Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mga Paalala at Babala
19 Kaya, mga kapatid, mayroon na tayong lakas ng loob na pumasok sa Dakong Kabanal-banalan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daan sa gitna ng tabing; samakatuwid ay sa pamamagitan ng kanyang katawan. 21 At dahil tayo ay may isang Kataas-taasang Pari sa bahay ng Diyos, 22 lumapit tayo (A) sa Diyos na may tapat na puso at lubos na pananampalataya. Lumapit tayo na may pusong winisikan upang maging malinis mula sa maruming budhi at may katawang hinugasan ng dalisay na tubig. 23 Matatag nating panghawakan ang pag-asa na ating ipinapahayag, yamang siya na nangako ay tapat. 24 At isipin natin kung paano natin hihimukin ang isa't isa sa pag-ibig at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, sa halip ay palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na habang nakikita ninyo na papalapit na ang Araw.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.