Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
27 Nang kanilang madala ang mga apostol, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng Kataas-taasang Pari, 28 “Hindi (A) ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang magturo sa pangalang ito? Ngunit tingnan ninyo, pinalaganap na ninyo sa Jerusalem ang inyong aral, at nais pa ninyo kaming managot sa pagkamatay[a] ng taong ito!” 29 Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin at hindi ang mga tao. 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang nagbangon kay Jesus, na inyong pinatay nang bitayin ninyo siya sa punongkahoy. 31 Itinaas siya ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataong magsisi ang Israel, at mapatawad ang mga kasalanan. 32 Saksi kami sa mga sinasabi naming ito, gayundin ang Banal na Espiritu na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”
4 Mula (A) kay Juan: Sa pitong iglesya sa Asia:
Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa kanya na siyang kasalukuyan, nakaraan at siyang darating, at mula sa pitong espiritu na nasa harapan ng kanyang trono, 5 at (B) mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang pangunahin sa mga binuhay mula sa kamatayan, at pinuno ng mga hari sa lupa.
Doon sa umiibig at nagpalaya[a] sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo, 6 at ginawa (C) tayong isang kaharian, mga pari para sa kanyang Diyos at Ama, sa kanya ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailanman. Amen.
7 Tingnan (D) ninyo! Dumarating siyang nasa mga ulap;
makikita siya ng bawat mata,
maging ng mga sumaksak sa kanya,
at tatangis dahil sa kanya ang lahat ng lipi sa daigdig.
Mangyari nawa. Amen.
8 “Ako (E) ang Alpha at ang Omega,” ang sabi ng Panginoong Diyos, na siyang kasalukuyan, nakaraan at siyang darating, ang Makapangyarihan sa lahat.
Nagpakita si Jesus sa mga Alagad(A)
19 Kinagabihan ng araw na iyon, unang araw ng linggo, habang ang mga pinto ng bahay na pinagtitipunan ng mga alagad ay nakasara dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, sinusugo ko rin kayo.” 22 Nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya at kanyang sinabi, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 (B)Kung pinatatawad ninyo ang mga kasalanan ninuman, pinatatawad na sila sa mga ito; kung hindi ninyo pinatatawad ang mga kasalanan ninuman, hindi nga pinatatawad ang mga ito.”
24 Ngunit si Tomas na tinatawag na Kambal, isa sa labindalawa, ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita na namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at maisuot ang daliri ko sa butas ng mga pako, at ang kamay ko sa kanyang tagiliran, hindi ako maniniwala.”
26 Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ng bahay ang mga alagad, at kasama na nila si Tomas. Kahit na nakasara ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27 Pagkatapos ay sinabi niya kay Tomas, “Isuot mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Iabot mo rito iyong kamay at ipasok mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan, sa halip, maniwala ka.” 28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniwala ka ba dahil nakita mo ako? Mapapalad ang mga hindi nakakita subalit sumasampalataya.”
Ang Layunin ng Aklat na Ito
30 Marami pang ibang himala na ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad na hindi naisulat sa aklat na ito. 31 Subalit ang mga ito ay isinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa inyong pagsampalataya, kayo ay magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng kanyang pangalan.[a]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.