siya, “Narito ako, Panginoon.” 11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na may pangalang Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya. 12 Nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias. Pumapasok ito at ipinapatong ang mga kamay sa kanya upang muli siyang makakita.” 13 Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga hinirang na nasa Jerusalem. 14 Mayroon siyang pahintulot mula sa mga punong pari na igapos ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.” 15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Humayo ka. Sapagkat ang lalaking ito ay isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.” 17 Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” 18 Agad nalaglag mula sa mga mata ni Saulo ang bagay na parang mga kaliskis, at muli siyang nakakita.Tumayo siya at binautismuhan. 19 Pagkatapos niyang kumain ay nanumbalik ang kanyang lakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.
Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco
20 Agad ipinangaral ni Saulo sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos.
11 (A) Ako'y muling tumingin at narinig ko ang tinig ng maraming mga anghel na nakapaligid sa trono, at ng mga buháy na nilalang, at ng mga matatanda; milyun-milyon at libu-libo ang bilang nila, 12 na malakas na umaawit,
“Ang pinaslang na kordero ay karapat-dapat
na tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan,
karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan!”
13 At narinig ko ang bawat nilalang sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa at sa dagat, at maging ang lahat ng bagay na nasa mga ito, na nagsasabi,
“Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero
ay kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan
magpakailanpaman!”
14 Sinabi ng apat na buháy na nilalang, “Amen!” At nagpatirapa ang matatanda at sila'y sumamba.
Ang Pagpapakita ni Jesus sa Pitong Alagad
21 Pagkatapos ng mga ito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa Lawa ng Tiberias. Sa gayong paraan nagpakita siya. 2 Naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael ng Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad. 3 (A)Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” “Sasamahan ka namin,” sabi nila. Umalis sila at sumakay ng bangka. Subalit nang gabing iyon, wala silang nahuli.
4 Pagsapit ng bukang-liwayway, tumayo si Jesus sa tabing lawa; ngunit hindi alam ng mga alagad na siya ay si Jesus. 5 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, may nahuli ba kayong isda?” Sumagot sila, “Wala.” 6 (B)Sinabi niya sa kanila, “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan, at makahuhuli kayo.” Kaya ihinagis nga nila ito, at halos hindi na nila mahila ang lambat dahil sa dami ng huli. 7 Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Siya ang Panginoon!” Nang marinig ni Pedro na iyon ay ang Panginoon, nagdamit siya, dahil siya'y hubad, at tumalon siya sa lawa. 8 Ngunit ang ibang mga alagad ay dumating sakay ng bangka, hila-hila ang lambat na punung-puno ng isda, dahil hindi naman sila kalayuan sa lupa, na halos siyamnapung metro ang layo.
9 Nang makarating sila sa pampang, nakakita sila ng uling na nagbabaga, may isda sa ibabaw nito, at mayroon ding tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo ng isda na bagong huli ninyo.” 11 Kaya pumunta si Simon Pedro sa bangka at hinila papuntang pampang ang lambat na puno ng isda: isandaan at limampu't tatlong lahat. Kahit napakarami ng mga ito, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo at mag-agahan.” Sinuman sa kanila ay hindi nagtangkang magtanong kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumakad si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, at ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito ang ikatlong pagkakataon na nagpakita si Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa kamatayan.
15 Matapos mag-agahan, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit sa mga ito?” Sinabi niya kay Jesus, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa.” 16 Muling nagtanong si Jesus sa ikalawang pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Muling nagtanong si Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil tatlong ulit na siyang tinanong ni Jesus, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo: noong bata ka pa, binibihisan mo ang iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay, at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo nais pumunta.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay sa paraang maluluwalhati niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.