Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 150

150 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo ang Dios sa kaniyang santuario: purihin ninyo siya sa langit ng kaniyang kapangyarihan.

Purihin ninyo siya dahil sa kaniyang mga makapangyarihang gawa: purihin ninyo siya ayon sa kaniyang marilag na kadakilaan.

Purihin ninyo siya ng tunog ng pakakak: purihin ninyo siya ng salterio at alpa.

Purihin ninyo siya ng pandereta at sayaw: purihin ninyo siya ng mga panugtog na kawad at ng flauta.

Purihin ninyo siya ng mga matunog na simbalo. Purihin ninyo siya sa pinaka matunog na mga simbalo.

Purihin ng bawa't bagay na may hininga ang Panginoon. Purihin ninyo ang Panginoon.

1 Samuel 17:32-51

32 At sinabi ni David kay Saul, Huwag manglupaypay ang puso ng sinoman dahil sa kaniya; ang iyong lingkod ay yayaon at makikipaglaban sa Filisteong ito.

33 At sinabi ni Saul kay David: Hindi ka makaparoroon laban sa Filisteong ito upang makipaglaban sa kaniya: sapagka't ikaw ay isang bata, at siya'y isang lalaking mangdidigma mula sa kaniyang pagkabata.

34 At sinabi ni David kay Saul, Ang iyong lingkod ay nagaalaga ng mga tupa ng kaniyang ama; at pagka pumaroon ang isang leon, o isang oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan,

35 Ay lumalabas akong hinahabol ko siya, at aking sinasaktan, at aking inililigtas sa kaniyang bibig: at pagka dinadaluhong ako ay aking pinapangahan, at aking sinasaktan, at aking pinapatay.

36 Pinapatay ng iyong lingkod ang leon at gayon din ang oso: at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kaniyang hinahamon ang mga hukbo ng Dios na buhay.

37 At sinabi ni David, Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga pangamot ng leon, at sa pangamot ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito. At sinabi ni Saul kay David, Yumaon ka, at ang Panginoon ay sasa iyo.

38 At sinandatahan ni Saul si David ng kaniyang mga sandata, at kaniyang inilagay ang isang turbanteng tanso sa kaniyang ulo, at kaniyang sinuutan siya ng isang baluti sa katawan.

39 At ibinigkis ni David, ang tabak niya sa kaniyang sandata, at kaniyang tinikmang yumaon; sapagka't hindi pa niya natitikman. At sinabi ni David kay Saul, Hindi ako makayayaon na dala ko ang mga ito; sapagka't hindi ko pa natitikman. At pawang hinubad ni David sa kaniya.

40 At tinangnan niya ang kaniyang tungkod sa kaniyang kamay, at pumili siya ng limang makinis na bato mula sa batis, at isinilid sa supot na kaniyang dala, sa makatuwid baga'y sa kaniyang supot pastor; at ang kaniyang panghilagpos ay nasa kaniyang kamay: at siya'y lumapit sa Filisteo.

41 At nagpatuloy ang Filisteo at lumapit kay David; at ang lalake na may dala ng kalasag ay nangunguna sa kaniya.

42 At nang tumingin ang Filisteo, at makita si David, ay kaniyang niwalan ng kabuluhan siya; sapagka't siya'y bata pa, at mapula ang pisngi, at may magandang bikas.

43 At sinabi ng Filisteo kay David, Ako ba ay aso, na ikaw ay paririto sa akin na may mga tungkod? At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga dios.

44 At sinabi ng Filisteo kay David, Halika, at aking ibibigay ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang.

45 Nang magkagayo'y sinabi ni David sa Filisteo, Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak, at may malaking sibat at may kalasag; nguni't ako'y naparirito laban sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng mga kawal ng Israel na iyong hinahamon.

46 Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay; at sasaktan kita, at pupugutin ko ang ulo mo; at ibibigay ko ang mga bangkay sa hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid sa araw na ito, at sa mababangis na hayop sa lupa; upang maalaman ng buong lupa na may Dios sa Israel:

47 At upang maalaman ng buong kapisanang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat: sapagka't ang pagbabakang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.

48 At nangyari, nang bumangon ang Filisteo, at sumulong at lumapit upang salubungin si David, na si David ay nagmadali, at tumakbo sa dako ng kawal upang salubungin ang Filisteo.

49 At isinuot ni David ang kaniyang kamay sa kaniyang supot; at kumuha roon ng isang bato, at inihilagpos, at tinamaan ang Filisteo sa kaniyang noo; at ang bato ay bumaon sa kaniyang noo, at nabuwal na pasubsob sa lupa.

50 Sa gayo'y nanaig si David sa Filisteo sa pamamagitan ng isang panghilagpos at ng isang bato, at sinaktan ang Filisteo at pinatay niya siya; nguni't walang tabak sa kamay ni David.

51 Nang magkagayo'y tumakbo si David, at tinunghan ang Filisteo, at kinuha ang kaniyang tabak, at binunot sa kaniyang kaluban, at pinatay siya, at ipinagpugot ng kaniyang ulo. At nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang bayani ay patay na, sila'y tumakas.

Lucas 24:36-40

36 At samantalang kanilang pinaguusapan ang mga bagay na ito, siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila'y nagsabi, Kapayapaa'y suma inyo.

37 Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

38 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?

39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.

40 At pagkasabi niya nito, ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain